Friday, September 30, 2011

Pasalubong!
REY MARFIL

Tulad ng isang nakakatandang kapatid na nagpupunyagi sa ibayong dagat, mataas man ang morale ng isang Pa­ngulo dahil napagsisilbihan nito at naibibigay ng sapat ang pangangailangan ng pamilya, hindi maiiwasang magdamdam tuwing malagay sa balad ng alanganin ang mga mahal sa buhay. Kung ‘di lamang kay Pedring, uuwi sana si Pa­ngulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na may ngiti.

Pagtuunan ninyo ang listahan ng mga pasalubong sa bansa: Una, nakakuha ng isang kaalyado ang Pilipinas sa bansang Japan sa usapin ng Spratlys. Sinabi ni Prime Minister Yoshihhiko Noda na susuportahan nila ang mapayapang solusyon sa isyu ng pagmamay-ari sa bahaging iyon ng West Philippine Sea. Nasa interes ng buong mundo ang kapa­yapaan sa nabanggit na teritoryo dahil pangunahing daanan ito ng kalakal at negosyo sa rehiyon;

Pangalawa, tutulungan tayo ng Japan Coast Guard upang epektibo nating mabantayan ang napakahaba nating mga baybayin. Magtatalaga ng mga tauhan ang Japan na magsasanay sa mga Pinoy sa bagong mga kaparaanan at ma­kabagong kagamitan;

Pangatlo, pauunlarin nang husto ang pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga ahensyang namamahala sa kani-kanyang tanggulang pambansa; Pang-apat, pag-iibayuhin ang pakikipag-ugnayan ng Japan at Pilipinas sa loob ng mga napagsang-ayunan sa ilalim ng JPEPA kabilang na ang pagdadagdag ng mga nurses at ibang trabaho sa kalusugan;

Panglima, ang P5.87 bilyong Official Development Assistance mula sa Japan para sa Forest Management Project at tulong sa pagsasaayos ng apat na malalaking ilog na naitakdang kritikal sa kakayahan ng bansang ibsan ang epekto ng Climate Change;

Maliban dito, pasalubong ng Pangulo ang mga bagong investment sa iba’t ibang industriya na nagkakahalaga ng 1.1 bilyong dolyar. Kabilang dito ang pamumuhunang ila­lagak sa bansa ng 30 Japanese businessmen at mga kasapi ng Japan-Philippine Economic Coordinating Committee and the Philippine-Japan Economic Coordinating Committee na kausap ng Pangulo sa Tokyo Kaikan Hotel;

At panghuli, maging ang Toyota ay magdadagdag ng kanilang pamumuhunan na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon at magdadagdag ng limanlibong manggagawa sa plantang itatayo na nagkakahalaga ng $170 milyong dolyar.

Magtatayo rin ang Murato Manufacturing Company ng isang pa­ktorya sa Laguna sa 2012. Ang Marubeni Corporation naman ay aambag sa pasalubong ng Pangulo sa pamamagitan ng expansion projects nito sa kanilang power plant sa Pagbilao, Sual at Subic at sa Leyte-Mindanao interconnection project.

***

Napag-usapan si Pedring, habang nasa kalagitnaan ng isang pagpupulong si PNoy kaharap ang mga mamumuhunang Hapon, balisa itong nasa telepono sa bawat pagkaka­taon -- kausap ang mga naiwang taumbahay ng pamahalaan. Sinigurong angkop ang kahandaan ng mga local government units sa harap ng delubyong si Pedring.

Umani man kasi ng laksa-laksang bagong negosyo’t pamumuhunan para sa bansa, hindi tatapat ito sa kahit isang buhay o kabuhayang nanakawin ng nagngangalit na panahon.

Kung hindi sinayang ng nakaraang pamamahala ang pagkakataong maglingkod ng buong katapatan sa bayan kabilang na ang pagsasagawa ng mga proyekto sa climate change mi­tigation at adaptation, mas maliit sana ang bilang ng mga naapektuhan ng mga kalamidad na tumatama sa atin.

Alam naman nating limitado lamang ang magagawa ng pamahalaan sa panandaliang paghahanda sa gitna ng mga ganitong kalamidad.

Mas malaking pakinabang ang mangyayari kung makikiisa ang mga komunidad, information dissemination at isang gobyernong nagpapatupad ng long-term na mga programa.

Sa huli kong nasabi, nakapanlulumo ang ginawa ng mga dating nakaupo sa puwesto. Imbes na dagdagan ang kahandaan sa mahahabang baybayin ng bansa, tanging kanilang bulsa ang napunan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 28, 2011

Dapat lang!
REY MARFIL

TOKYO, Japan --- Ginugunita ng bayan ang dagok at pinsalang dala ni Ondoy, saktong dalawang (2) taon na ang nakakalipas.

Sa isang bansang tanyag sa buong mundo ang resiliency, matatag man tayo bilang isang lahi’t lipi, mapait pa rin ang alaala na nagpamukha sa atin ng pagsasawalang-bahala. Isang bangungot itong nagpa­mulat sa atin sa kakulangan ng forward-looking vision na pa­ngunahing obligasyon ng bawat pamahalaan.

Nagising ang kamalayan ng publiko sa kabuktutan ng nakalipas na administrasyong nagpasasa sa pandarambong sa kaban ng bayan. Baul na sanang bukal ng mga proyekto’t programang tutukod sa taumbayan upang dumating man at lumipas ang daluyong ng kalamidad -- nakabigkis at nakatayo pa rin tayong susuong sa hamon ng darating na panahon.

Bangungot man ang Ondoy, mapait man ang alaalang iniwan nito, hindi kailanman nanlumo ang pananampa­lataya natin sa kakayahan ng mga Pinoy na gumawa ng hakbang upang baguhin ang noo’y siguradong kalulugmukan.

Natuto na ang bayan. Nagsimula ang manipestasyon nito ng isang bansa tayong nagdesisyong iiwan na ang nakasanayang katiwalian sa katungkulan at iwaglit ang isinubong baluktot na kalakaran sa pamahalaan.

Itinalaga natin bilang isang bansa ang lideratong nakasimangot sa tiwaling kaparaanan. Iniluklok natin ang isang panguluhang mangunguna ng pagbabago at pagtahak ng buong bansa sa tuwid na daan at hindi maitatangging maayos ang Pilipinas sa kamay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

***

Napag-usapan ang tamang pamamalakad, agarang umuwi ng Pilipinas si PNoy matapos ang matagum­pay na biyahe sa Estados Unidos upang siguruhing nasa tamang estado ang kahandaan natin sa pagdaluyong ng da­lawang (2) kalamidad -- ang epekto ng paggewang sa ekonomiya ng Europa at ang bagyong si Pedring.

Naiwan man ang economic managers ng pamahalaan sa US, hindi naman nagpahuli ang kani-kanilang mga bataan sa paghahanda. Habang abala ang ilang kalihim natin na kumukumbinsi sa mga bossing ng ahensya ng pandaigdigang pamumuhunan na muling balangkasin ang rating ng ekonomiya at hikayatin ang mga itong ilagay na sa Investment Rating ang Pilipinas, naka-focus namang gumagana ang lahat ng ahensya upang pa­tuloy na paghandaan ang epekto ng pandaigdigang krisis pinansyal.

Pansinin ninyo -- nadapa man nang saglit ang stock exchange, hindi halos naramdaman ng ating mga kababa­yan dahil agad naman itong nasolusyunan. Dahil ‘yan sa kahandaan. Ganu’n din si DND Undersecretary Benito Ramos -- pinakilos ang mga instrumento ng pamahalaan at mga ahensyang nakapaloob sa NDRRMC upang agad na i-deploy ang mga tao ng gobyerno sa mga nai-project na dadaanan ni Pedring.

Malayo pa man ito, nasa mga probinsya na ang mga trak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakiki­pagtulungan sa DSWD at pamahalaang local. Pinapatunayan ng mga pagkilos na ito na wala talagang kapalit ang masusing paghahanda.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 26, 2011

Exodus!

TOKYO, Japan --- Matapos ang matagumpay na biyahe sa Amerika, bansang Japan naman ang takbo ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III para himukin ang mga Hapong maglagak ng puhunan sa ating bansa at unang salvo ng official working visit ang pagharap sa Filipino community kahapon, isang oras makaraang lumapag ang eroplano mula Pilipinas.

Sinimulan ni PNoy ang 4-day official working visit, sa pakikipagdaupang palad sa mga overseas Filipino workers (OFWs), alas-kuwatro kahapon (Japan time) sa Japan Education Center (main auditorium), halos isang oras lamang ang pahinga ng Pangulo makaraan ang arrival sa Haneda Airport (3:00 p.m.).
At ngayong umaga (Lunes), bibisitahin ni PNoy ang Kadonowaki Evacuation Center sa Ishinomaki City na tinutuluyan ng mga biktima ng trahedya, kasunod ang kaliwa’t kanang business meeting. Take note: Anim hanggang pitong oras ang biyahe mula Tokyo patungong Sendai at Ishinomaki City kaya’t via bullet train ang buong delegasyon -- ito’y lalakbayin ng dalawang oras.

Sa kabuuan, hindi kaila ngayon sa hanay ng mga mamumuhunan sa sektor ng industriya at manufacturing ang lumalawak na sentimiyento, maging ang planong umalis at mag-alsa balu­tan patungo sa ibang bansang mura ang overhead sa labor at iba pang pagkakagastusan sa pamumuhunan lalo pa’t sunud-sunod ang dagok ng kalamidad dulot ng bagyo, baha, tsunami at lindol ang dumating dito.

At hindi rin kaila ang krisis sa enerhiya at kalusugan dulot ng pagkasira ng mga pasilidad sa kuryente na adik sa panggatong-nuclear, natural na lumakas ang tulak palabas sa mga ito dala na rin ng napakataas na labor cost, buwis at upa na lapad ang katapat na kabayaran.

Dikta ng panahon ang kasalukuyang balyahan, tulakan at agawan sa hanay ng mga ekonomiyang Asiano upang makopo ang exodus ng investment mula sa Japan. Alam kasi ng lahat na hindi lamang maliit ang kaakibat na capital sa mga negos­yong kakaripas mula sa Japan. Malalaking pera ito -- big ticket investments ang taguri ng mga ekonimista. Kung ikaw ang Pilipinas, magpapahuli ka ba? Uupo ka lamang ba sa gitna ng mala-feeding frenzy?

***

Napag-usapan ang Japan trio, madiin ang bawat mensahe ni PNoy -- hindi siya magdadalawang-isip na itaya ang resources ng pamahalaan makasungkit lamang ng proyekto mula sa hitik na investments market ng Japan at buong mundo. Napakalaki ng potensyal na umani ang Pilipinas dito.

Bagama’t napasama ang bansa sa corruption index, karaha­san at burukrasyang di-makatugo’t ‘di angkop sa pangangaila­ngan ng pumapasok na negosyo’t pamumuhunan, lahat nang ito’y pawang bahagi ng nakaraan na lamang -- ito’y unti-unti ngunit patuloy na napapawi ng matuwid na pamamalakad at pinatinong mga patakaran, as in ‘di maglalaon, makukumbinse ng pamunuan ni PNoy ang Kongreso at Hudikatura na gawing consistent ang batas at hubuging ‘di-nagpipingkian ang mga polisiya.

Gabundok man ang mga ito, nakakapanliit man ang mga kinakailangang gawin, hindi kailanman nakakapagod pagkayuran kung ito’y makakabuti sa mamamayan.

Sa pagtalaga ng bagong hepe ng kapulisan, siniguro ni PNoy na walang bahid ang mamumuno ng ahensyang pangunahing tutuon ng pansin sa krimen at karahasan. Pinatitino ang burukras­ya, lalo pang pinaiksi ang mga proseso, pinaliit ang bilang ng mga rekisitos, pinadami ang safety-nets upang bawasan ang pagkakataong gumawa ng raket, kotong at pandarambong.

Naglalawa ang mata ng mga investors sa bansa natin, lalung-lalo na ang mga Hapon. Take note: Tone-toneladang yamang-mineral, istratehikong pinagkakalagyan sa Timog Sila­ngan at Hilagang Asya at lumalaking bilang ng mamamayang bihasa sa Ingles. Dalawang oras lang ang layo ng Hong Kong. Higit sa lahat, 7,107 dito ang luntiang mga islang pinapalibutan ng puting buhanginan at mala-kristal na karagatan. Saan ka pa? Pupunta ka pa ba sa iba?

Sumang-ayon ang lahat sa tinuran ni PNoy -- “Wala tayo sa dapat nating kalagyan.” Ngunit sa ganang akin, walang impo­sible sa mamamayan na sabay-sabay na nagsabing “ayaw na namin sa pamahalaang batbat ng katiwalian” -- ito’y ipinamalas ng mga Filipino noong May 10, 2010 election. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 23, 2011

Maraming napahiya! (Last part)

Pinagsisikapan ng liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na maiangat ang kabuhayan ng mahihirap kung kaya’t umangat ang performance rating. Hindi man nagiging laman ng mga slogan ng pamahalaan ang sektor ng maralita, hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang mga programang naitutulay ng mga taong gobyerno upang mapabuti ang kanilang kalagayan.

Malinaw sa resulta ng Pulse Asia survey ang epekto ng pagkalinga ng Panguluhan, sa pamamagitan ng prog­ramang PPPP o CCT kung saan direktang ibinabahagi ng gobyerno ang maliliit na alokasyon sa pambansang budget.

Wala mang billboard o naglalakihang anunsyo, walang tatalo sa pagpapahayag na pumapawi sa kalam ng sikmura -- ito’y indikasyon lamang sa matandang kaalaman na nagsasabing “ang taong busog, ‘di kailanman mag-iisip mambugbog” as in. Hindi gagawa ng masama ang taong sapat ang laman ng sikmura.

Dulot din nito ang pagbabago ng pananaw sa kinabukasan maging ang pagtingin sa sarili. Sa ganitong mindset ng ating mga kababayan, madali silang maengganyong magtrabaho upang kumita. Isang pagpapasinungaling sa madalas na argumento laban sa CCT na ito’y isang dole-out o limos, aba’y paano nga naman lalakad at maghanap ng pagkakakitaan ang taong gutom at walang pamasahe man lamang?

Alalahanin din nating ang sektor na ito ang nag-alsa sa pinakamadugong episode sa kasaysayan ng EDSA. Kung ikaw ang pamahalaan, nanaisin mo bang paba­yaan at magbulag-bulagan sa pagdudusa ng mga maralita?

***

Napag-usapan ang survey, sa loob lamang ng tatlong buwan, mula Mayo hanggang Agosto ngayong taon, tu­malon ng double digits ang numerong nagsasaad ng pagsang-ayon at tiwala sa Pangulo. Kung 12% ang itinaas ng mga sumasang-ayon kay PNoy sa Visayas, aba’y 15% ang itinaas ng mga tumango sa mga programang isinulong nito sa Metro Manila.

Sa parehong panahon din o yugto, 18% ang inilundag ng numero ng mga nagtitiwala kay PNoy sa Metro Manila.

Sa mga pigurang inilabas ng Pulse Asia sa Ulat ng Bayan Survey, ipinapakita lamang na unti-unti nang nagigiba ang impresyong kinakatawan ng katagang “Imperial Manila”.

Bagama’t dito ang sentro ng mga tanggapan ng pamahalaan, ramdam sa buong bansa ang sinseridad ng lideratong maitulay sa mga kanayunan ang mga proyekto’t prog­ramang naglalayong ibsan ang kahirapan.

Totoo nga namang “kung matuwid ang puno, sanga at bunga’y hindi nalalayo.”
Dahil na rin marahil sa laki ng mga usaping bu­malagbag sa kamalayan ng Pinoy ng mga panahong kina­lap ang mga numerong nakapaloob sa survey na ito, u­mabante nang husto ang performance rating ng Pangulo.

Kung 75% ang pasadong marka -- ang karaniwang markang ibinigay kay PNoy ng 1,200 kababayan nating napagtanungan ng survey sa buong bansa -- 75% sa po­verty reduction hanggang 80% sa delivery of basic servi­ces sa mga nangangailangan. Sa 11 isyu na naitanong sa survey, 80% ang ­markang ibinigay ng mga kababayan natin kay PNoy kung ­performance lang naman ang pinag-uusapan. Kadalasan, lalung-lalo na sa panahon ng halalan, ang mga survey ay isinasagawa sa udyok ng salaping galing sa mga kampo-­pulitika at mga organisadong samahang tumaya sa kani-kanyang kalahok sa pampulitikang sabong.

Kinukumisyon o binabayaran ang mga survey outfit upang mangalap ng opinion, pananaw at saloobin at inilalabas bilang numerong panukat na nagiging batayan ng pagbabalangkas ng mga estratehiyang pampulitika.

Ngunit dito sa partikular na survey na inilabas kamakailan ng Pulse Asia, walang nagbayad o nag-commission sa natu­rang survey firm. Sadyang regular na ginagawa ang ganitong pagsisiyasat isang buwan matapos mag-deliver ang pangulo ng kanyang State of the Nation Address o SONA.

Isang direktang panukat sa sentimento ng bayan sa Pangulo at sa pananaw sa kalagayan ng bansa. Kung walang interes sa likod ng survey, naiibsan ang impres­yong manipulado ang pagkalap nito. Kung walang nagbayad, humuhupa ang pananaw ng pagkiling.

Sa resultang ito, masasabi nating hindi kailanman nagsisinungaling ang numero at ebidensya sa pagbuti ng kalagayan ng bansa. Patunay sa pagbabago ng pa­nanaw sa pamahalaang buong tapang na pinangungunahan ng pangulong tumatanggi sa pang-aakit ng balikong landas. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 21, 2011

Maraming napahiya!
REY MARFIL

Hindi nagsisinungaling ang ebidensya -- sa korte man o paboritong pagupitan, laging lamang ang posis­yong nakaangkla sa katibayan o matatag na basehan. Dalawang buwan matapos ang unang taon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa panunungkulan, inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng kanilang pinakahuling survey sa pulso ng bayan.

Madalas ipangalandakan ng mga masinsinang bumabanat kay PNoy ang diumano’y mistulang pelikulang pagpapalabas ng mga isyung pinag-uusapan upang pumabor ang resulta sa kasalukuyang pamunuan. Ngunit, may katotohanan man o wala, hindi naman kayang gibain ang kahit na kapirasong impormasyong bitbit ng mga numero sa resultang ito.

Dalawa ang punto ng pinakabagong survey ng Pulse Asia Ulat ng Bayan National Survey na isinagawa mula August 20 hanggang September 2, gamit ang mala-Face to Face na ni Tyang Amy sa 1,200 na Filipino na nasa edad 18 pataas: ang Approval sa Performance ng Pangulo at ang Tiwala sa kanya ng bayang minsang pinagkaitan ng matuwid na panunungkulan.

Malinaw ang ebidensya, 77 sa 100 katao ang sumasang-ayon sa performance ng Pangulo (Approval) at 75 sa 100 katao ang patuloy na nagtitiwala sa kanya (Trust).

Sa kabilang banda, apat lamang sa 100 Filipino ang hindi sang-ayon sa mga programa ni PNoy, lima sa 100 ang hindi nagtitiwala at 18 sa 100 ang hindi matanto ang pananaw.

Ang mga numerong nabanggit, ito’y nagsasabi lamang na dumami ng anim na porsyento ang sumasang-ayon sa performance ni PNoy mula sa mga pigurang nakuha ng pangulo noong Mayo ngayong taon.

***

Napag-usapan ang mga numero, halos katulad din dito ang mga naidagdag na bilang sa mga kababayan nating nagtitiwala kay PNoy mula sa mga nakuha nitong bilang sa nasabing buwan (4 percentage points).

Kung pagbabasehan ang mga isinagawang prog­rama ng Pangulo sampu ng kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Dalawang Kamara ng Kongreso na humahabol sa katiwaliang namayagpag ng nakalipas na dekada ng mga taong nagpasasa sa pandarambong sa kaban ng bayan, patunay lamang ang mga detalyeng ito na lalo pang nakumbinsi ng Pangulo, maging yaong mga dati ay hindi naniniwala sa kanya, kabilang na ang mga walang pakialam sa performance ng pamahalaan.

Suriin ang mga pigura base sa socio-economic class at paghambingin natin ang mga saloobin at pananaw ng ating mga kababayan sa iba’t ibang estado ng pamumuhay -- sa Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia na inilabas noong isang linggo, mas mataas ang pagsang-ayon at pagtitiwala sa pangulo ng mga kababayan na­ting nasa Class E -- yaong mga mahihirap at maralita.

Base sa nasabing datos, 86% sa kanila ang nagsasang-ayon sa Pangulo at 82% sa kanila ang nagtitiwala sa kanya, as in halos 20% ang lamang ng mga nu­merong ito kung ihahambing sa mga middle-class -- yaong may mga permanenteng hanapbuhay at mga maa­yos ang buhay.

Kung dami lang din naman ang pinag-uusapan, ang saloobin ng mga mahihirap ang importante sa isang li­der ng bansa. Unang-una, sila ang mas nakararami. Pa­ngalawa, sila rin ang mas nangangailangang pagsilbihan ng pamahalaan at sila rin ang kailangang paglaanan ng pansin, atensyon at resources ng gobyerno. Abangan ang karugtong.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


Monday, September 19, 2011

May malasakit!
REY MARFIL

Muling ipinakita ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang kanyang malasakit sa kalusugan ng mga Filipino sa pagsilang ng alyansa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at pribadong mga kompanya.

Maganda ang paglulunsad ng PhilHealth kamakailan sa public-private partnership (PPP) schemes kasama ng ilang malalaking pangalan sa negosyo bilang suporta sa “Kalusugan Pangkalahatan” as in Universal Health Care ng Department of Health (DoH).

Tinatawag na Kalusugan Pangkalahatan ang “health reform agenda” ng DoH at pangunahing layunin nito ang magkaloob ng tulong pinansyal sa mga Filipino, lalung-lalo na sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagtiyak sa Universal PhilHealth coverage at pagpapaunlad ng benepisyo ng PhilHealth.

Idinesenyo ang inisyatibo ng PPP para matulungan ang PhilHealth na himukin ang mas maraming mga tao na ma­ging bahagi ng PhilHealth at tulungan ang mga miyembro sa pagkakaloob ng serbisyo.

Ipinapakita lamang nito ang pagtiyak ni PNoy na mabibigayn ng serbisyong kalusugan ang mga mayayaman at mahihirap na mga Filipino, partikular ang insurance law.

Sa tulong ng PPP, magkakaroon ng diskuwento sa medisina at iba pang serbisyong pangkalusugan ang lahat ng mga miyembro ng PhilHealth.

***

Napag-usapan ang aksyon, hindi ba’t kapuri-puri ang pagpapalabas ni PNoy ng P1.62 bilyon para matulungan ang National Power Corporation (NPC) na mapigilan ang napipintong kakapusan ng kuryente sa ilang malalayong mga lugar sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng P1.62 bilyon, mapapalakas nito ang kakayahan ng NPC na magbigay ng matatag na suplay ng kuryente sa mga lugar na nakakaranas na ng manaka-nakang pagkawala ng kuryente dahil sa kakapusan ng suplay.

Senyales din ito ng paghahanda ng pamahalaan sa pagtiyak ng matatag at mas mababang halaga ng suplay ng kur­yente sa malalayong mga lugar kung saan pinoproseso na ang electrification project.

Sa P1.62 bilyon, P1.32 bilyon dito ang magagamit para sa fuel requirements ng Small Power Utilities Group (SPUG) ng NPC; P162.5 milyon o kalahati ng capital expenditure ngayong 2011 ng NPC para sa pagbili ng ekstrang SPUG plants; at P140 milyon para sa renta ng generator sa SPUG areas. Kukunin ang pondo sa Malampaya Fund.

Umabot naman sa kabuuang P3.6 bilyon ang naipalabas para sa NPC-SPUG ngayong taon. Isang missionary electrification arm ng NPC ang SPUG na nasa likod ng operas­yon ng 317 generating units na mayroong kabuuang capa­city na. 147.675 MW sa 86 na mga lugar.

Sa ilalim ng ganitong operasyon sa buong bansa, umaabot sa 78 island grids at 8 isolated grids ang nabibig­yan ng serbisyo na kumakatawan sa 3,330 barangays sa 192 munisipalidad sa buong bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com

Friday, September 16, 2011

Kawawang ARMM!
REY MARFIL

Sa bisa ng temporary restraining order (TRO) inilabas ng Korte Suprema noong nakaraang Setyembre 13 (Martes), naharang ang paglilipat ng halalan sa 2013 at pagtalaga ng mga officer-in-charges (OICs) sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Ang malinaw, hindi nagtatapos sa isang TRO ang pagnanais ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na maituwid ang nakagisnang katiwalian sa ARMM, mapa-ghost roads, ghost school o ghost teachers.

Anuman ang katwirang pinagbasehan ng mga mahistrado ng Korte Suprema para panigan ang punto de vista ng kontra sa pagpapaliban ng ARMM elections noong nakaraang Agosto, nawa’y magsilbing salamin ang mga kaganapan sa ilang lalawigang sakop ng autonomous region, katulad ang pambobomba sa convoy ni Maguindanao Governor Ismail Mangudadatu -- isang patotoo kung gaano kaseryoso ang problema sa Mindanao.

Pinaka-latest ang dalawang magkasunod na pambobomba sa convoy ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jessie Robredo. Take note: Hindi pa kasama ang sangkaterbang kaso ng kidnapping at patayan sa rehiyon, Maguindanao massacre na bumandera sa lahat ng peryodiko, mapa-international at Timbukto, maging ang nawawalang multi-bilyon pisong nadiskubre ng Commission on Audit (COA)..

Sa kabilang banda, hindi pa huli ang lahat upang maituwid ang pagkakamali sa pagkalikha ng ARMM -- meron pang tsansang mabago ang desisyon ng Korte Suprema, gamit ang motion for reconsideration na ihahain ng palasyo. Kaya’t ipagdasal nating lukuban ng magandang espiritu ang ilan sa mahistrado.

***

Napag-usapan ang ARMM election, narito ang pahayag at damdamin ni PNoy makaraang ilabas ng Korte Suprema ang TRO. Kayo ang humusga sa punto de vista ng Pangulo kung bakit napakaimportante sa isang “matuwid na daan” ang pagsibak sa kasalukuyang opisyal ng ARMM.

“Nitong hapon (Martes), nakarating sa atin ang balitang nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Sup­rema laban sa pagpapaliban ng halalan sa ARMM sa 2013, gayundin sa pagtatalaga natin ng mga Officer-in-Charge na pansamantalang mamamahala sa ARMM.

Simple lang naman po ang isyu: Natutuwa ba tayo sa sitwasyon sa ARMM? Natutuwa ba tayo sa report ng COA tungkol sa pagkawala ng walumpung porsyento ng pondo na dapat sana ay napunta sa taumbayan? Ganoon po ba kadaling malimot ang limampu’t pitong taong walang-awang pinaslang sa Maguindanao?

Risonable bang asahan na may pagbabagong mangyayari kung ang tatakbo at mananalo kapag natuloy ang eleksyon ay mga pulitikong walang ibang tututukan kundi ang pananatili nila sa kapangyarihan?

Hindi lamang ARMM ang naaapektuhan sa mga travel advisories, o sa mga bomb threats o sa malawakang kultura ng karahasan. Malaking dagok din ito sa pangkalahatang imahe ng Pilipinas sa buong mundo.

Kailangan nating putulin ang sistema ng pang-aabuso na tila naging kultura na sa ARMM. Kaya naman reporma ang tanging magiging tuon ng ating mga OIC: Totoong ospital, totoong paaralan, totoong mga serbisyo, at hindi mga multong pinagkakakitaan. Sa sistemang umiral, ni walang katiyakan o kasiguruhan ang mga datos na nakakalap natin, tulad ng sa DPWH at sa NSO.

Mahihinto lamang ang kalakarang ito kapag nakapagtalaga tayo ng mga OIC na magiging tapat na katuwang natin sa pagbagtas sa tuwid na daan. Sinisiguro namin sa loob ng dalawampu’t isang buwan na panunungkulan ng mga OIC, magkakaroon ng radikal na pagbabago na magbibigay ng tunay na serbisyo sa mga mamamayan ng ARMM.

Maaaring walang katapusan ang mga pagtatalo natin ukol sa usaping ito, ngunit sa huli, tayo ay huhusgahan ayon sa positibong ipagbubunga ng mga ipinupunla nating reporma.

Habang hinihintay natin ang pag-usad ng kaso sa Korte Suprema, gaya ng dati, nakatutok pa rin ang inyong pamahalaan para magdulot ng pagbabago sa ARMM at ang pagbabalik sa mga mamamayan nito ng tunay na kapangyarihan.

-President Benigno S. Aquino III

Laging tandaan: Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 14, 2011

Sakripisyo!
REY MARFIL


Kung tutuusin, mapalad ang mga Filipino dahil nagkaroon ng isang lider na katulad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, aba’y sobra-sobra ang sakripisyong ginagawa sa buhay.

At kahit binata na malayang makapanligaw o makipag-date, sinuman ang mapusuan, nauwi pa rin sa “zero” ang love life gayong pwedeng “fa­mily-size” o litro.

Isang patunay ang paglikha ng trabaho sa mga benepisyunaryo ng programang Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) -- isang magandang balita ang alyansa ng ilang ahensya ng pamahalaan, kalakip ang layuning matulungan ang mga pamilyang mahihirap at mabawasan ang bilang ng mga tambay sa kanto tuwing dapit-hapon, sampu ng mga kumukuya-kuyakoy.

Upang magkaroon ng bagong mga trabaho, lumagda ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang memorandum of agreement (MoA), sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para simulan ang programa sa pagmi­mintina ng gilid ng mga kalsada.

Nangangahulugan ng karagdagang pagkain sa lamesa ng bawat pamilyang Filipino ang “Trabahong Lansangan ng Programang Pantawid Pamilyang Pilipino.” Ang good news -- siguradong trabaho ang maibibigay ng programa, maging sa mga benepisyunaryong walang sapat na kakayahan bilang manggagawa dahil kabilang lamang sa mga gagawin ang paglilinis ng daluyan ng tubig at pagwawalis.

Sa ilalim ng kasunduan, responsibilidad ng DSWD ang pagkakaloob ng “priority list” ng mga benepisyunaryo, kabilang ang pagsagawa ng organisasyon sa komunidad at sosyal na paghahanda sa imbentaryo ng mga kakayahan at pagpapaunlad nito, at pagsagawa ng regular na pagbabantay at pag-uulat sa operasyon ng proyekto.

Sa kabilang banda, magkakaloob naman ang DPWH sa DSWD ng listahan ng taunang pangangailangan sa skilled at unskilled workers, paglalaan ng 20% ng labor requirement para sa mga benepisyunaryo at tiyakin ang implementasyon ng kinauukulang batas sa paggawa.

Kaya’t hindi nakakagulat ang huling survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasabing mas dumami ang bilang ng mga Pinoy na tiwalang gaganda ang kanilang buhay sa ilalim ng administrasyon ni PNoy, maliban kung sadyang mutain at sandamakmak ang tutuli ng mga kritiko?

***

Napag-usapan ang good news, ating batiin ang administrasyong Aquino sa seryosong pagsusumikap nitong resolbahin ang mga kakulangan sa silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ang “latest recruit” ng pamahalaan sa pagtutok ng Department of Education (DepEd) para resolbahin ang kakapusan sa mga kuwarto -- ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte.

Nakaraang linggo, lumagda sina Education Sec. Armin Luistro at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa isang counter-parting agreement sa paggawa ng 44 silid-aralan sa Paoay Lake National High School at Paoay Elementary School sa halagang P50 milyon.

Sa ngayon, siyam (9) na lalawigan at siyam (9) ding lungsod ang lumagda sa kasunduan sa DepEd. Take note: may kabuuang 1,347 ang bagong silid-aralan para sa kabuuang P616 milyong ambag ng mga lokal na pamahalaan at umabot naman ang kontribusyon ng DepEd sa kabuuang P1.129 bilyon.

Sa kaagahan ng taon, lumagda ang DepEd sa isang memorandum of agreement, sa pagitan ng League of Ci­ties, League of Municipalities, League of Provin­ces of the Philippines, at Department of Budget and Ma­nagement (DBM) para sa implementasyon ng paggawa ng mga kuwarto sa ilalim ng counter-parting scheme.

Tutulong ang tanggapan ni DBM Secretary Butch Abad sa pagtukoy kung saan kukunin ang kakailanga­ning pondo at pagpapalabas ng kaukulang salapi para sa programa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 12, 2011

Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makahulagpos sa liku-likong daan sa mahabang panahon, napakalayo ng nabago sa gobyerno -- isang patotoo ang kahandaan ng administrasyong Aquino sa tuwing nagkakaroon ng kaguluhan sa ibang bansa at nalalagay sa balag ng ala­nganin ang buhay ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Hindi man kasing-kapangyarihan at ka-moderno ang sistema, katulad ng Estados Unidos, Britanya at iba pang Kanluraning bansa, maituturing pa ring epektibo ang gobyerno sa paglilikas ng mga OFWs.

Lahat ng kaparaanan, ginagawa ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III kahit mala-adobe sa tigas ng ulo ang ilan nating kababayan na ayaw lisanin ang pinagtatrabahuhan -- ito’y isang patunay kung paano pinapahalagahan ng Pangulo ang kapakanan at interes ng mga nasasakupan lalo pa’t bawat buhay ay mahalaga.

Simula ng maupo, laging handa ang administrasyong Aquino sa agarang paglilikas ng OFWs na naiipit sa ibang bansa, mapa-Libya o Syria at laging katuwang ng MalacaƱang sa pagtulong ang Philippine Airlines (PAL) para ilikas ang mga nagbabalik nating kababayan -- ito’y makailang beses nasubukan.

Sa ilalim ng pagtutulungan, kinakargo ng MalacaƱang ang gastos sa gasolina at cabin crew ng PAL -- ito’y magsilbing ehemplo sa ilang air lines company, as in hindi puro kita o balik sa bulsa ang isipin kundi ang makatulong sa gob­yerno, maging sa mga kababayan nating nangangailangan ng responde sa panahong naiipit sa gulo, maliban kung nahawa sa buwayang si Lolong?

Hindi ba’t magandang marinig na meron katuwang ang gobyerno para ilikas ang libu-libong OFWs na naiipit sa giyera, katulad nang nangyari sa Libya at Syria?

Sa kaalaman ng publiko, kapag isinailalim sa crisis alert level 3, sasagutin ng gobyerno ang boluntaryong paglikas sa OFWs.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakabilib ang diskarte ni PNoy sa pagtulong sa sektor ng agrikultura upang mapababa ang mga produktong inaangkat ng ating bansa?

Aba’y, mula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2011, umabot sa kabuuang 1,814 kilometro (kms) ng Farm-to-Market Roads (FMRs) ang nagawa ng gobyerno, gamit ang pondo ng Department of Agriculture (DA).

Hindi lang ‘yan, umabot din sa 687 kms na FMRs ang nagawa sa ilalim ng locally-funded at foreign assisted projects sa parehong panahon. At sa kabuuan, umabot na sa 2,501 kms ang natapos na FMRs na magkakaloob ng mabilis at maayos na serbisyo sa pagdadala sa kinauukulan ng mga ani mula sa taniman.

Tanging mutain at sandamakmak ang tutule ang hindi nakakaalam na ngayong taon naitala ang pinakamataas na produksyon ng palay at nabawasan ang tone-toneladang bigas na nakaugaliang angkatin ng mga dating opisyal -- isang patunay kung paano naitutuwid ang maling patakaran na naging institusyon sa nakaraan.

Maliban sa mga kalsada, nakagawa rin ang administras­yong Aquino ng kabuuang 65 tramlines na nagkokonekta sa mga lugar na mayroong FMRs mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2011.

At sa tulong ng tramlines, naibaba ang ratio sa pag-aangkat ng produkto, aba’y ang dating P2, ito’y naging P1 kada kilo at minuto na lamang ang biyahe mula sa da­ting ilang oras.

Isa sa magandang halimbawa ang 400-meter tramline sa Twin Peaks sa Tuba, Benguet na nagresulta para mapababa sa limang minuto ng biyahe -- ito’y napakalayo sa dalawang oras na ginugugol sa pagbiyahe ng mga produkto.

Kung hindi pa rin nakikita at naririnig ng mga kritiko ni PNoy ang pagbabagong ito, aba’y maghilamos kada minuto at sandok ang ipangtutule sa tainga nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Laging handa!
REY MARFIL

Friday, September 9, 2011

Mahalaga ang kalusugan!
REY MARFIL


Sa dami ng tambay at kumukuya-kuyakoy sa kanto, isang napakalaking good news ang pagkuha ng administrasyong Aquino sa serbisyo ng karagdagang 12 libong nurses, midwives at doctor sa ilalim ng Registered Nurses for Health Enhancement and Local Service (RN-HEALS).

Para sa kaalaman ng nakakarami, ang RN-HEALS -- ito’y programa ng Department of Health (DOH) para matulungan ang mahihirap na mga komunidad na magkaroon ng access sa tamang serbisyong pangkalusugan.

Magbibigay ng magandang balita sa graduates ang pahayag ni Health Sec. Enrique Ona kaugnay sa magandang balita ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, malinaw ang paglikha ng bagong trabaho -- ito’y hiwalay sa naunang 10 libong health workers na kinuha ng gobyerno sa nakalipas na anim na buwan.

Layunin ng RN-HEALS ang kumuha ng nurses para sa mahihirap na mga komunidad na makapagbigay ng maa­yos na serbisyong pangkalusugan sa lahat ng mga Filipino, katuwang ng DOH ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Magtutulungan ang lokal at national government sa prog­ramang tutugon din sa kakulangan ng mga skilled at experienced nurses, partikular sa 1,221 rural areas at mga lugar na hindi nabigyan ng serbisyo o kulang sa serbisyong pangkomunidad -- ito’y puntiryang matugunan sa loob ng isang taon.

Simula ngayong buwan, ipapatupad ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) ang tinatawag na “case-rate system” kung saan bahagi ng programa ang reporma sa insu­rance system para mabigyan ang publiko ng oportunidad sa serbisyong pangkalusugan.

Sa ilalim ng programa, gagamutin ng walang gagastusin sa mga pampublikong ospital ang mga kasapi ng Philhealth-sponsored programs, partikular ang mga mahihirap na pa­milyang nasa ilalim ng conditional cash transfer (CCT) prog­ram ng DSWD.

Upang maging epektibo ang “universal health care” na inisyatibo ng pamahalaan, malaki ang maitutulong ng middle-income families, sa pamamagitan ng pagkuha ng Phi­lhealth upang mapakinabangan ang Philhealth insurance coverage. Umaabot sa P1,200 ang taunang kontribusyon na maaaring sumakop sa isang pamilya.

Isa pa sa programa ng DOH ang pagbabawas sa maternal deaths sa bansa. Sa ngayon, umaabot ang maternal mortality ng bansa sa 95 hanggang 163 bawat 100,000 bagong panganak habang naitala naman ang infant mortality sa 25 bawat 1,000 ipinapanganak.

***

Napag-usapan ang good news, ipinag-utos ni PNoy na ilabas ang P6 bilyong pondo para sa pagpapaunlad, pagkumpuni at pagmantine ng iba’t ibang lokal na paliparan, kabaliktaran sa “kiyaw-kiyaw” ng mga “mutaing kritiko”, sampu ng hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential elections!

Malinaw sa kautusan ni PNoy na mapapabuti ang kalagayan ng mga paliparan sa bansa para matiyak ang magandang serbisyo lalo na sa inaasahang pagpasok ng mga banyagang eroplano sa open skies policy ng gobyerno.

Magsasagawa ang gobyerno ng pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga paliparan sa Pilipinas upang mabawasan ang masikip na eskedyul sa pag-alis at pagdating ng mga eroplano.

Inaasahang positibo rin ang magiging bunga nito sa pagsusulong ng turismo ng bansa, partikular ang pagdami ng mga dayuhang magtatampisaw at mamasyal sa magagandang tanawin ng Pilipinas, mapa-dalampasigan, hanggang sinaunang istraktura na punung-puno ng kasaysayan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 7, 2011

P25M vs $13B!
REY MARFIL


Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng grupong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential elections, naging mabunga at malaking tagumpay ang pakikipagpulong ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa mga matataas na opisyal ng China.

Sa pagsalubong ni Wu Bangguo (Standing Committee Chairman ng National People’s Congress), sinabi nitong magpapalakas sa pagkakaisa ng Pilipinas at China ang pagbisita ni PNoy -- isang patunay kung paano pinapaha­lagahan ang pagpapabuti sa relasyon ng dalawang bansa.

Mahalaga ang malalim na palitan ng pananaw kaugnay sa bilateral relationship at mga isyung meron parehong pakinabang ang dalawang bansa para masulong ang kaunlaran.

Nakipagkita rin si PNoy kay Chinese Premier Wen Jiabao na tinitingnan ang kahalagahan ng pangmatagalang pananaw ng pamamahala sa bilateral relations tungo sa kaunlaran ng Pilipinas at China.

Pinuri rin ni Premier Wen ang produktibong pakiki­pag-usap ni PNoy sa kanyang counterpart -- si Chinese President Hu Jintao sa Great Hall of the People kung saan nilagdaan nila ang ilang mga kasunduan na naglalayong palakasin at patatagin ang bilateral ties ng dalawang bansa.

Tama rin si Premier Wen sa paggiit ng kahalagahan na ayusin ng mabuti ang pagdadala sa mga bagay at isyung hindi napagkakasunduan alang-alang sa pagpapatatag ng bilateral relations.

***

Napag-usapan ang China trip, dapat lamang batiin at papurihan si PNoy sa pagkakakuha ng malaking porsiyento ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) China Investment Fund para sa bansa.


Bagama’t walang eksaktong halaga, inaasahang makakakuha ang Pilipinas ng mas mahigit sa 10% ng pondo na umaabot na ngayon sa $1 bilyon. Ibig sabihin, mas malaki ang naiuwing pakinabang sa mga Filipino sa China trip, maliban kung “row four” sa mathematics ang mga kritiko ni PNoy kaya’t hindi makuwenta ang nauwing package nito?

Kung ikukumpara ang P25 milyong ginastos sa China trip -- ito’y “bengkong”, as in baryang maituturing sa humigit kumulang $13 bilyon ang naiuwing negosyo ni PNoy, nangangahulugang karagdagang trabaho sa Pilipinas. Take note: dollars at hindi peso ang usapan!

Para sa kaalaman ng publiko, isang pribadong equity fund ang ASEAN China Investment Fund na nagkakaloob ng kapital para sa small at medium sized na mga negosyo sa ASEAN at People’s Republic of China. Tumatayong sponsors/investors ng pondo (ASEAN China Investment Fund) ang Swiss Government, Asian Deve­lopment Bank at United Overseas Bank.

Tunay na isang malaking tagumpay ito kay PNoy na galing sa limang araw na pagbisita sa China at talagang humigit sa kanyang inaasahan ang natamong tagum­pay sa biyahe.

Higit sa lahat, tama rin si PNoy sa pagsasabing nakikita ng mga tagapangalaga ng ASEAN China Investment Fund ang paborableng mga programa ng pamahalaan ng Pilipinas katuwang ang lokal at internasyunal na mga komunidad na maitaas ang antas ng buhay ng mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 5, 2011

Mabungang biyahe!
REY MARFIL

FUJIAN --- Makatwirang suportahan ng publiko ang P600 milyong intelligence funds na hinihingi ng Office of the President (OP) sa ilalim ng P1.816 trilyong pambansang badyet sa 2012 para matiyak ang kapayapaan at kaayusan at makuha ang kailangang mga impormasyong hindi basta-basta nakukuha ng ordinaryong mga Filipino.

Maunawaan sana ng mga kritiko na Commander-in-Chief ng bansa ang Presidente at kailangang magkaroon ng sapat na makinarya para makuha ang lahat ng kaila­ngang mga impormasyon upang protektahan ang pambansang interes.

Kailangang-kailangan naman talaga ang pondo para tiyakin ang pambansang interes at matiyak na makukuha ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang lahat ng impormasyong kailangan nito sa mga krusyal na desisyon base sa makukuhang mga datos.

Napakalaki ang responsibilidad ni PNoy bilang pinakamataas na lider ng bansa at kailangan nito ang lahat ng suporta para epektibo at maayos na magampanan ang kanyang tungkulin, as in hindi lamang naman kasi ang pagmantine ng kapayapaan at kaayusan ang kanyang obligasyon bilang lider ng bansa.

Hindi lang iyan, meron kritikal na isyung may kina­laman sa pambansang seguridad na magagampanan lamang sa pamamagitan ng sapat na pondo at wala namang duda, labis na mapagkakatiwalaan ang liderato ni PNoy na hindi mawawaldas ang intelligence fund.

***

Napag-usapan ang seguridad, saludo ang publiko sa mabunga at kapaki-pakinabang na limang araw na state visit ni PNoy sa China kung saan muli silang nanindigan nina Chinese President Hu Jintao na mapayapang resolbahin ang gusot sa teritoryo sa West Philippine Sea. Makakatulong ang kanilang paniniyak ng pagkakaisa para mapanatag at maging matatag ang rehiyon. Higit sa lahat, malinaw ang headlines “P-Noy back with $13-B package”.

Pinasasalamatan natin ang kahanga-hangang istilo ng liderato ng dalawang mga lider upang maging maa­yos at mapayapaa ang paghahanap ng solusyon sa pinag-aagawang mga isla at pagpapaunlad sa rehiyon ng Asya.

Maging si House Deputy Minority Leader at Zambales Rep. Ma. Milagros ‘Mitos’ Magsaysay, isa sa na­ngungunang mga kritiko ng administrasyong Aquino, napabilib sa naging performance ni PNoy matapos matiyak ang pagsusulong ng mapayapang solusyon sa pinag-aagawang mga isla at pagkakaroon ng pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.

Tama si Magsaysay nang sabihing magandang pagkakataon sa ilalim ni PNoy ang pagkakaroon ng China ng mataas na kumpiyansa sa bansa at nakahanda silang pa­lakasin ang mga programa sa negosyo at imprastraktura sa kabila ng pandaigdigang krisis pinansyal.

Tunay na mapalad ang bansa sa matagumpay na pagbalik ni PNoy mula China. Isang grupo ng mga isla ang Spratlys sa West Philippine Sea na pinaniniwalaang nag­lalaman ng malaking deposito ng langis at gas na ina­angkin ng buo o bahagi ng Pilipinas, China at apat pang mga bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 2, 2011

Kapartner!
REY MARFIL

SHANGHAI --- Bago umalis ng Beijing ang delegasyon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, ito’y nakipagkita kina Chairman Wu Bangguo ng Standing Committee of the National People’s Congress at Premier Wen Jiabao.

Bitbit ang mayamang kasaysayan sa kultura, negosyo’t kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at ng Tsina, mistulang rickshaw driver si PNoy na hila-hila ang mga pambansang karanasang ito upang itulak ang patuloy na kalinangan ng kanya-kanyang bansa sa loob ng diplomatikong pakikipagkaibigan.

Limang araw ang bubunuin ni PNoy upang isulong ang interes ng bansa at buksan ang daang matuwid na landas ng kalakalan sa ikatlo sa pinakamalaking “trading partner” ng Pilipinas sa buong mundo at isa sa pinakamalaking merkado ng mga produktong nagmumula sa Pilipinas.

Iisa lamang ang maaaring patutunguhan ng isang agresibong pakikitungo ng Pilipinas sa Tsina sa larangan ng ka­lakalan at kultura na kakapalooban ng pag-iwas sa taghiyawat ng masalimuot na tagisang dala ng isyu sa Spratlys at Scarborough Shoals upang lalo pang paglapitin ang dalawang bansa sa pamamagitan ng paglinang sa masiglang mukha ng ugnayang diplomatiko.

Puyat man sa kaliwa’t kanang pi–ging at pulong, siguradong kaabang-abang ang baong dalang good news ng Pangulo sa susunod na linggo.

***

Napag-usapan ang China trip, hindi man hingin ni PNoy, ramdam ang suportang pabaon sa kanya ng higit na nakararami sa ating mga kababayan habang ito’y nakikipagkita sa mtataas na pinuno ng China. Ito ang katotohanan sa gitna ng mga kinakaharap na isyu-diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa.

Nakakataba ng puso ang mga pahayag ng mga kababa­yan natin bago pa man tumulak papuntang Beijing upang susugan ang misyon ni PNoy sa ating karatig-bayang tinuturing na ngayong isang global economic power.

Hindi lamang ito isang mainam na batayan ng isang mamamayang umaangat ang pambansang kamalayan -- ito’y sen­yales sa tiwalang handog ng mga kababayan nating positibo ang tingin sa pamahalaang hayag ang bawat hakbang upang paunlarin ang pangsosyal at pang-ekonomikong kalagayan ng lahat.

Higit sa lahat, batid ni PNoy ang pagkauhaw ng ba­yan sa mga pasalubong na milyun-milyong bagong investment at pagpasok ng negosyong nagpapabilis ng pag-inog ng ekonomiya ng bansa tuwing ito’y bumabalik mula sa isang matagumpay na biyahe sa ibayong dagat.

Sa Beijing, napansin natin ang kakaibang mood ng ating mga kababayang dito na naninirahan at nagpupunyaging maiahon ang kabuhayan sampu ng mga naiwang kaanak sa Pilipinas.

Masayang sinalubong ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang delegasyon ng Pangulo noong Miyerkules ng gabi.

***

Nagiging kalakaran sa mga opisyal na biyahe ni PNoy ang pagtitipid sa gastos, maging ang mga inihahandang salu-salo ay simple. Popular ang Pangulo sa mga OFWs dito.

Sa piging kasama ang mga OFWs, payak mang maituturing ang mga inihaing salu-salo, hindi mapapasinungalingan ang init ng pagtanggap ng mga ito sa pinunong buong tatag na pinapangunahan ang pamahalaan sa pagtahak sa tuwid na landas.

Sa kanya marahil nakikita ng mga OFWs ang katuparan ng kanilang mga pangarap na nakapaloob sa kanilang boto noong May 2010 kung saan alikabok ang tinira sa mga katunggali sa Overseas Absentee Ballots mula sa China.

Marami nang nagtatanong sa mga kasamahan natin sa press kung magkano na sa kasalukuyan ang suma ng fresh investments na maiuuwi ng Pangulo. Ang sagot natin dito: sa dami ng Memorandum of Agreements na napirmahan at inaayos ng delegasyon ni PNoy sa larangan ng information, media, communications at trade and commerce, hindi mala­yong maabot ang mga naisulat na targets.

Talagang aaba­ngan na naman ng mga kababayan natin ang pahayag ng Pa­ngulo sa pagtatapos ng biyaheng ito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)