Dalawang araw bago ang ‘pagtiris’ ni Manny Pacquiao kay Miguel Cotto, meron isang masuwerteng nanalo ng P68 milyon sa lotto, katulad din ni Edu Manzano, aba’y kalokohan kung walang ipinangako si Ronnie Puno, kapalit ang pakikipag-tandem kay Gibo Teodoro. Sa pulitika, ‘give and take’ ang polisiya kaya’t hindi nakakagulat kung bakit pinili ni Edu ang mag-Vice President kahit malaki ang tsansang manalong senador.
Hindi pa man nababanggit si Edu, usap-usapan sa coffee shops ang pag-bankroll sa gastusin ng makaka-tandem ni Gibo, kabilang ang P200 milyon. Subukan n’yong itanong kay Senator Bong Revilla Jr., lalo pa’t isa sa pinuntiryang running mate ni Gibo? Ang malaking pasanin ni Edu, sadsad ang popularidad ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo at nasampolan noong 2007 elections ang administrasyon, maliban kung hindi naman target ang manalo at gusto lamang mag-ikot sa buong Pilipinas dahil meron bagong game show sa Channel 2 na ipu-promote?
***
Napag-usapan si Senator Bong, matunog si Lani Mercado sa congressional race ng Bacoor. Lingid sa kaalaman ng publiko, nadagdagan ang congressional district ng Cavite province, hinati sa pito ang distrito, ang balwarte nina Cong. Jun Abaya (1st district), Cong. PD Barzaga (2nd district) at Cong. Boying Remulla (3rd district). Isa sa pinakamalaking lalawigan ang Cavite at dalawang milyon ang voting population kaya’t makatwiran lamang magsolo ang Bacoor at Imus. Ibig sabihin, buwan na lang ang bibilangin ni ‘Congressman Manny De Castro’ -- ito’y isang ganap ng deputado, aba’y hindi makakabangga si Cong. Boying ngayong eleksyon!
Sa paghihiwalay ng Bacoor, nakakatawang isiping Daddy ni Cong. Jun Abaya ang isa sa gustong makabalik ng Lower House. Kundi nagkakamali ang Spy, si ex-Cong. Plaridel Abaya Sr., ang humarang sa Cityhood ng Bacoor. Take note: hindi lehitimong residente ng Bacoor ang matandang Abaya, as in taga-Kawit ang buong lahi at usap-usapan ang pagbili ng bahay sa Bacoor, dalawang taon ang nakakaraan, bilang preparasyon kapag naging congressional district ito. Kaya’t maging maingat ang mga constituents ni Mayor Strike Revilla -- piliin ang lehitimong taga-Bacoor, hindi ang sinumang dayo at ano pang silbi ng pakikipaghiwalay ng Bacoor kung iisa pa rin ang nakaupo.
***
Nakaraang Nobyembre 8, tanghali ng Linggo, isang alipores ni Mrs. Arroyo, sa katauhan ni ‘Commissioner N’ ang namakyaw ng relo sa isang jewelry shop sa Glorietta, kasama ang dalawa pang kapatid. Kung makabili ng Rolex watch si ‘Commissioner’, animo’y nasa Divisoria Mall lamang, hindi gumagamit ng credit card para walang paper trail kapag nagkabukingan, as in bungkus-bungkos na salapi ang bitbit. Ayaw ni Iloilo Vice Gov. Rolex Suplico ng ganyan, aba’y inaagaw ang kanyang pangalan ni “Commissioner Rolex”.
Para magmukhang simple, naka-short pants at T-shirt lang si ‘Commissioner ’ pero mamahaling relo at hindi barya ang halaga ng mga pinakyaw. Malinaw ang mata ng Spy, nagkakahalaga ng P800 libo ang Submariner green (Rolex watch) na binili ni Commissioner, plus isa pang Rolex watch at Hublot. Take note: $26 libo (P1.3M) ang pinakamahal na Hublot watch (18k Gold & Diamond Chronograph Watch) sa Amerika, pero kung magturo ang mga kapatid ni ‘Commissioner N’, animo’y paninda sa baratilyo ang mga mamahaling relos sa jewelry shop.
Maliban kay ‘Commissioner N’, isa pang alipores ni Mrs. Arroyo, sa katauhan ni ‘Secretary N’ ang bumili ng mamahaling cellphone (Vertu) sa kaparehong jewelry shop at kamuntikan pang nagpang-abot sina Commissioner at ‘Secretary N’. Kung magkano ang pinakamahal na Vertu unit (Signature Cobra) -- ito’y nagkakahalaga ng $310 libo (P15M), as in ginto at diamond ang mga piyesa. Hindi lang iyan, dalawa pang gabinete ni Mrs. Arroyo ang tambay din sa jewelry shop at bumili ng Rolex watch ng nakaraang buwan, isa rito’y naunsyami ang pagtakbong senador at sinayang ang TV ads, habang ang ikalawang gabinete’y umatras sa laban. (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov1709/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment