Tuesday, March 17, 2009

march 17 2009 abante tonite

May sidewalk pa!
Rey Marfil


Nauwi sa away-pamil­ya ang kinukuwestyong konstruksyon ng ‘high-rise building’ sa Quezon City na pinakialaman ni Donya Consuelo, as in Senator Maria Ana Consuelo Madrigal-Valade, alyas Jamby, pinaka-latest ang pamumudmod ng sulat ni Mrs. Consuelo D. Sison sa bawat tanggapan ng senador noong Marso 10. Kundi nagkakamali ang Spy, tiyahin ng misis ni PO1 Eric Valade ang matandang Consuelo at lola ni QC Councilor Bong Suntay na nagkabanggaan sa Quezon City session hall noong Marso 6 ito. Ibig sabihin, iisang compound ang pinagmulan ng angkan subalit ngayo’y nagkakaupakan sa high-rise building kaya’t ang multi-milyong katanungan ng mga kurimaw kay Suntay, anong makukuha para itulak ang proyektong ito?

Maikli ang sulat ng matandang Consuelo subalit lumalatay sa kalamnan ang nilalaman, pinakamasakit ang “P.S.”, animo’y magsasabi ng “I Love You” iyon pala’y lalaitin at isusumpa kung bakit naging ka-dugo ang lady solon, gamit ang katagang “We can choose our friends but not our re­latives,” hindi bale ang litanyang “By the behavior you showed us, we in Quezon City will think twice putting you again in the Se­nate. Maybe you should be a kagawad in your barangay first and learn a few things from them.” ‘Ika nga ng Senate media ‘parang resurrection ng ‘low life issue’. Ang tanong lamang ng mga kurimaw, kaya pa bang sumulat at mag-email ng matandang Consuelo, aba’y 88 ang edad na naka-indicate sa ilalim ng pangalan nito?

***
Hindi dapat pagpapaniwalaan ng publiko ang nilikhang gulo ng Lakas-CMD sa pagkakabura ng pangalan ng ‘bayaning isinusuka ng mga vendor’ bilang pre­sidentiable. Sa madaling sali­ta, ‘dalawang ibon sa isang putok’ ang puntirya ni Migz Zubiri. Maaaring lehitimong burado sa presidential list si MMDA chairman Bayani Fernando subalit kapag kinaawaan ng publiko, posibleng umangat ang popularity rating nito. Pansinin, hindi ba’t walang tigil sa pagpapa-interbyu at ikino-contest ang deklarasyon ni Papah Migz? Ang tanong lamang: meron pa bang itataas si Fernando at sa tingin ng mga kurimaw sa Pasig River, kahit ilan pang eleva­ted shoes mula Marikina ang isuot, hindi magbabago ang rating ni Fernando. Ang kagandahan lang, consistent sa 2% si BF!

Tanging kapuri-puri kay BF, sobrang lakas ng figh-ting spirit at walang pakia-lam sa resulta ng presidential survey. Sabagay, ilang presidentiable na nasa winning circle ang gumagastos ng milyones sa ‘guided questionnaire’. Take note: mismong Pulse Asia at SWS, tumatanggap ng rider question sa sinumang mag-sponsor ng survey kaya’t may katwiran si BF magmarakulyo. At least, nakaganti ang mga nabambong vendor dahil mas masakit sa mga natikmang pasa at bukol ng mga taga-Baclaran at iba pang nagtitinda sa sidewalk ang pagkakabura sa pangalan ni BF bilang presidentiable!

Sa kabilang banda, hindi dapat mawalan ng pag-asa si BF. Malay n’yo, magka-himala at ‘magka-Lakas tama’ ang Executive Committee. Kundi uubrang standard bearer sa 2010 at ‘tinuluyan’ ng Lakas-CMD, bakit hindi subukan ni BF ang tumakbo sa homeowners association o kaya’y Presidente ng isang dance group, aba’y kailangan nating buhayin ang makalumang sayaw ni Bayani Casimiro, katulad ng iniwang legacy ni ‘Francis M’ -- ang pagiging makabayan at nasyonalismo. Kundi pa kuntento si BF, mas makakabuting kausapin si Santino, malay n’yo ‘May bukas pa’. Ang problema lamang ni BF, baka umagahin sa kahihintay at kahit sidewalk, wala ng babalikan pa!
Anyway, wala pang nanalong junior sa kasaysayan ng Pilipinas, as in minalas lahat, katulad nina ex-House Speaker Ramon Mitra Jr. (1992), Jose de Venecia Jr. (1998), at Fernando Poe Jr. (2004). Maging si ex-senator Benigno Aquino Jr., hindi ba’t nadisgrasya kaya’t ipinalit si ex-President Cory Aquino noong 1986? Kung ‘bad omen’ sa presidential race ang pagiging junior, abangan ang pagsasalang nina Vice President Manuel De Castro Jr., at dating Senate President Manuel Villar Jr., sa 2010 election! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: