Sa harap ng gulong nilikha sa P200 milyong ‘tongpats’ sa C-5 road project, matinding daga sa dibdib ngayon ang nararamdaman ng isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan. Sa report na nakalap ng TONITE Spy, hindi kasinglaki ng bubuwit ang nagpapalipat-lipat sa katawan ng isang dating opisyal bagkus kasinglaki ni Garfield ang daga sa dibdib ng kumag, as in kinakabahan sa posibleng pagkakadawit sa kanyang pangalan. Ang rason, mismong dating opisyal ng Malacañang ang mastermind o promotor kung bakit siksik, liglig at umaapaw ang ‘tongpats’ sa road project sa C-5 na naeskandalo ang double entry sa 2008 budget. Sa panahong namamayagpag sa kapangyarihan ang dating opisyal naganap ang multi bilyong ‘tongpats’ sa proyekto, patunay ang pagbabayad ng napakalaking ‘right of way’ sa isang maimpluwensyang grupo. Kung P200M ang nabistong double entry sa 2008 national budget, ito’y barya lamang sa P1 bilyong ibinayad ng dating opisyal ng Malacañang sa lider ng maimpluwensyang grupo. Mismong dating opisyal ng Malacañang ang nagpalusot sa mga ‘tongpats’ ng ‘right of way’ kung saan hindi lamang doble ang presyo o ibinayad kundi triple ang siningil at ibinayad sa gobyerno. Bagama’t P5 libo lamang ang value kada metriko kuwadrado ng lupa, napag-alamang pumayag ang dating opisyal na ‘tongpats’ hanggang P15 libo ang bentahan dahil sa special request o kadupangan sa pera ng lider ng maimpluwensyang grupo. Humigit kumulang sa P2 bilyon ang ibinayad sa ‘right of way’ ng dating opisyal sa lider ng maimpluwensyang grupo kung kaya’t natatakot itong masabit sa eskandalo o mabanggit sa road project na iniimbestigahan ng Senado. Sa ngayon, kung sinu-sinong senador ang kinakausap ng dating opisyal ng Malacañang upang marendahan ang imbestigasyon sa upper house, patunay ang telephone brigade sa mga mambabatas. Clue: Idinadaan sa papunas-punas ng panyo at pagbili ng itlog ang raket ng isang lider ng maimpluwensyang grupo kung kaya’t siksik, liglig at umaapaw ang bulsa nito. Habang nangangarap pa rin makabalik sa poder ang dating opisyal. (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment