Kung anong kunat sa buhay, siya namang galante magpainterbyu ng isang kunyong miyembro ng Upper House matapos umastang pulubi sa harap ng media para makunan ng sound bite, as in namalimos ito ng atensyon.
Sa halip kaawaan, pinagtawanan ng mga naglipanang kurimaw sa Upper House ang “pamamalimos” sa interbyu ng kunyong senador, kalakip ang hangaring maiangat ang popularidad matapos ikunsiderang presidentiable ang kumag.
Nasaksihan ng TONITE Spy, kung paano namalimos ng interbyu ang kunyong senador, ilang minuto bago magbukas ang sesyon kung saan mistula itong pulubing nakatambay sa ilalim ng Quiapo underpass at tanging pagkakaiba lamang ng porma, ito’y naka-Amerikana at air conditioned ang puwesto.
Bago magbukas ang sesyon, naispatan ng kunyong senador ang isang lady radio reporter mula sa Kapuso network kung kaya’t kaagad nagparamdam ng interbyu ang mambabatas, gamit ang katagang “Anong balita natin ngayon?”
Taliwas sa inaasahan ng kunyong senador, isang katagang “Wala po Sir” ang kasagutan ng lady radio reporter, sabay salang ng tape recorder sa ibang senador na pinagkakaguluhan ng Senate reporters, as in tinabla at nilampasan lamang dahil walang isyung maaaring maitanong sa mokong.
Ilang segundo pa, isa naman television lady reporter mula sa “Team Kapamilya” ang napadaan sa kinatatayuan ng kunyong senador at mabilis din nagparamdam nang interbyu ang solon, kasabay ang pag-uulit sa naunang itinanong nito.
Katulad ng kasagutan ng lady radio reporter, ganito rin ang nawika ng television lady reporter at nilagpasan ang kunyong senador para makisali sa mediamen na nag-interbyu sa ibang senador.
Ang ikinagulat ng lady radio reporter, ito’y muling nilapitan ng kunyong senador at muling binati, kasabay ang pag-uulit sa naunang tanong, as in nagmamakaawa itong tanungin sa isyung panlipunan.
Dahil magulo magbigay ng statement ang kunyong senador at wala rin sa isyu para kausapin ng mga reporter, sablay ang pagpaparamdan sa Senate reporters, as in luhaan sa interbyu ang kumag.
Higit sa lahat, ipinagbabawal ng Office of the Sergeant at Arms (OSAA) ang mga haosiao o pekeng reporter na pakalat-kalat sa hallway o gallery, o sa loob ng session hall kaya’t bokya sa interbyu ang kunyong senador.
Clue: Saksakan ng kunat ang kunyong senador subalit naging galante matapos ikunsidera ang pangalan bilang isa sa presidentiable. Ito’y nakapasok sa pulitika, gamit ang isang kapamilya at meron letrang ‘C’ sa given name, as in Corn.(www.mgakurimaw.blogspot.com)