Thursday, September 18, 2008

sept 18 2008 abante tonite issue

Si Boy Watusi!
Rey Marfil


May anomalya o wala, ‘two things’ kung bakit dumikit kay Senate President Manny Villar ang P200 milyong ‘tongpats’ o double entry sa C-5 Road project na nasilip ni opposition Senator Ping Lacson sa 2008 national budget -- ito’y epekto ng ‘mishandling’ sa press conference noong September 9 (Martes) at matinding pagkapikon sa mga pag-atake ng boypren ni Senator Mar Roxas sa dzMM. Ang resulta: hindi lang putok sa kanang kilay ang natikman ni Villar bago pa man naganap ang showdown noong September 15 (Lunes) kundi bugbog-sarado sa radio program ni Korina Sanchez. Mabuti na lang, protektado ng majority bloc kundi na-knock out sa 1st round.
In fairness kay Villar, sadyang nakakainsulto ang pag-atake ni Ate Koring sa dzMM at maaaring naipon lahat ng nararamdamang galit kaya’t sumambulat sa press confe­rence. Mantakin n’yo, pati pagtatago sa ibang saya ni Roxas, napagdiskitahan ni Villar sa sobrang galit. Ang talo lang ni Villar, ito’y walang radio program at hindi lamang taga-Farmers Market ang nakikinig, as in maramin­g listener ang girlfriend ni Mr. Palengke. Kahit napakala­king ‘kabawasan’ kay Roxas ang pagtatalak ni Ate Ko­ring sa hanay ng mga intellectual voters, abot-lalawigan pa rin ang airwaves ng dzMM.
Ang pinakamalaking problema ngayon ng mister ni Las Piñas Cong. Cynthia Villar kung paano lilinisin ang kanyang imahe kahit inirarasong ‘human error’ ni Senador Juan Ponce Enrile ang pagpapasingit sa P200-mil­yong C-5 Road project, siguradong nakadikit hanggang 2010 ang katagang ‘singit at taga’. Sa madaling salita, hindi dapat humaba ang isyu at lumawak ang eskandalo sa ‘double entry’ kung kaagad inamin ng Office of the Senate President (OSP) ang pagkakamali. Ang tanong lamang ng mga kurimaw: kung si Villar ang nagpa-insert, bakit nawawala sa eksena si Lolo Johnny gayong chairman ng finance committee, maliban kung naghahangad ng Senate Presidency?
***
Napag-usapan ang mishandling, isa pang pagkakamali ni Villar ang ‘pagkakahol’ ni Alan Peter sa ‘double entry’ gayong wala namang buntot para matapakan ni Lacson, maliban kung imaginary at invisible ang paghaba ng kanyang tail? Mantakin n’yo, inilarawang ‘watusi’ ng katukayo ni Joselito Cayetano ang privilege speech ni Lacson. Ang tanong tuloy ng alagang aso ni Aling Matet, ‘Nagpalit na ba ng spokesman si First Gentleman Mike Arroyo sa katauhan ni Alan Peter?’ Aba’y balikan ang Jose Pidal scandal, hindi ba’t ‘supot na kuwitis’ ang paglalarawan ni Atty. Jesus ‘Jess’ Santos sa exposé ni Lacson kaya’t nabiyayaan ng silya sa GSIS?
Hindi lang iyan, sukdulan hanggang Amerika ang pagkapikon ni Alan Peter sa katagang ‘Ang unang pumiyok, ang siyang nangitlog’, isama natin ang round trip sa Europa, pamamasyal sa Nile River hanggang pagtawid ng Pasig River sa panahong nagmamano kina Mrs. Arroyo at ‘Tito Mike’ ang tawag kay First Gentleman na si Boy Watusi. Teka lang, kailan pa naging manok si Cayetano, maliban kung hawak ang ‘susi’ ng C-5 Road kaya’t napaka-affected sa isyu at nagpapanggap itong katukayo ni San Pedro o kaya’y nainsulto dahil ‘kahol’ ang alam nito? Sabagay, ano nga naman ang aasahan kay Boy Watusi kung mismong amang si Senador Renato Cayetano na-ethics committee, as in naimbestigahan ng Senado sa P80 milyong BW Resources scandal.
Sinadya o hindi, parehong ‘abogado at pinagpala’ ang given name nina Alan Peter Cayetano at Atty. Jesus Santos. Ang pagkakaiba lang, mas mahusay mag-isip ng pangbaterya ang makatang si Atty. Jess kumpara sa little brother ni Pia Cayetano dahil ‘minor injuries’ lamang ang tama ng kuwitis, katulad ng sugat at matusok ng stick. Ang nakaligtaan ni Alan Peter, nag-iiwan ng marka sa semento ang watusi at nakakamatay kapag nakain. Higit sa lahat, paitaas ang takbo ng kuwitis habang kumakalat ang watusi kapag sinindihan at ikiniskis sa pader. Kaya’t huwag ipagtaka kung lumawak ang eskandalo sa double entry at magmarka o makalason hanggang 2010, katulad ng watusi. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: