Monday, July 7, 2008

hulaan blues july 7 2008 issue abante tonite

BIKTIMA NG KALAMIDAD, GINAWANG 'DAING' NG SENADOR


Katulad ng kasabihang 'mahirap ituwid ang matandang sanga' muling nang-agaw eksena sa isang relief operation ang isa sa tinaguriang 'The Late Senator' matapos paghintayin ng kahalating oras ang mga residenteng naghahangad ma-ambunan ng konting tulong mula sa opisina nito.


Sa report nakalap ng Tonite Spy, hindi lamang namuti ang mga mata ng mga residente sa isang lalawigang binisita ng daldalerong senador bagkus nabilasa sa init ng araw at kamuntikan pang naibenta sa palengke at nailako sa kalsada dahil nagmukhang daing ang mga ito.


Ang nakakalungkot sa lahat, lalo pang nagmukhang timawa, as in hampas lupa ang mga residente ng isang lalawigan sa Region 4 dahil ilang oras pumila sa gitna ng matinding sikat ng araw para lamang makakuha ng relief goods, katulad ng sardinas at ilang kilong bigas na isasaing upang pagsasaluhan sa hapag kainan ng buong pamilya.


Sa orihinal na iksedyul, nakakatakdang lumapag ang sinasakyang chopper ng daldalerong senador, ganap alas 8:00 ng umaga kung saan maaga itong nagpa-anunsiyo sa gagawing relief operation, hindi lamang sa mga residente ng munisipalidad kundi sa mga radyo at telebisyon, maging sa print media.


Sa hangaring mauna sa pila at makasiguro sa relief goods, halos alas 6:00 ng umaga, dumagsa sa aplaya ang mga residente ng munisipalidad subalit habang tumatakbo ang oras, hindi pa rin nasilayan kahit isang pakpak ng helicopter na sinasakyan ng daldalerong senador.


Pasado, alas 12:00 ng tanghali, hindi pa rin dumarating sa lalawigan ang daldalerong senador at karamihan sa mga residente, idinadaing ang pagkagutom lalo pa't hindi nakapag-almusal at ilang oras nang nakabilad sa sikat ng araw kung saan ilan dito'y nagsi-uwian para kumain at bumalik lamang sa pila.


Katulad ng pagkakabansag bilang 'the late senator', halos tapos nang pananghalian ng ilang mga residente sa munisipalidad nang lumapag ang helicopter ng daldalerong senador kung kaya't malapit nang magmukhang daing at tinapa ang mga residenteng nakapila para sa kakapirangot na relief goods.


Maging sa text messages, kumalat din ang pagiging 'the late senator' ng daldalerong senador matapos mapikon ang mga reporter nag-cover sa event kung saan hindi maitago ng mga mamamahayag ang matinding awa sa mga residente ng lalawigang binisita ng mga ito.


Clue: Nagtatalsikan ang laway ng daldalerong senador kahit saang debate at diskusyon. Ito'y hindi lamang binansagang 'the late senator' kundi Mulaway ng Upper House, as in talsik nito'y lumalaway.

No comments: