Thursday, March 26, 2009

march 26 2009 abante tonite

Ang ‘pamana’ ni Lolo Manny!
Rey Marfil


Sadyang ‘napaka-busilak’ ng kalooban ni Securities and Exchange Commission (SEC) Commissioner Manuel Gaite, aba’y kung anong galante kay Senate witness Rodolfo ‘Jun’ Lozada Jr., at nagawang ‘pabaunan’ ng P500 libo para merong ipambili ng winter clothes dahil ginigi­naw habang nagtatago sa Hong Kong, kasagsagan ng broadband scandal, ganito rin ‘ka-dakila’ ang iniwang legal opinion bilang Deputy Executive Secretary. Ang resulta: nagkagulo ngayon sa National Printing Office (NPO) dahil ipinagba­wal ang contract bidding sa lahat ng security printers.

Kapag pinag-aralan ang ‘pamana’ ng galanteng si Lolo Manny, mauuwi sa ‘free for all fight’ ang corruption sa pagpapaimprenta ng mga security printers, aba’y ipapaubaya sa lahat ng local government units (LGUs). Hindi lang iyan, magiging inutil ang bagong NPO director sa lahat ng kontrata kaya’t malaking sampal kay ex-PNP comptroller Servando Hizon ang ‘legal opinion’ ng galanteng si Lolo Manny dahil tinanggalan ng kapangyarihan, as in ‘no touch’ sa mga printing contracts. Take note: karamihan sa iniimprenta ng NPO, ito’y accountable forms o security features kaya dapat lamang magkaroon ng ‘monitoring control’ para hindi magkaroon ng overprinting.

Sa madaling salita, lalo pang binuksan ng galanteng si Lolo Manny ang corruption sa NPO dahil hahayaan na lamang ang lahat ng mga local government units (LGUs) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa sinumang security printers na nais nilang magpaimprenta ng kanilang mga dokumento.

Ibig sabihin, mawawala ang check and balance kapag meron direktang ugnayan ang LGUs at private printers. Kapag nagkaroon ng overprin-ting, mas lalong pinatindi ang corruption. Tandaan, bagsak ang imahe ng NPO kaya’t malaking hamon kay ex-Gen. Hizon ang corruption dito.
***
Napag-usapan ang Office of the Executive Secretary, ni sa panaginip ayaw isipin ng mga kurimaw sa presidential garden ang senaryong ipinuwesto ni Ta-ermits, as in Executive Secretary Eduardo Ermita si Hizon para gawing ‘Christmas tree’, as in dekorasyon dahil wala naman pa lang gagawin ang ex-PNP comptroller at manonood lamang habang pinagpapartehan ng mga gahamang private printers at local government units ang multi-bilyon pisong NPO printing contracts. Talagang nangangamoy-dayaan sa 2010 election!

Kundi nagkakamali ang Spy, walang konsultasyong ginawa sa hanay ng NPO officials ang galanteng si Lolo Manny, maging sa ilan pang stakeholders, as in bulag sa legal opinion na inilabas bago nagpalipat sa SEC. Kapag nagkabisa ang pamana ng galanteng si Lolo Manny, walang ibang makikinabang kundi ang mga security printers na ipina-blacklist. Kaya’t bumabalik sa alaala ng mga kurimaw sa NPO headquarters ang pagka-ban ng ilang printing firm.

Ngayong lumikha ng gulo ang legal opinion ng galanteng si Lolo Manny, ni sa panaginip ayokong isiping ‘sour grapping’ ang ilang printing firm kaya’t lahat ng paraan ay ginagawa para madiskaril ang gumagandang sistema sa NPO. Kung mga kurimaw ang adviser ni Hizon, irerekomenda ang habambuhay na pagpa-blacklist sa mga gahamang printing companies.

Mantakin n’yo, matapos pakinabangan ang NPO sa mahabang panahon, katulad sa pagkuha ng multi-milyon kontrata sa pag-iimprenta ng mga security forms, ito pa ang pinagdududahang nagpapakalat ng balitang ‘walang K’ ang NPO sa printing contracts. Anyway, hindi pa huli ang lahat. Legal opinion pa lang iyan kaya’t masusubukan kung hanggang saan ipaglalaban ni Hizon ang karapatan at tungkulin ng NPO! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: