Tuesday, September 23, 2008

sept 23 2008 abante tonite issue

‘Nangamoy-singit’ ang utol ni BW!!
Rey Marfil


Sa isang demokrasyang gobyerno, maganda ang papel ng militanteng grupo subalit kailangang maingat sa bawat isyu, katulad ng alegasyong nagkaroon ng iregularidad sa mga proyektong pang-agrikultura na pinopondohan ng gobyerno -- ang municipal agricultural officers (MAOs). Mantakin n’yo, kung anu-anong pag-atake kay Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap ang isinigaw ng grupo, iyon pala’y ‘na-Joey De Leon’, as in Wow Mali ang mga ito. Kahit itanong n’yo pa sa tinaguriang ‘B1 at B2’ ng Agriculture-sina Undersecretary Bernie Fondevilla at Berna Romulo-Puyat na napakasipag magbungkal ng lupa?
Kapag sinuri ang Commission on Audit (COA) report, napaka- misleading ng mga akusasyon kay Yap at lahat ng isyung ipinupukol sa gabinete, ito’y nasagot ng komisyon. Ni sa panaginip, ayokong isiping natutulog sa pansitan at puro pagbubulakbol sa klase ang miyembro ng militanteng grupo, aba’y nakaligtaang wala nang kontrol ang national government sa MAOs, alinsunod sa Local Government Code, maging ang pagbuo ni Yap ng fact finding team para masampahan ng kaso ang mga tiwaling tauhan. Ibig sabihin, inilipat sa local government units (LGUs) ang pamamahala sa mga serbisyong pang-agrikultura, pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo na naglalayong isulong ang tunay na local autonomy.
Kundi nagkakamali ang Spy, mismong si Yap ang umangal at pumuna sa naunang paglilipat ng kapangyarihan sa LGUs lalo pa’t apektado ang rice self-sufficiency program ng departamento. Take note: Ilan buwang nilalakad ni Yap ang pagdi-detail ng mga MAO sa Regional Field Units (RFUs), sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) ng League of Provinces of the Philippines (LPP) at Department of Agriculture. Ang reklamo ni Yap -- ito’y ‘heneral na walang sundalo’ dahil nakatali ang kanyang mga kamay sa proyekto at kontrolado ng LGUs. Kaya’t maling puno ang tinatahulan ng militanteng grupo!
***
Kung maling puno ang ‘tinatahulan’ ng militanteng grupo, mas mahusay mang-amoy ni Boy Watusi sa ‘tongpats scandal’. Ni sa panaginip, ayokong isiping konektado sa multi-bilyon pisong insertion ng ex-wife ni Atty. Ariben Sebastian -- si Juliana Pilar ‘Pia’ Cayetano ang ‘pagkakahol’ ni Alan Peter Cayetano at pag-aktong spokesman ni Senate President Manny Villar Jr. Mantakin n’yo, hindi pa man nakakabalik ng Pilipinas mula sa isang linggong biyahe sa Estados Unidos, kaagad ‘pumutak’ sa P2 bilyong ‘insertion’ ang utol ni Boy Watusi, maliban kung ‘nangangamoy-singit’ din ito? Ika nga ni opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang 11-page privilege speech noong September 15 -- ‘kung sinong pumiyok, siyang nangitlog’!
Sa kaalaman ng sambayanang Pilipino: tanging P1.19 bilyon ang nakalaan sa Family Health at Family Planning ng Department of Health (DOH) noong 2008 subalit itinaas sa P1.514 bilyon habang P137.4 milyon ang formulation ng polisiya sa mga ospital at health facilities kaya’t nauwi sa P237.4 milyon ito, alinsunod sa insertion ni Mam Pia. Ang pinakamalaking ‘additional funding’ ng utol ni Alan Peter- ang P1.5 bilyon sa Philippine Nurses Act at Magna Carta of Public Health Workers gayong ‘zero budget’ ang original copy nito. Anyway, sakto kay Alan Peter ang pagiging Boy Watusi, aba’y ka-initial ang P80 milyong BW Resources scandal ng namayapang amang si senador Renato ‘Companero’ Cayetano.
Balikan natin ang insertion, tinabla ng Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando Andaya Jr., ang P1.5 bilyong isiningit ni Pia Cayetano sa 2008 national budget, kinapapalooban ng P1.01 bilyon sa Magna Carta for Public Health Workers at P586.4 milyon sa Philippine Nurse Act. Ika nga ng mga nagtitinda ng balot at penoy sa Pateros, hindi kailangan graduate ng University of the Philippines (UP) para maintindihan na walang inilaang budget si Andaya, as in hindi kasali sa isinumiteng General Appropriation Act (GAA) ang ‘addition funding’ ng kanyang sister. Ang tanong ni Aling Matet habang nanood ng pelikulang ‘Halimaw sa Banga’: Hindi kaya natatakot si Boy Watusi na maresbakan ang kanilang family kaya’t ‘nagpuputak’ sa P200 milyong tongpats o double insertion ng C-5 Road project, maliban kung feeling-inahing manok kahit roaster ang category kay Saint Peter? (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: