Tuesday, March 10, 2009

march 10 2009 abante tonite

Noted, Your Honor!
Rey Marfil


Ayaw maglabas ng committee report sa broadband scandal ng katukayo ni Joselito Cayetano. Ang inirarason, ito’y nasa kamay ng bagong chairman ng Senate blue ribbon gayong kahit isang public hearing walang naipatawag si Dick Gordon. Ang huling kahol ni Alan Peter, sinulatan si Dick upang pabuksan ang imbestigasyon gayong napakaraming oras ang sinayang bilang blue ribbon chairman upang ipatawag ang mister ni Manay Gina De Venecia. At ngayong tatakbo ang stepson ni Manay Gina bilang senador sa 2010, magagamit lamang ang Upper House sa political ambition ni Joey De Venecia kapag kumanta si Manong Joe. Mantakin n’yo, sobrang VIP ng mag-amang De Venecia, simula sa kontrata hanggang magkasabit-sabit sa Wack-Wack at mag-golf sa China!
Kahit si Aling Matet na nagtitinda ng balut at penoy sa Taguig at Pateros, hindi maiwasang magduda sa diskarte ng utol ni Juliana Pilar ‘Pia’ Cayetano, aba’y 12-beses inimbestigahan ang broadband scandal subalit hindi nagawang isalang sa hot seat si Manong Joe. At kahit pambobola lamang ang gagawin sa public hearing, katulad ng nakaugalian sa Kongreso, at least masasabing may ginawang aksyon si Pedro. At ngayong nasibak sa blue ribbon, ang lakas pa ng loob humirit at magtapang-tapangan sa paghingi ng committee report. What kind of Senate is this, Mr. President at your Honor?
Kung kinagat ni Gordon ang huling kahol ni Alan Peter, ito’y mapupuwersang maglabas ng committee report at ligtas sa anumang pananagutan ang dating chairman ng blue ribbon. Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘panggugulang’ ang ginagawa ng anak ng namayapang si senador Renato Cayetano na nasangkot sa BW Resources scandal, maliban kung bahag ang buntot o meron pa rin pagmamahal sa kanyang ‘Tito Mike’ kaya’t iniiwasang saktan ang mga dating ‘pinagmamanuhan’ at ka-tropa sa MalacaƱang? Mantakin n’yo, ipinapasa kay Dick ang responsibilidad sa broadband scandal at kapag hindi nasarapan sa laman, katulad ng fertilizer scam, wawakwakin at kakagatin ang chairman!
***
Napag-usapan ang 2010, kasing-lutong ng kornik ang deklarasyon ni Mr. Noted, as in Francis Prancaceus Pangilinan sa pagtakbong Vice President. Ang huling statement ni Mr. Noted, nalalaman ng kanyang misis o merong clearance kay Megastar Sharon Cuneta ang pagsalang sa vice presidential race. Sabagay, kailan ba nanalo bilang Francis Pangilinan si Mr. Noted? Kung sa pagka-Congressman lang ng Quezon City, ito’y kumain ng alikabok kay Mayor Sonny Belmonte at kulelat sa hanay ng congressional bets. Mabuti lang napangasawa si Ate Shawie at kung hindi, ito’y magtitinda ng binatog sa kalye.
Ang tanong lamang ng mga kurimaw sa Cubao headquarters, ito ba’y humingi ng ‘green light’ o bendisyon sa liderato ng Liberal Party (LP) at kaninong tiket tatakbong Vice President si Mr. Noted ngayong bad trip ang karamihan sa LP members dahil mas matimbang sa mister ni Ate Shawie si Mr. Two Thing, as in ousted Senate President Manuel Villar Jr., gayong ang boypren ni Ate Koring -- si Mr. Palengke, as in Manuel Araneta-Roxas (MAR) ang LP President? Tandaan: mas malakas si Kris Aquino sa Vice President at halos kasing-popular ni Mr. Noted si Noynoy Aquino, paano pa kung pakasalan si Konsehala?
Ayokong sukatin ang kakayahan ni Mr. Noted subalit mismong ka-tropa sa Wednesday Club -- si Mr. Two Things ang nagmayabang sa P1 bilyon campaign fund para tustusan ang pagtakbong Pangulo sa 2010. Kung P3 milyong halaga ng “Hermes bag” ni Ate Shawie, hindi makapagregalo si Mr. Noted, katulad sa kanyang text messages, aba’y saan kukuha ng campaign fund sa 2010, maliban kung maraming naipong komisyon mula sa multi-milyong pork barrel sa loob ng 8-years, simula ng maupo noong 2001? Kung matuloy ang pagtakbo ni Mr. Noted, unang matutuwa ang kampo ng namayapang si Da King dahil balik sa mukha ng mister ni Ate Shawie ang katagang ‘noted’ kapag nagreklamo ng vote padding sa board of canvassers sa Batasan complex!(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: