Monday, September 15, 2008

sept 15 2008 abante tonite issue

Senador nangangati kapag ‘di tinatamaan ng flash ng camera
(Rey Marfil)

Katulad ng kasabihang ‘hindi nalalayo ang puno sa bunga’, may pinagmanahan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang isang mestisuhing kampon sa Upper House matapos tularan ang pagiging obsessed sa photo opportunity, as in photo ops.
Bagama’t maagang bumababa ng session hall bago sumapit ang alas-tres ng hapon, katulad ng itinakda ni Senate President Manuel ‘Manny’ Villar Jr., nakahiligan ng mestisuhing senador ang magpa-picture sa mga bisita, animo’y nangangati ang katawan kapag walang makitang flash ng camera na nagkikislapan sa kanyang harapan at pakiramdam nito’y hindi buo ang maghapong trabaho kung walang picture-taking sa mga bisita.
Nangunguna sa limang miyembro ng Upper House na tinaguriang ‘the late senator’ ang mestisuhing senador, patunay ang pinakamaraming naitalang late sa attendance report ng Senate Secretariat subalit saksakan ng ‘Reklamador’, as in inangalan ang sistema sa roll call at nagawa pang pagdudahang pinagkakaisahan ito.
Taliwas sa pagdududa ng mestisuhing senador na pinagkakaisahan, walang ibang dapat sisihin kundi mismong sarili dahil paulit-ulit itong nali-late at hindi magawang baguhin ang pag-uugali sa pagdalo ng sesyon, katulad ang sobrang obsessed sa photo ops at pangangating magpakuha ng litrato sa tuwing nakakasalubong ng mga kabataang estudyante sa 2nd floor habang papasok ng session hall.
Halos ilang minutong pakalat-kalat sa labas ng hallway ang mestisuhing senador at pinapatulan ang lahat ng mga estudyanteng nagpapa-picture at kung sinu-sino pang miron kung kaya’t madalas itong inaabutan ng national anthem at opening prayer.
Ang malupit sa lahat, kahit nasa loob ng session hall, hindi pa rin mapigilan ng mestisuhing senador ang pangangati sa photo ops dahil pinupuntahan ang mga estudyanteng nagpapa-picture sa magkabilang gallery kaya’t kapag nagsimulang mag-roll call, pagkatapos ng national anthem at opening prayer, ito’y nasa labas pa rin ng session hall.
Clue: Hindi matatawaran ang kabaitan ng mestisuhing senador subalit maraming nagtaas ng kilay kung lehitimong nanalo. Ito’y meron letrang ‘L’ sa kabuuan ng pangalan at apelyido, as in Laganap ang dayaan kaya’t nakaupo. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: