Kung anong motibo sa pagkaka-convert ng Baguio mansion bilang ‘bahay-bakasyunan’ ng mga kapitbahay ng isang bagitong solon, walang iba kundi ang masidhing pagnanasang maiupong alkalde ang misis nito.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, animo’y asong nauulol ang bagitong solon dahil ‘tulo-laway’ sa kapangyarihang naipagkait sa kanilang pamilya sa mahabang panahon, partikular ang pagiging alkalde ng isang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Tinangkang sungkitin ng isang namayapang kapamilya ang puwesto sa City Hall subalit hindi lamang basag na balut at namamahong penoy ang kinain nang makabangga ang isang political kingpin ng lungsod.
Dahil walang mapaglagyan sa lungsod, nag-iba ng pinuntiryang puwesto ang namayapang kapamilya ng bagitong solon at masuwerteng nanalo subalit nag-iwan ng masamang legacy dahil nasangkot sa matinding eskandalo ito.
Ngayong unti-unting nakakalimutan ng mga constituents ang kinasangkutang eskandalo ng namayapang kapamilya ng bagitong senador, ipinupronta ng kumag ang kanyang esposa bilang mayoralty candidate ngayong 2010 national election.
Bagama’t walang masama sa pagtakbong alkalde ng kanyang esposa, isang simbulo ng political dynasty ang pamilya ng bagitong solon at pinakamasakit ang pang-aabuso sa resources ng gobyerno, katulad ang paggamit sa Baguio mansion para mapabango ang imahe ng misis nito.
Linggu-linggong nagbibitbit ng constituents sa Baguio City ang bagitong solon, kabilang ang iba’t ibang grupo ng mga political leaders at supporters bilang preparasyon sa pagtakbong alkalde ng kanyang misis.
Ang masakit sa lahat, sa pangunguna ng posibleng makaharap ng kanyang misis sa mayoralty race, mistulang binibili ng bagitong solon ang mga guro na magsisilbing bantay sa bilangan dahil binibigyan ng accommodation sa Baguio mansion at kargo ng kumag ang mga gastos nito.
Sa mga tinaguriang ‘row four’ o malapit sa basurahan, maituturing na napakalinis, napakagalante, napakabait at madaling lapitan ng bagitong solon dahil libreng pinapabiyahe at pinagbabakasyon sa Baguio mansion gayong pinapadama lamang bilang preparasyon sa 2010 election, kalakip ang hangaring mapaboran ang kandidatura ng misis nito.
Clue: Napakahunyango sa pulitika ng bagitong solon at numero unong traidor sa hanay ng mga traidor, katulad ng ginawang pagsagpang sa leeg ng mga kaibigang nakatulong sa kandidatura nito. Kung senador, ito’y ipagtanong kina Aling Matet at Lotlot. (www.mgakurimaw.blogspot.com).
No comments:
Post a Comment