Sa pinakabagong Social Weather Station (SWS) survey, nakapagtala ng 52% net approval si Senate President Manny Villar Jr., sa hanay ng ‘Top 5 government officials’, malinaw din ang pagiging consistent ng mister ni Mam Cynthia sa presidential survey ng nakaraang Hulyo -- ito’y nakakuha ng 22% at kakapiranggot lamang ang abante ni Vice President Noli De Castro Jr., (26%), maging sa Pulse Asia survey, nadagdagan ng 12% gayong 9% ang huling tala nito. Kaya’t hindi nakakapagtaka ang maagang pagsiksik ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr., aba’y mahirap nga namang mapagsarhan ng pintuan, ito’y mababasa at mauulanan sa labas ng bahay ni Villar. Malinaw ang deklarasyon ni Villar sa birthday party ng anak ng namayapang si Da King: walang urungan ang pagtakbo sa 2010. Sabagay, kahit walang makuhang ‘sponsor’ o campaign donors, barya kay Mam Cynthia ang P3 bilyon hanggang P10 bilyon at hindi kailangang galawin ang mga lupaing minana sa mga magulang sa dami ng subdivision na ipinatayo sa buong Pilipinas. Iyan ang malaking problema ng boypren ni Korina Sanchez, ito’y kailangang magpaalam sa kanyang ate at ina bago makapagbuhos ng pera. Kahit ‘rich girl’ at miyembro ng alta-sociedad ang kaibigang si Donya Consuelo, alyas Jamby Madrigal-Valade, malabong ilista sa tubig ang utang at kalokohan kundi maghahanap ng OR (official receipt) si Mam! ‘Two things’ kung bakit umangat ang popularity rating ni Villar, ito’y nakuha sa ‘Sipag at Tiyaga’, katulad ang pagtulong sa mga minaltratong overseas Filipino workers (OFWs), pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad, at matinding exposure sa larong billiards. Ang malaking problema ni Villar, ito’y maagang nagdeklara ng giyera sa hanay ng mga presidentiables kaya’t asahang ikakabit sa pamumulitika ang bawat galaw at aksyon. Higit sa lahat, maraming maghahangad sa pagbibitiw ni Villar bilang timon ng Upper House. *** Kung merong ‘Redeemed Team’ sa Beijing Olympics, maituturing na ‘Dream Team’ ang ‘Ping-Mar tandem’ sa 2010. Imposible subalit posibleng mangyari ang pagsasanib-puwersa nina opposition Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senador Mar Roxas II. Kung nag-iisip ng panalo at ‘long term power’ ang ina at magulang ni Mr. Palengke, maging girlfriend na si Ate Koring, bakit hindi paghandaan ang 2016? Take note: 51 years old si Roxas ngayon at kapag nanalong Vice President, ito’y 59-anyos lamang sa 2016, as in 65 years magreretiro bilang Presidente. Higit sa lahat, malabong humirit ng ‘extra-term’ si Lacson lalo pa’t 67 years old sa 2016 at merong isang salita at paninindigan, hindi katulad ng mga bolerong pulitiko kaya’t nakakasiguro ng endorsement si Mr. Palengke. Kapag natuloy ang ‘Ping-Mar tandem’ -- ito ang ‘team to beat’ at siguradong pupusta lahat ng negosyante. Hindi kailangang magpagka-praning sa demolition job at paglabas ng press releases si ex-Usec. Bobby Capco na inaakusahang adik ni ex-PCSO media consultant Robert Rivero sa Senate hearing para maiangat ang image ni Mr. Palengke. Sa ngayon, napakalaking problema ang peace and order, economy, corruption at palakasan system sa government offices. Ibig sabihin, napakadaling ibenta sina Lacson at Roxas sa botante kahit hindi magbayad ng media coverage dahil kumpleto ang ingredients upang solusyunan ang mga problemang ito. Higit sa lahat, magkatropa sa Solid 8 ang dalawa at hindi kumplikado ang pagsasanib-puwersa lalo pa’t independent si Lacson at maraming kaibigang taga-Liberal. Sa huling SWS survey, may petsang June 27-30, inokupahan ni Lacson (16%) ang No. 4 habang No. 5 si Roxas (13%) at kapag pinagsama ang kanilang puwersa, halos ga-hibla ang kalamangan ni De Castro (31%). Take note: bumababa ang rating ni Uncle Vice, maging si Loren Sinta habang umaakyat si Lacson kahit wala pang pera at hindi maagang nangangampanya sa probinsya.(www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment