Thursday, November 26, 2009

november 26 2009 abante tonite

Ang pagdapo ni Atienza
Rey Marfil


Ang maong ay kumukupas pero si Mr. Instant Ayos, as in DENR Sec Joselito ‘Lito’ Atienza Jr., aba’y walang kakupas-kupas. Mantakin n’yo, pagkatapos abandonahin si ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada sa loob ng a nim (6) na taon, simula 2004, ngayo’y umaastang ‘napaka-loyal’ sa ama ni Senate pro-tempore Jose ‘Jinggoy’ Estrada Jr. Ang ‘mala-Avelino Razon’ na kadahilanan ni Atienza -- ito’y nag-aambisyong makabalik ng Manila City Hall dahil nalalapit ang ‘June 30 eviction day’ ng kanyang amo.

Kung magpapatuloy nga naman ang alliance ni Atienza sa misis ni Jose Pidal, siguradong mati-take 2, as in ‘madidisgrasya’ ang kandidatura ngayong 2010 lalo pa’t napakabaho ng image ng administrasyon, pinaka-latest ang negative 51% trust ra ting ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo.

Balikan ang kaganapan noong 2001, sa panahong last-termer bilang vice mayor, hindi ba’t kinasangkapan ni Atienza ang katapatan kay Erapsky kaya’t nasungkit ang Manila City Hall habang si Mayor Alfredo Lim, pinagbayaran ang pakiki­pagsabwatan sa ci vil socie ty noong Edsa Dos.

Makalipas ang tatlong taon, nagbago ang lahat -- pinagsisihan ni Lim ang pagsama sa anti-Erap at nagbalik-loob kay Erapsky, habang si Atienza ‘nagpakalubog’ sa First Family. Ang resulta: naisingit si Lim sa tiket ni Da King at nanalong senador noong 2004 habang nanatiling alkalde si Atienza.

Noong 2007 elections, pinutol ni Lim ang natitirang tatlong (3) taon sa Upper House at nakabalik ng Maynila. Ang masakit, balitang nagkatampuhan sa basura sina Erapsky at Lim kaya’t napilitang mag-Liberal, as in sumama kina Noynoy Aquino at Mar Roxas -- ito ang sinamantala ni Atienza!
***
Napag-usapan si Atienza, ito’y walang pinag-iba sa bulaklaking damit na kumupas at pilit pinatitingkad ng kanyang misis ang kulay, sa pamamagitan ng bagong sabong panlaba. Ang problema, kahit ‘fabric with conditioner’ ang bareta, hindi matanggal ang iniwang mantsa, aba’y napakalaking insulto sa mga botante ang pinaggagawa sa Maynila, animo’y paru-parong nag palipat-lipat at ngayo’y nagbabalik sa orihinal na bakuran dahil nagsimulang umusbong ang mga bagong bulaklak. Take note: balik sa dating ‘script’ si Atienza at ‘battle cry’ sa lahat ng mga dinadaluhang gatherings sa Maynila ang pagiging tapat kay Estrada.

Hindi nagsisinungaling ang ebidensya at kahit may konting katotohanan ang pagiging tapat kay Erapsky, ito’y panandalian lamang dahil pagkatapos ideklara ng Korte Suprema ang legalidad sa presidency ni Mrs. Arroyo, hindi ba’t ginawang depensa ni Atienza ang litanyang “Everyone must follow the rule of law.”

Ang kapalit, ginawang campaign manager ni Mrs. Arroyo sa Metro Manila noong 2004 elections at itinalagang DENR Secretary noong 2007 dahil sa pagkapaso ng termino, patunay ang pagiging ‘Defense Minister’ tuwing masasangkot sa eskandalo ang First Couple.
Kahit saang coffee shops, usap-usapan ang pagbabalik-loob kay Erapsky at subukan n’yong i-review ang kaganapan noong October 21 rally sa Moriones, Tondo, hindi ba’t puro bataan o konsehal ni Lolo Lito ang nagkalat sa proclamation rally?

Mabuti na lang, gabi ang declaration ni Erapsky, kung nagkataong pasikat ang araw, dumagsa ang mga paru-paro sa rally site dahil namulaklak ang pagmumukha ni Atienza kahit absent sa event. Ang ikinasusuka ng mga kurimaw, hindi magawang mag-resign sa DENR, kahit malinaw ang pagtawid sa kampo ni Erapsky, maliban kung nakasanayan ang magbalimbing kaya’t wa epek?

Pagkatandaan ni Mr. Instant Ayos, as in ‘kinamayan lang inayos na’ -- mismong si Kuya Kim ang nagsabing ‘Sa bawat pagsubok ng panahon, laging tatandaan: Ang buhay ay weder-weder lang’. ‘Ika nga ni Yoyoy, bakit hindi itanim ni Lolo Lito sa isipan na posibleng ‘wala nang weder’ sa mga Atienza sa Maynila!


1 comment:

Anonymous said...

Add Jobs Search Engine on your blog.This Widget allows your readers to search millions of jobs from thousands of job sites worldwide with one-click search, directly from your blog.
Displays your website/blog logos while using our search widget from your site.