Tuesday, November 3, 2009

november 3 2009 abante tonite

Ano ang bago?
Rey Marfil


Sa paningin ng karamihan, isang political suicide ang pagtakbong independent ni Senator Chiz Escudero, katulad ng comment ni Mr. Noted, as in Francis Pangilinan. Ang nakalimutan ng katukayo ni Chiz, ito’y tumakbo at nanalong independent noong 2007 mid-term elections. Hindi ba’t ‘nag-inarte’ at sumama sa ticket ng Genuine Opposition (GO) at nagawa pang pag-uupakan ang Liberal Party (LP) dahil nakipagsanib sa oposisyon?

Pero ngayon, kasing-lutong ng kornik ang pagtunug-tunugang ‘opposition leader’ at ‘king maker’ sa LP gayong nabansagang Mr. Noted dahil nagbulag-bu lagan sa reklamong da yaan ng kampo ni Fernando Poe Jr. noong 2004 presidential canvassing.

Sinadya o nagkataon, hindi ba’t si Chiz ang campaign manager ni Da King at sumisigaw ng dayaan sa Batasan Complex subalit mistulang napasakan ng binatog at mais ang magka bilangtenga ni Mr. Noted kaya’t walang naririnig? Hindi lang iyan, animo’y batang paslit na nagbi-baby talk si Pangilinan sa canvassing dahil iisa lang ang nasasambit, walang iba kundi ang katagang ‘Noted’.

At ngayong nabuo ang Aquino-Roxas tandem, hindi lang nilamon kundi ‘nginasab’ lahat ni Pangilinan ang mga kritisismo kay Mar Roxas bilang LP president. Kaya’t mag-ingat si Tito Noy kapag natalo sa presidential race, baka unang kumagat si Mr. Noted. Sabagay, nagka-amnesia si Pangilinan sa kanilang barkadahan ni Manny Villar, iyon pa kayang utol lamang si Noynoy ni Kris?

Kung itutuloy ni Chiz ang pagtakbong independent, ang tanging pagkakaiba kay Mr. Noted - ito’y walang Sharon Cuneta, as in ‘megastar’ upang kaladkarin sa lahat ng campaign sorties. Kung political suicide ang desisyon ni Chiz, ibig bang sabihin, tinatanggap ni Mr. Noted ang matagal nang nabuo sa isipan ng publiko na nanalo lamang dahil asawa si Ate Shawie kaya’t walang karapatang mag-independent ang sinumang pulitiko?

Ni sa panaginip, ayokong isiping pinapahina ni Mr. Noted ang loob ni Chiz na huwag tumakbong Presidente lalo pa’t kabataan ang pinakaaktibong magparehistro sa Comelec at iyon ang pagkukunan ng boto ni Keso. Take note: automation ang 2010 elections kaya’t malabong umubra ang pamamakyaw o vote buying ng sinumang bilyonaryong presidentiable, sa pamamagitan ng padamihan ng poll watchers sa presinto, maliban kung merong nakabili ng computer hacker?
***
Napag-usapan si Tito Noy, hindi kuwestyon ang kabaitan ng utol ni Kris subalit suriin ang mga taong nakapaligid, hindi ba’t ‘party politics’ ang rason ni Chiz kaya’t nag-resign sa Nationalist People’s Coalition (NPC) at pinili ang peoples politics? Kung partido ang magdidikta o pansari ling interes ng mga katropa ang naililista at walang diskarte ang isang Presidente, balik sa dating gawi ang Pilipinas.

Kaya’t napakalaking kalokohan ang ‘good vs evil campaign slogan’ nina Noynoy at Mar, aba’y suriin ang mga nakapalibot sa Liberal, hindi ba’t nasa front line nang sibakin si Erap at kasapakat ni Gloria? Pagkatapos mabigyan ng puwesto sa Malacañang at maging sunud-sunuran sa kabuktutan, anong ginawa ng mga taga-Liberal, hindi ba’t sinakmal ang misis ni Jose Pidal?

Isang halimbawa si Butch Abad - ang campaign manager ni Tito Noy, ito’y ilang taong nagpasasa sa kapangyarihan bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), kasama si Gloria. Take note: multi-bilyon ang text books scandal sa departamentong pinaglingkuran subalit anong aksyon ang ginawa ni Abad?

Si Frank Dri lon (ex-LP president), hindi ba’t si Gloria ang rason kung bakit naupong Senate President at ka-term sharing si Manny Villar? At ilan pang kapamilya ni Frank ang na-appoint, katulad sa Department of Agriculture (DA) na naeskandalo sa fertilizer fund noong 2004 elections?

Ang Black and White Movement at iba pang Hyatt 10 members - sina Teresita Deles (peace adviser), Imelda Nicolas (NAPC), Emilia Boncodin (DBM), Dinky Soliman (DSWD), Rene Villa (DAR) at Cesar Purisima (DOF), hindi ba’t ‘anghel’ ang paglalarawan kay Gloria sa panahong magka-jamming sa Malacañang?

Ang tanong ng mga kurimaw: ‘Ano ang bago’ kay Noynoy kung iisa ang mukhang nakikita, maliban kung magpapa-hair transplant? (mgakurimaw.blogspot.com)