Sa record ng Upper House, as of March 4, 2009, pinakamaraming naisumiteng proposed bill at resolution si Aling Miriam (933). Ang dalawang kulelat -- sina Joker Arroyo (11) at katukayo ni Joselito Cayetano (24). Kaya’t huwag ismolin si Senador Lito Lapid kahit inaalikabok ang Tagalog-version ng Senate rules, aba’y 196 ang naihaing bills at resolution ni Leon Guerrero. Partida pa iyan, ito’y bihirang makita sa session hall subalit 86 ang nakalistang principal sponsor. Hindi lang iyan, mas masipag mag-file si Senador Antonio Trillanes kumpara sa utol at ilang katropa sa minority bloc ng katukayo ni Joselito. Naghihimas pa ng rehas sa PNP Custodial Center si Sonny subalit nakapagtala ng 261 bills. ‘Di hamak kasing-layo ng Camp Crame ang kalamangan kumpara sa 87 bills ni Mr. Noted, as in Francis Pangilinan at 114 bills ni Pia Cayetano gayong araw-araw pumapasok. Paano pa kaya kung nakakalaya si Sonny, siguradong kakain ng alikabok sa padamihan ng bills. Kaya’t napapanahon ang teleconferencing upang mapakinabangan ang talent ni Sonny sa lawmaking! Ni sa panagip, ayokong isiping magaling lamang sa pagdaldal ang katukayo ni Joselito at gumawa ng gimik para kaawaan ng publiko sa pang-aapi ng kanyang Tito Mike kaya’t nanalo noong 2007 mid-term election. ‘Ika nga ni Aling Matet habang namamasyal sa Cartimar at hila-hila ang alagang askal, ‘hindi nagsisinungaling ang ebidensya’. Kahit i-check n’yo pa ang record ng Indexing and Monitoring Section, Legislative Bills and Index Service sa Upper House! *** Kahit pakyawin ni Celso delos Angeles ang malalaking PR group, hindi mababago ang katotohanang ginamit sa pansariling interes ang pondo ng Legacy Consolidated Group at pinagkakitaan ang pre-need planholders, sampu ng bank depositors. Ang lingid sa kaalaman ng publiko, maraming isyung hindi nabuksan sa Legacy probe ng Upper House, katulad ang pagtanggap ng P300 libong allowance ng isang talunang pulitiko noong 2007 elections. Siguro naman sakto ang orasan ni Mr. Palengke para matumbok ang talunang politician, maliban kung press release lang ang “Oras Na campaign slogan”, as in dispalinghado ang baterya o kaya’y bumaliko ang long hand kapag pumatak sa pangalan ng talunang opisyal! Maliban sa talunang pulitikong tumatanggap diumano ng buwanang P300 libong bayad mula Legacy Group, pati pangsustento sa kanyang mistress, as in espot o kabit, ikinarga ng isang incumbent government official sa kumpanya ni Mang Celso. Mantakin n’yo, hindi man lamang kinilabutan o nakonsensiya si incumbent official lalo pa’t dugo’t pawis ang ipinuhunan ng mga mahihirap sa Legacy Group. Isipin n’yo, nagpapakasarap si incumbent official subalit buong planholders at bank depositors ang nagpatak-patak sa monthly allowance ng kanyang bebot. At lumalabas pang tinipid ang kanyang mistress gayong multi-milyon ang naisusubing komisyon sa mga proyekto ng kumag. Maliban sa ‘daang libong’ sustento kada buwan mula sa Legacy Group, ipinagpatayo pa ng nightclub ang karelasyong bebot. Kundi nagkakamali ang Spy, naasembolan ni incumbent official ang karelasyong bebot na nagtatamasa sa ‘daang libong’ sustento mula sa Legacy Group at 2 years old ang bata ngayon. Ang nakakasukang katotohanan, pre-need planholders at bank depositors ng kumpanya ni Mang Celso ang nagpapakain sa ‘espot’ ni incumbent official. Ngayong nalalapit ang Semana Santa, hindi sapat ang pagpa-pako sa krus ni incumbent official kundi gayahin ang ginawa ni Hudas! (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment