Friday, July 18, 2008

spy on the job july 17 2008 issue abante tonite

WALANG PATAWAD!

Ang reklamo ni Dick Gordon, pinupulitika ng ilang presidentiables ang relief donation at pagdalaw sa mga biktima ng bagyong Frank sa Visayas region at Romblon. Teka lang, anong tawag sa pag-iikot ni Gordon bilang chairman ng Philippine Red Cross,- ito ba'y wala rin kinalaman sa reelection bid sa 2010 election, maliban kung pinapa-praktis lamang ang kanyang boses sa bawat live interview sa mga local radio station o takot ma-food poison kaya't ibinubuka ang kanyang bibig sa pangambang 'mapanisan' ng laway at malunok kapag nanahimik?

Ang tanong ng mga kurimaw: si Dick lang bang may karapatan mamamahagi ng donasyon sa nasalanta ng bagyo, maliban kung naiingit sa ilang presidentiables dahil hanggang noodles lang ang kayang ibigay nito? Hindi katulad ng kanyang mortal enemy-si ex-President Erap Estrada, aba'y kalahating barko ng relief goods ang diniskarga sa Sibuyan Romblon. Ang nakakatawa lang, isa si Dick sa napaka-agang nagdeklarang tatakbong Presidente sa 2010 polls kahit kalunos-lunos ang pagiging consistent sa 2% sa lahat ng presidential survey pagkatapos ayaw nitong mahaluan ng pulitika ang pagtulong sa biktima ng bagyo.

Isa pang nakakatawa, si Mam Loren Legarda-Leviste, aba'y isa sa tatlong (3) absenero sa Upper House nakaraang 1st regular session, kasama sina Pong Biazon at katukayo ni Joselito Cayetano. Iyon lang, tila hindi matanggap ni Loren Sinta sa himig ng kanyang press statement ang kahihiyang natanggap at ipinagmamalaki ang accomplishment sa media, eh hindi naman padamihan ng proposed bill ang labanan kundi kung ilan ang naaprubahan. Kaya nga meron 'QC mark' sa bawat produkto, as in quality control. Sakabilang banda, hindi dapat malungkot si Mam Loren dahil mas malalala ang kaibigang si Edong Angara- ito'y numero unong biyahedor sa loob at labas ng bansa. Hindi bale si Aling Miriam Santiago, kahit maakusahang counterpart ni Marco Polo at Christopher Columbus, napaka-importante sa lady solon ang mag-excursion sa abroad, aba'y gumaling ang sakit kapag nakakalanghap ng ‘imported air’ at mas malupit dumepensa sa Malacanang.

@@@

Humigit-kumulang 800 pasahero ang nasawi sa paglubog ng MV Princess of the Star at patuloy nanangis ang pamilya dahil walang pag-asa pang makita ang labi ng mga kaanak, hindi kabilang ang libu-libong residenteng 'napeste' at nawalan ng kabuhayan sa Sibuyan island, maging kalapit lalawigang apektado ng 'fishing ban'. Ang masakit, wala rin patawad ang ilang kasamahan sa media at kinalimutan ang propesyon, katulad ang misyong hanapin ang katotohanan sa bawat eskandalong nabubunyag dahil sila mismo ang tumulong upang pagtakpan ang kapalpakan at kasalanan ng Sulpicio Lines.

Hindi natin babangitin ang pangalan pero isang grupo ng mediamen ang may hawak sa media blitz at pagpapa-pogi sa imahe ng Sulpicio Lines, as in timon sa media operation para harangin ang negatibong news report laban sa kumpanya. Mantakin nyo, halos lahat ng malalaking PR firm, tinanggihan ang malaking 'offer' ni Banker pero iba ang grupong ito, aba'y walang patawad. Ang nakakasuka, karamihan dito'y nag-opisina sa National Press Club (NPC) at nagsilbi pang opisyal. Ang pinakamasakit sa mga taga-Romblon, isang kababayang reporter ang hindi man lamang kinilabutan sa sinapit ng mga pasahero at hindi rin inisip kung anong nangyari sa kanyang mga ka-lalawigan na nabubuhay sa pangingisda dahil isa sa tumatayong timon sa media operations ng Sulpicio Lines.

Sa isang mediamen, hindi masama ang kumita hanggat legal at karapatan din ng Sulpicio Lines mabigyan ng tamang espasyo sa pahayagan. Ang kasuklam-suklam lang, bakit mismong mediamen na magtatangol at sandalan ng mga naapi ang bumabaluktot sa katotohanan. Sabagay, sa sobrang taas ng bilihin at walang katapusang pagbulwak sa presyo ng gasolina, hindi rin masisisi ang ilang mediamen kung mauuwi sa ‘pera-pera’ ang labanan. Ang tanong lang: nasaan ang inyong konsensiya, maliban kung ‘dehins goli’ gamit ang safeguard. Kahit itanong nyo pa kina ex-PBS President Ding Gagelonia, Bulletin reporter Roy Mabasa at ex-Inquirer reporter Arman Nocum, maging kay ex-Philippine Star reporter Nick Ferrer na tubong-Odiongan Romblon!

(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: