Tuesday, March 31, 2009

march 31 2009 abante tonite

Shop at your own risk sa Trinoma?
Rey Marfil


Sa hangaring magpasik­lab sa “Earth Hour” ng Trinoma Mall, sa pamamagitan ng pagpatay sa mga ilaw sa loob ng isang oras, isang binatilyo at anak ng ating kasamahan sa industriya ang naaksidente. Nagtamo ng sugat sa kamay si Charles Kevin Jimenez, 15-years old at isang high school student matapos mahulog sa fountain (ground floor) ng Trinoma Mall dahil sa sobrang dilim.

Ang rason, walang harang na ipinalagay ang management sa security personnel at marami pang mall goers ang kamuntikang nahulog sa kagustuhang sumakay ng Ayala Land sa environmental campaign. Mantakin n’yo, nabasa ang buong katawan ni Kevin at nagtamo ng sugat sa kamay, pati 5310 cellular phone, ito’y nababad sa tubig. Kahit sinong lumagay sa mag-asawang Fidel at Shella Jimenez, siguradong mumurahin hanggang panaginip ang Ayala Land!

Pinakamasakit sa lahat, hindi kaagad inasikaso si Ke­vin ng mga security personnel gayong nagdurugo ang sugat sa kamay. Hindi lang iyan, tanging band-aid at betadine ang inalok ng management at gusto pang pauwiin ang bata, gamit ang rasong ordinaryong aksidente lamang ang nangyari kay Kevin.Kahit saang anggulo suriin, malinaw ang katotohanang negligence ng Trinoma ang nangyari kay Kevin dahil pinatay ang ilaw nang hindi man lamang nag­lagay ng harang sa fountain.

Kahit “good mor­ning towel”, hindi man lamang inalok si Kevin ng mga tauhan ng Trinoma gayong nangi­nginig sa pagkabasa ang bata. Nangyari ang aksidente, ganap na alas-8:30 ng gabi at ala-1:00 ng madaling-araw nakauwi dahil napilitan lamang ipa-check up ang biktima sa ospital kundi pa nagpumilit ang kasama nito, as in limang oras nakababad sa basang damit. Mabuti lang, hindi lumaki ang balls ni Kevin!

Kung Spy ang tatanungin, dapat sibakin ng Ayala Land ang security head ng Trinoma, maging branch manager dahil walang concern sa mga tao gayong multi-milyong piso kada araw ang nakukuha sa bulsa ng mga costumer. At pagkatapos ng aksidente, wala pang balak ang management ng Trinoma na palitan ang nasi­rang gamit ni Kevin, as in gustong gawing ‘charge to experience’ ang pagkahulog ng 5310 unit cellphone, maging ang mini-iPod ng estudyante. Kung nagkataon, kasing-height ni Dagul si Kevin, sa malamang ito’y nalunod sa fountain, mabuti lang 5’9” ang taas at varsity player!
***
Napag-usapan ang kapa­ba­­yaan ng Trinoma, bakit hindi higpitan ni Quezon City Ma­yor Sonny Belmonte ang bawat establishment. Ni sa panaginip, ayokong isi­ping ‘accident prone mall’ ang mga pag-aaaring department store ng Ayala Land, aba’y nagi­ging kakambal ang aksidente. Hindi ba’t sumabog ang Glorietta-2 Mall sa kapabayaan ng management? Su­werte ni Kevin, sugat lamang ang inabot, subalit balikan ang pagsabog ng Glorietta-2 dahil sa naipong dumi ng tao, hindi ba’t nakakapanlumo ang mga eksena sa Makati, ilang taon ang nakakaraan?

Nga­yong nasasangkot sa ganitong kaso ang Trinoma, bakit hindi maglagay ang Quezon City government ng mala­king karatulang ‘Warning: Accident Prone Mall’ sa labas ng Trinoma, at least mabibigyan ng abiso ang mga mall goers at alam kung anong mangyayari kapag pumasok sa loob!

Maliban sa pagsabog ng Glorietta-2, hindi ba’t isang lalaki ang nahulog at namatay sa 4th floor ng Trinoma noong May 2008 -- ito’y naging laman ng peryodiko at wala ng balita kung binayaran ang pamilya nito? Pagsapit ng Abril 2008, dalawa namang trabahador ng Trinoma ang nahulog sa 2nd floor habang inaayos ang parking area.

Kundi nagkakamali ang Spy, isa ang namatay at kritikal ang kondisyon ng kasama, ewan lang kung nakaligtas lalo pa’t walang balitang lumabas. Kung simpleng warning devices, hindi kayang ipagawa ng Ayala Land, hindi naka­kagulat ang pagkamatay ng maraming mall goers sa Glorietta-2 lalo pa’t nakatago sa basement ang pinagsama-samang dumi ng tao kaya’t nauwi sa bomba ang methane gas.

Ibig sabihin, hindi rin nakapagtataka kung maraming aksidente ang naitatala sa Trinoma, aba’y iisa ang may-ari at nagpapatakbo ng kumpanya. Kaya’t payo ng mga kurimaw sa mahilig gumala, mas makakabuting iwasan ang Trinoma at pagtiyagaan ang katabing department store, kung hindi, aba’y ‘shop at your own risk’ sa Trinoma Mall! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

1 comment:

mgakurimaw said...

sino sa inyo ang nabiktima din ng trinoma. baka meron din kayong kuwento sa iba pang mall sa metro manila....