Thursday, November 19, 2009

november 19 2009 abante tonite

Ang multo ni Sinta!
Rey Marfil


Hindi nagbago ang headlines, naganap ang nakatakda -- nauwi sa ‘Villar-Legarda’ ang tambalan kaya’t hindi masisi si Jamby Madrigal kung mabahong kataga ang lumabas sa bunganga. Ang malaking pasanin ni Loren Sinta -- ito’y kung paano makakababa nang hindi nababali ang sanga ng punong papaya, aba’y napakatapang ipasibak at pinaimbestigahan si Villar sa C-5 road scandal pero ngayo’y ‘Girl Friday’ ang tingin ni Madrigal.
***
Balikan ang statement ni Sinta noong March 4, 2009 (Miyerkules). Kayo ang humusga kung anong klaseng tao at pulitiko ang kaibigan ni Edong Angara. Hayaang transcript ang magsalita ngayong mainit sa text brigade ang tig-P10 milyong boto kada senador na nag-absuwelto kay Villar sa C-5 scandal, maging sa alegasyong P1 bilyon ang kapalit sa pag-VP ni Sinta.


Reporter: Kaugnay po ng naging paliwanag at pahayag kahapon ni Sen. Manny Villar na kailangan ang P1 billion para tumakbo sa presidential election?

LOREN: “Nakakalungkot ‘yung nabasa ko sa diyaryo noong Martes (March 3, 2009). Sabi ni Sen. Manny Villar na kung wala ka raw P1 billion, huwag mo ng ituloy ang ba lak mo bilang pangulo.

“Talagang nakalulungkot at nakakatakot ang ganitong pahayag. Ang mensahe po kasi ng sinasabi natin dito ay simple. Ibig ba n’yang sabihin, kung wala kang pera ay huwag ka ng mangarap na makapaglingkod bilang pangulo sa ating bansa? Nakalulungkot pong isipin na paliliitin natin ang usapin ng paglilingkod sa bayan sa isyu ng pera. Pera-pera na lang ba ang eleksyon?

“Talaga bang ang tingin niya (Villar) sa taong bayan ay mukhang pera? Pwera na ba ang pagmamahal sa bayan? Pwera na ba ‘yung uri ng leadership na ibibigay mo? Pwera na ba ‘yung vision para sa kinabukasan ng ating bansa? Basta may pera pwera na ba ang lahat?

“Hindi naman po siguro ganoon dahil ang mahalaga ay compassion, ang mahalaga ay passion to serve, ang maha laga ay may plataporma at vision para sa ating matagal nang naghihirap na mga kababayan.

“Totoo, maraming mga gastusin kung ikaw ay manga ngampanya. Katunayan, dito makikita ang tunay na suporta ng mga taong naniniwala sa vision, sa iyong pangarap at plano sa ating bansa. Sila mismo ang magtitipun-tipon, magkokontribusyon para tumulong sa iyo na maipamahagi ang iyong mensahe sa ating mga botante.

“Sabi rin niya (Sen. Manny Villar), “they say there is one golden rule. He who has the gold rules.” Kung tatagalugin po natin upang mas malinaw, “sabi nila isa lang ang gol den rule o ginintuang batas. Kung sino ang may ginto, s’ya ang mamumuno.”

“Kapag ganito ang sistema wala na tayong pinagkaiba sa isang gang. Kung sino ang may pera, siya ang magdidikta ng lahat. Walang pwedeng kumuwestyon sa kanyang lider dahil lahat ng mga kasapi ng kanyang gang ay hayok sa ipinamamahagi n’ya. Iniiwasan ko pong direktang pumuna sa mga kapwa nating politiko dahil tiyak na babalikan at sasabihing namumilitika lang.

“Pero ito ay hindi ko kayang palagpasin dahil ito ay insulto sa taong bayan na pera lang daw ang katapat ng desisyon ng bawat Filipino ng kanilang karapatang pumili ng kanilang pinuno. Kung makikita natin ang uri ng mga reaksyon ng tao sa kanyang pahayag ay mararamdaman natin ang galit ng taumbayan sa isyung ito.” - Loren Legarda.

Note: Ito’y mababasa sa official website ni Legarda (http://www.lorenlegarda.com.ph/article-1248936897.html). Ika nga ni Gus Abelgas, hindi nagsisinungaling ang ebidensya, Kayo ang magkuwenta! (mgakurimaw.blogspot.com

http://www.abante-tonite.com/issue/nov1909/opinions_spy.htm


No comments: