Thursday, March 19, 2009

march 19 2009 abante tonite


Ang forecast!
Rey Marfil


Bagama’t pinaikli ng Comelec ang deadline sa filing of candidacy ngayong Nobyembre 30, marami pang senaryo kung sino ang magkaka-tandem bago magsimula ang kampanya sa Enero 2010. ‘Ika nga ng namayapang si Francis M, ‘ang magkaaway, magkakabati’ kaya’t expected ang pagsasanib-puwersa ng ilang presidential candidates. At kapag ‘tumining’ ang tubig sa huling linggo ng Disyembre, magkakaalaman kung sino ang lehitimong magkakampi at nakipag-done deal sa kasalukuyang occupant ng presidential residence.

Sa ‘forecast’ ng Spy, hindi lamang “Erap-Loren” ang posibleng magsanib sa 2010, as in ‘Two things’ ang puwedeng gawin ng magka-tropang Manny Villar at Noli De Castro -- ito’y magsasama sa Nacionalista Party (NP), maging sina Ping Lacson at Mar Roxas sa Liberal Party. Ang tanong lamang: sino ang ‘bibigay’ bilang vice president? Tandaan: segurista ang boypren ni Ate Koring kaya’t posibleng mag-reelect at puntiryahin ang Senate Presidency kung bagsak sa presidential survey. Ang puwedeng gawin ni Mr. Palengke, patakbuhin, sinuman sa mag-utol -- sina Senator Noynoy at Kris Aquino bilang vice president, at least nakakumpleto ng ticket ang Liberal Party (LP). Kapag mauwi sa ‘Ping-Kris’ ang LP, siguradong dadagain si Senator Chiz sa bunsong anak ni Tita Cory. Anyway, HOPE ang campaign slogan ni Senator Ping noong 2007, ito’y familiar kay Papa James, kahit itanong n’yo pa sa ex-staff ng Belo Medical Group!

Sa ngayon, suntok sa buwan ang pagtakbo ng kaibigang matalik ni Edong Angara bilang Presidente kaya’t asahang didikit kay Erapsky si Loren Sinta hanggang sa dulo ng walang hanggan lalo pa’t liyamado sa nominasyon ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang inaanak sa kasal -- si Senator Chiz. Kung merong pinaka-masuwerte ngayong 2010 election, walang iba kundi ang mag-ninang dahil parehong winnable sa vice president. Huwag lang lumaki ang ulo ni Chiz, ito’y runaway winner bilang kapalit ni Uncle Noli. Ang problema lamang ni Loren Sinta kapag napiling NPC standard bearer, paano babasagin ang napakalaking adobeng iiwan ng ina ni Lion King lalo pa’t bad trip sa babaeng Presidente ang mga botante.
***
Napag-usapan si Erap, ayokong isiping mautak ang ex-wife ni murder convict Tony Leviste, kapag natuloy ang tambalang ‘Erap-Loren’, ito’y malakas bilang vice president at kahit madiskuwalipika ang ka-partner, posibleng ipalit kay Erapsky, maliban kung humingi ng substitution ang ex-President sa Comelec at papasukin si Jinggoy Estrada sa final campaign trail bilang standard bearer. Ibig sabihin: ‘win-win situation’ ang Estrada family at puwedeng palitan ni Mayor JV sa senatorial race ang kanyang half-brother kahit tumatakbo sa congressional district. Tandaan: Estrada pa rin ang surname!

Kahit sino pang nabinyagang Bentot at Balut sa San Juan ang tanungin ni Mayor JV, nalalaman ang pagtakbong alkalde ng inang si Guia Gomez ngayong 2010. Kapag nagkaroon ng substitution sa Presidente at senatorial slate, puwedeng palitan ng misis ni Jinggoy (Precy) sa pagka-Congressman si Mayor JV, maliban kundi interesado si Dra. Loi makipag-jamming sa mga alaga ni Crocodile Dundee sa House of Representatives? Take note: si Precy ang ‘minamanok’ ng gumaguwapong si Jinggoy bilang alkalde subalit nanaig ang desisyon ng ama at napagkasunduang ipaubaya kay Lola Guia ang mayoralty race. Kapag nangyari ito, aba’y ‘win-win’ pa rin dahil mababawasan ang iringan ng 2 families ni Erapsky!

Kaya’t ang panalangin ng mga kurimaw sa Upper House, sana matulad sa ‘weather forecast’ ng Philippines Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang presidential scenario ng Spy. Mantakin n’yo, maghapong umulan noong Martes gayong ‘summer heat is back’ ang forecast ng PAGASA? Ang resulta: hindi pawis kundi nabasa ng ulan si PDI reporter Mike Ubac sa parking area habang paakyat ng press working area. Kaya’t hindi maalis ang pagdududang humihirit ng panibagong pondo ang PAGASA at sinasadyang baliktarin ang forecast, maliban kung maling bituin ang napagtanungan sa kalangitan at bolang kristal ni Madam Auring ang hinihimas ni Nathaniel Cruz sa kanyang opisina kaya’t sabit-sabit ang mga hula? Sabagay, kailan ba tumama ang PAGASA! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: