Thursday, September 11, 2008

sept 11 2008 abante tonite issue

May ‘pinagpalang-tao’ sa C5 road!
Rey Marfil


Sa latest survey ng Pulse Asia, may petsang July 1-14, hindi pa rin nagbabago ang pulso ng publiko sa mga kampon ni Mrs. Arroyo -- ito’y walang pinag-iba sa final tally noong nakaraang 2007 mid-term election. Sa ranking ng 23-mi­yembro ng Upper House, alinsunod sa performance and trust rating, puro kampon ni Mrs. Arroyo ang nangulelat sa ranking -- sina Lito Lapid (36%), Dick Gordon (41%) Migz Zubiri (41%), Manong Johnny Enrile (44%), Lolo Joker Arroyo (44%), Kuya Gringo Honasan (44%) at Lola Miriam Defensor-Santiago (46%). Never mind si Pong Biazon (44%), ito’y magreretiro sa 2010. Ibig sabihin, ‘kiss of death’ kapag nagpaendorso sa misis ni Jose Pidal sa 2010 national election ang sinumang reeleksyunistang senador.
Ang pinakamasakit sa panig ng pitong kampon ni Mrs. Arroyo, ito’y tinalo ni Sonny Trillanes (50%) sa trust ra­ting. Ika nga ni Jerome Tang, ‘partida pa iyan’ -- ito’y nakabilanggo, eh paano pa kung binigyan ng ‘passes’ patu­ngong Senado ng Supreme Court? Hindi lang iyan, namu­mukod tanging si Bong Revilla (53%) sa administration bloc ang nasa tuktok, kasama sina Chiz Escudero III (79%), Loren Legarda (78%), Mar Roxas (74%), Manny Villar, (72%), Mr. Noted Pangilinan (67%), Noynoy Aquino, Alan Cayetano (64%), Ping Lacson (63%), Jinggoy Estrada (63%), Pia Cayetano-Sebastian (61%), Nene Pimentel (57%), Jamby Madrigal (52%), Edgardo Angara (50%). Take note: 53% ang passing grade dito.
***
Sa wakas, matutupad din ang pangarap ni Chavit Singson na makarating ng Senado dahil ipinatawag ni Biazon sa reward system, aba’y gustong ‘ibalato’ sa MILF members ang P25 milyong pabuya sa ulo nina Kumander Bravo at Kuman­der Umbra Kato. In fairness, maganda ang suhes­tyon ni Singson laban kina Kato at Bravo lalo pa’t ‘pera-pera’ ang laba­nan sa mga halang ang bituka. Kaya’t magkaka­alaman kung gaano kalakas ang ‘Boses ng mga taga-probinsya’ nga­yong nagkasabit-sabit si Chavit. At kahit ‘hot seat’ ang uupuan ni Lolo Chavit sa Senate, at least nakatabi nito ng upuan ang mga ‘sey-ney-tors’, ika ni ex- Comelec chairman Ben Aba­los samantalang si Water Boy Prospero Pichay, nanati­ling pa­ngarap ang maitanim sa Senado.
Pakatandaan ng publiko, kahit lumalawa sa tubig ang Local Water Utilities Administration (LWUA), walang katiyakang mabubuhay ang isang tanim at kapag nasobrahan sa dilig ang petsay, ito’y mamamatay. Kaya’t mas makakabuting huwag nang pangarapin pang tumubo ni Pichay sa Upper House. Sa huling Pulse Asia survey, 16% lamang ang trust rating ni Water Boy, katabla si Mang Inton, as in GSIS chairman Winston Garcia -- ito’y napakalayo sa 21% ni Jun Lozada nagkumpirma sa ‘Sec. may 200 ka dito’. At habang may panahon, bakit hindi mag-ala Lozada keysa muling malanta sa senatorial election. Mabuti pa nga si DA Secretary Arthur Yap (23%), mas pinagkakatiwalian ng publiko kumpara kina Mrs. Arroyo (19%), Boy Nograles (22%) at Joe De Venecia (22%). Naka-half rice pa iyan!
***
Walang pinag-iba sa ‘3-1 instant coffee’ ang press conference ni Villar sa P200 milyong ‘tongpats’ ng C-5 Road, aba’y tatlong presidentiables ang ‘tinuhog’ nang humarap sa Senate media. U­nang binakbakan si Lacson, kasunod ang magdyowang Mar Roxas at Ate Koring, pinakahuli si Chiz Escudero. Ang nakaka­gulat sa lahat, pati si Dick Gordon sumawsaw at nakipirma sa resolus­yon -- ito ba’y konektado sa ‘Senate coup’ o gustong madamay sa away in aid for reelection at masabing ‘Presidentiable din?’ Anyway, dedma si Roxas nang tanungin ni dzRH radio repor­ter Florante Rosales sa session hall kung siya ba ang tinutukoy ni Villar na ‘nagtatago sa ibang saya’.
Katulad ng pelikulang pinagbidahan nina KC Concepcion at Richard Guttierez, ‘For the First Time’ nasaksihan ng Se­nate media kung paano namula ang tainga at napikon si Villar, pati press release ni Escudero sa performance at trust ra­ting, ito’y binaterya. Ang hindi pa alam ng publiko, eh kung sinong Pontio Pilato mula sa mala­king religious group ang makikinabang sa ibang parte ng C-5 Road extension -- ito’y hiwalay sa double entry ng P200 milyong napondohan ng Department of Budget and Management (DBM). Mantakin n’yo, P1 bilyon ang hinihinging bayad sa right of way ga­yong P390 milyon lamang ang kabuuang halaga ng proyekto. Sad­yang ‘pinagpala ang taong ito’ at posibleng magkahimala lalo pa’t ‘siksik, liglig at umaapaw’ ang pabor na nakukuha kay Mrs. Arroyo.(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: