Tuesday, September 30, 2008

sept 30 2008 abante tonite issue

Ang dupang ni Congressman sa project!
Rey Marfil


Kung natutong magbasa ng blog si Donya Consuelo, alyas Jamby Madrigal, sa privilege speech...narito ang isa sa blog na mababasa sa www.mgakurimaw.blogspot.com laban sa anak ng namayapang si senador Renato ‘Companero’ Cayetano na isinangkot sa P80 milyong BW Resource scandal -- “Masyadong maputak lang itong tukayo ni Joselito Cayetano na wala pa namang napapatunayan. Si Ping pa ang babanggain na isang beteranong senador at magaling dumiskubre ng mga anomalya. Ang lakas pang sabihin na watusi lang ang pinasabog ni Ping, eh ano naman ang tawag n’ya sa pinasabog n’ya dati kay FG, supot na lusis?
Tukayo ni Joselito Cayetano, pwede ba, medyo itikom mo muna ang patalinhaga mong salita. Sayang ka lang sa blue ribbon, walang natatapos na scandal. Ang ZTE scandal, ano ng nangyari? Pakitapos mo muna bago mo ipagtanggol ang amo mo at banggain si Sen. Ping.
`Wag mong ipagmalaki ang pagiging abogado. Kayo ngang mga abogado ang nanloloko sa mga Pilipino! Karamihan sa mga malalakas ang loob na magnakaw sa gobyerno eh puro abogado (mga tao sa Kongreso). Dahil alam nila kung papaano nila paiikutin ang batas mailusot lang ang sarili o ang kaalyado nila sa asunto. Sana, sumibol sa mga bagong henerasyong abogado ang pagiging tapat sa tungkulin na tumulong at ituwid ang TAMA at hindi ang MALI.
Kaya payo ko lang tukayo ni Joselito Cayetano...`Wag puro salita!
More power Sen. Ping...
sender:batang_Makati
***
Napag-usapan ang blog laban kay Boy Watusi, tila walang kadala-dala sa eskandalong nilikha ng double insertion ang isang congressman mula Visayas region, aba’y bulgaran ang pamba-braso sa iba’t ibang departamento at ginawang palengke ang budget hearing sa Lower House. Kung makahingi ng alokasyon, animo’y meron ipinatagong pera sa mga gabinete at tila nagbabawi sa mga ginastos noong nakaraang 2007 election kung makahirit sa floor. Hindi natin babanggitin ang pangalan subalit kapansin-pansin ang panggigipit ni ‘Congressman T’ sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation and Communications (DOTC) ng isalang ang annual budget nito.
Isang halimbawa ang nangyari kay DA Secretary Arthur Yap, aba’y kinuwestyon ni ‘Congressman T’ kung bakit sa opisina ng kanilang gobernador dumadaan ang mga proyekto para sa kanyang distrito. Take note: Iisang probinsya lang naman ito, as in lone district. Ibig sabihin, hindi mahahati ang pondo at iisa ang kanilang constituents. Ganun din ang nangyari sa DOTC budget hearing, pati pagpapatayo ng airport sa kanilang lalawigan, ito’y kinontra gayong napakalaking tulong sa turismo lalo pa’t isa sa ‘poorest provinces’ ang kinakatawan ng kumag. Hindi kaya ‘naglalaway’ sa malaking ‘komisyon’ si ‘Congressman T’ kaya’t gustong idaan sa kanyang opisina ang lahat ng development sa probinsya.
Kahit sinong ‘Tasaday’ at ‘Hagis Nong’ sa pantalan ang tanungin, malinaw ang personal agenda ni Congressman T kung bakit binabraso at tinatakot sa budget hearing ang lahat ng departamento, walang iba kundi makontrol ang daloy ng pondo at pagkakitaan ang mga proyekto bilang preparasyon sa pagtakbong gobernador. Anyway, saksakan ng ‘balimbing’ ang political record ni Congressman T. Mantakin n’yo, nanalo sa tiket (PMP) ni ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada subalit unang bumaliktad bago pa man magsimula ang impeachment trial at ngayo’y miyembro ng KAMPI ni Mrs. Arroyo. Kaya’t huwag ipagtaka ng mga taga-Visayasa region kung ‘kangkungan’ ang final destination ni Congressman T sa 2010 election dahil malabo itong tanggapin ng oposisyon kapag sinibak sa administration bloc.(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: