Habang nalalapit ang November 30 deadline ng Commission on Elections (Comelec), lantaran ang pagbili ng suporta ng isang presidentiable para makahanap ng kakampi sa local level.
Isa sa pinakamalupit na nasaksihan ng TONITE Spy ang mala-Guinness Book of Record na kapeng ininom ng isang vice mayor habang kausap ang presidentiable kaya’t natulala ito.
Sa maniwala kayo o hindi, P50,000 ang isang tasa ng kape ni vice mayor kaya’t ikinagulat ng mga kurimaw kung anong klaseng butil ng kape ang sangkap nito.
Bago nangyari ang pagbabayad ng P50K sa isang tasa ng kape, humingi ng meeting ang presidentiable kay vice mayor upang pag-usapan ang pagtakbo sa 2010 national elections.
Sa kanilang pag-uusap, hindi nagpaliguy-ligoy ang presidentiable at direktang hiningi ang suporta ni vice mayor subalit kaagad tinabla dahil meron nang naunang napupusuan.
Kahit tinabla ang hinihinging suporta, kapalit ang multi-milyon pisong campaign fund, naging generous pa rin ang presidentiable dahil nangakong sasagutin ang pagpapakain sa 5,000 constituents sa kaarawan ni vice mayor.
Muling tinanggihan ni vice mayor ang ipinangakong pagkain ng presidentiable, subalit nagpumilit ang huli kaya’t walang choice kundi tanggapin ang alok lalo pa’t naniniwalang lalabo ang mata kapag tinanggihan ang grasya.
Sa maikling pag-uusap ng dalawa, paulit-ulit na hiningi ng ambisyosong presidentiable ang suporta ni vice mayor subalit walang napala, maliban sa pangakong babantayan ang kanyang boto sa sinumang mandaraya.
Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam ang presidentiable at ginawang palusot ang pagkakaroon ng iba pang meeting kaya’t nagmamadali ito.
Ang ikinagulat ni vice mayor, nag-iwan ng isang bungkos ng tig-P500 bill ang presidentiable sa coffee table kaya’t tinanong kung para saan ang sobreng naglalaman ng pera.
Kaagad sumagot ang ambisyosong presidentiable na bayad sa kape, gamit ang litanyang ‘Para doon sa kape’, kung saan ikinagulat ni vice mayor at tinangka pang isoli ang pera subalit nakiusap ang una na tanggapin bilang paunang bayad sa susunod pang pagkikita o pagka-kape ng mga ito.
Clue: Parehong nasangkot sa iskandalo ang dalawang pulitiko, mas malala lamang ang kaso ng presidentiable dahil pera-pera ang isyu habang si vice mayor ay naghubo. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment