Hindi lamang sabunang walang ban lawan ang natikman ng isang batang pulitiko sa kanyang ama kundi nagmeryenda ito ng mga masasakit na pananalita dahil sa kabulastugang pinaggagawa. Sa report na nakalap ng TONITE Spy, umaatikabong masasamang kataga ang natikman ng batang pulitiko matapos ‘magmagaling’ sa isang isyu at hindi kinonsulta ang ama sa naging desisyon nito. Nagsarili ang batang pulitiko, as in mag-isang dumiskarte at hindi ipinagpaalam ang ginawang aksyon o desisyon sa isang malaking eskandalo kaya’t sukdulan ang pagka-bad trip ng ama sa pagmamagaling ng anak. Sa tuwing magdedesisyon ang batang pulitiko, ito’y ikinukonsulta sa kanyang ama subalit naiba ang sitwasyon dahil inilihim ang naging aksyon at nagmarunong sa isyu matapos maambunan ng premyo, kapalit ang pagsuporta. Mas lalo pang nanggalaiti sa galit ang ama ng batang pulitiko matapos magsumbong ang isang katropa sa partido, patunay ang ginawang pagtawag sa kanilang ‘big boss’ upang ireklamo ang sablay na diskarte at pagmamarunong ng anak nito. Kahit hindi naka-loud speaker ang cellular phone ng batang pulitiko, halos dumadagundong sa kanyang kuwarto ang pagmumura ng ama kung saan halos ilang minutong nakatulala ito. Ang labis na ikinagalit ng ama, lumutang ang pagtanggap ng multi-milyon pisong premyo ng kanyang anak lalo pa’t pinag-uusapan sa buong sulok ng Kongreso, maging sa iba’t ibang coffee shops at media forum. Clue: Hindi kuwestyon ang kasipagan sa trabaho ng batang pulitiko subalit maraming naitalang sablay sa Kongreso, patunay ang pag-astang siga sa tuwing magpapatawag ng imbestigasyon dahil idinadaan sa pananakot. Kung senador o kongresista, ito’y ‘bumata’ sa bagong porma at kasing-tunog ng isang tusong hayop sa kagubatan.
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2109/hulaan_blues.htm
|
No comments:
Post a Comment