Saturday, March 7, 2009

march 7 2009 abante tonite

2 senador, nag-contest sa padamihan ng laway!
(Rey Marfil)

Kung ipapalit ang ‘saliva contest’ sa pagkakabura ng basketball game sa gaganaping Southeast Asian Games (SEAG) sa bansang Laos ngayong Dis­yembre, nakakasiguro ng dalawang gintong medalya ang Pilipinas sa katauhan ng dalawang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ang rason, halos ‘sure winner’ sa single at mix-doubles category ang Philip­pine team kapag isinabak sa ‘saliva competition’ ang dalawang senador, patunay ang pangmatagalang pagtatagisan ng laway sa session hall, animo’y walang gustong sumuko sa diskusyon.
Nasaksihan ng TONITE Spy kung gaano kalupit magpaulan ng laway ang dalawang senador matapos pagdebatehan ang isang simpleng isyu, animo’y wala nang bukas na naghihintay para ipagpatuloy ang diskusyon sa floor.
Hindi maiwasang mauwi sa biruan, partikular sa hanay ng mga naglipanang kurimaw sa session hall ang senaryong ‘runaway winner’ ang dalawang senador kapag naisama sa Asian games ang patagalang magsalita sa session hall.
Ang nakakatawa sa lahat, sadyang walang kasawa-sawang magsalita ang isa sa ka-debateng senador dahil hindi pa man sumisikat ang araw, ito’y napakaingay sa iba’t ibang radio stations para magpainterbyu at mu­ling umariba ang bunganga, ganap alas-10:00 ng umaga matapos dumalo sa isang iniimbestiga-hang eskandalo.
Bagama’t iba ang nakaupong chairman ng komite, ma-armalite sa pagpapaulan ng laway sa public hearing ang unang senador at iisang boses ang umaali­ngawngaw sa kwarto, simula alas-10:00 ng umaga hanggang pumatak ang orasan, ganap alas-tres ng hapon bilang simula ng sesyon.
Sa puntong ito, nagkaroon ng katapat ang unang daldalerong senador dahil napasabak sa kuwentuhan, ilang minuto makaraan ang opening prayer at roll call sa session hall, nang tumayo sa floor ang isa pang daldalerong solon para bateryahin ito.
Nagsimula ang pagtatagisan ng laway ng dalawang senador ganap alas-3:20 ng hapon subalit inabot ng takip-silim, as in paglubog ng araw, hindi pa rin magkatalo sa daldalan ang mga ito.
Walang talunan sa dalawang senador dahil natapos lamang ang daldalan nang makitang wala nang natitira pang kasamahang mambabatas sa loob ng session hall, as in tanging presiding Senate President at majority leader ang natitirang listener matapos magsi-akyatan sa kanilang kwarto ang mga senador bunga ng nakakaburyong diskusyon ng mga ito.
Clue: Animo’y puwet ng manok ang bunganga ng unang senador at hindi inaatrasan kahit nangagat ang kakahulan sa floor habang saksakan ng tapang ang ikalawang senador subalit yuko sa isang sutsot ng misis nito. Abangan sa Lunes ang iba pang nakaengkuwentro. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: