Tuesday, July 8, 2008

july 8 2008 spy on the job column

SIBAKIN SI DUQUE!

Hindi 'sorry' ang kailangan ng mga taga-Romblon sa iresponsableng deklarasyon ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque tungkol sa pagbabawal kainin ang mga isda kundi resignation, aba'y paulit-ulit ang kapalpakan ng kampon ni Mrs. Arroyo. Kung puro 'alarmist' ang nakukuhang gabinete, katulad ni Duque, hindi nakakapagtakang nagkakasabit-sabit ang administrasyon. Mantakin nyo, nasa Sibuyan Romblon lumubog ang MV Princess of the Star, isinama lahat sa ban ang dalawa (2) pang major island- ang Tablas at Romblon, Romblon.

Sa kaalaman ng publiko, dalawang (2) oras ang biyahe mula Sibuyan Island patungong Romblon, Romblon- ang capital ng lalawigan. Hindi rin naglalayo ang distansya sa Tablas . Katarantaduhan kung tatawid ng tatlong (3) isla ang mga isda, maliban kung kasing dunong ni Duque gumawa ng senaryo ang mga lapu-lapu sa Sibuyan Island . Sa madaling salita, pinalala ni Duque ang paghihirap ng aking mga kababayan na kamuntikan pang kinalimutan sa relief operation, as in 'tira-tira' lamang ang ibinigay ng gobyerno kumpara sa malalaking lalawigang sinalanta ni Frank. Sabagay, mas malaki nga naman ang registered voters sa Iloilo . Kahit itanong nyo pa kay Ninang Ching Suva nagdiriwang ng kaarawan noong Hulyo 6.

Ika nga ni Paranaque Cong. Roilo Golez na tubong Looc Romblon, anong aasahan kay Duque, eh makailang-beses nang pumalpak ang gabinete. Isang halimbawa ang Guimaras oil spill, hindi ba't kung anu-anong pananakot ang natikman ng mga residente kaya't lumawak ang problema. Balikan ang Guimaras Island ngayon, ito'y nanunumbalik sa normal at hindi tumama ang mga prediksyon ni Duque. Ibig sabihin, hindi nakakatulong ang pagiging 'alarmist' ni Duque kaya't mas makakabuting sibakin ni Mrs. Arroyo at palitan ng matinong gabinete. Subukan kaya ni Duque tumira ngayon sa Romblon, ewan lang kung tatagal sa pagkain ng ‘gamos’ (bagoong) at balinghoy (kamoteng kahoy) dahil ipinagbawal nitong kainin ang mga lamang-dagat dito!

@@@

Bago ang Guimaras oil spill, sumikat ang pangalan ni Duque sa pag-divert ng OWWA fund noong 2004 election- ito'y kinasangkapan ni Mrs. Arroyo sa Philhealth card, gamit ang pondo ng overseas Filipino workers (OFW's) kaya't nabiyayaan ng napakagandang puwesto sa gobyerno, katulad din ng ilan pang 'Garci generals' ngayo'y nag-i-enjoy sa 'lucrative department' at bingi sa mga batikos. Talagang ganyan ang buhay, nabibiyayaan ang mga mababait at masunurin kay Mam. Anyway, pagkatapos ng termino ni Mrs. Arroyo, magiging mabenta ang 'ENT Doctors' dahil dumami ang bingi, umikli ang dila at nagsihabaan ang ilong ng mga gabinete ni Mrs. Arroyo para takpan ang mga eskandalong naganap.

Ni sa panaginip, ayokong isiping bahagi ng propaganda ni Duque ang maging alarmist tungkol sa kalagayan ng mga taga-Romblon upang pag-usapan sa media lalo pa't matunog bilang senatoriables ng Malacanang sa 2010 election. Hindi malayong ambisyunin ng gabinete ang ma-jamming si Leon Guerrero sa Upper House, eh pati diskarte ni dating senador Juan Flavier, katulad ang pag-astang kenkoy sa infomercial, ito'y ginagaya ng opisyal para lamang mag-marka ang kanyang pagmumukha. Sa malamang, laking pasalamat ni Duque ng mauso ang dengue, aba'y araw-araw lumalabas ang kanyang commercial!

Maliban sa planong pagtakbong senador, si Duque ang 'hinihimas' ni Mrs. Arroyo na ‘pamato’ sa Pangasinan upang pabagsakin ang pamilya ni ex-House Speaker Jose De Venecia Jr. Kaya’t sinuman kina Manay Gina at Joey De Venecia ang ilalarga ni Tenga, kailangang paghandaan ang pagbuhos ng pera ni Mam. Ang kagandahan lang, mapapaaga ang pag-goodbye ni Duque sa DOH dahil kailangang mag-concentrate sa congressional district ni De Venecia at mapapadali ang pag-upo ni ex-senator Tessie Aquino-Oreta (TAO) sa DOH na ipinagpasalamat at hindi nagsisimula sa letrang ‘E’ ang napangasawa!


No comments: