MAAWA KA SA ROMBLON, NONOY!
Kundi naging maagap ang local officials, sampu ng media, hindi naging mabilis ang pag-aksyon ng national government sa nangyaring typhoid outbreak sa Romblon, Romblon. Kaya't abot-langit ang pasasalamat ng mga Romblomanon kay Vice President Noli De Castro Jr.- ito'y kaagad umaksyon at nagpadala ng Medical Team noong Hulyo 12, araw ng Sabado, sa pamumuno ni Philippine Army (PA) chief Delfin Bangit. Hanggang ngayon, nasa Romblon town ang 11 doktor at medical technician upang suyurin ang buong munisipalidad sa medical mission at ma-kontrol ang posibleng typhoid outbreak. At ngayong Martes, inaasahang pabalik ng Maynila ang medical team.
Sa kaalaman ng sambayanang Pilipino, ultimo bulak sa Romblon District Hospital- ito'y binibili ng pasyente kaya't maraming pasyente ang nadidisgrasya, as in walang medisina at kapos sa doktor. Kung hindi naging maagap nina Mayor Gerard Montojo, Councilor Benjie Mayor, sampu ng local officials, posibleng lumala ang typhoid outbrek sa munisipalidad. In fairness kay Cong. Budoy Madrona, ito'y halos mamalimos sa national government upang pondohan ang rehabilitasyon ng ospital at maibigay ang karampatang health services sa nasasakupan. Ang masakit lamang, kakaunti ang registered voters sa Romblon province kaya't marahil hindi pinapansin ng mga kampon ni Mrs. Arroyo.
Mantakin nyo, kahit simpleng pagpapa-ultra sound lamang, aba'y kailangan pang lumuwas ng Maynila ang isang pasyente habang ang x-ray machine kung hindi madalas masira, walang magbabasa ng resulta o kaya'y walang technician. Kahit itanong nyo pa kay dzBB reporter Carlo Mateo nakarating ng Romblon District Hospital, kasama ang medical team ng Philippine Army. Bagamat kulang, isa pa rin magandang balita ang P5 milyong ibinigay ni DBM Sec. Rolando ‘Nonoy’ Andaya III para pambili ng aparatus at iba pang kagamitan sa Romblon District Hospital-ito'y hiningi ni Madrona, sa pamamagitan ni De Castro. Kaya't panawagan ng mga taga-Romblon, baka puwede dagdagan ni Andaya, isama nyo na rin ang pondo sa imprastraktura lalo pa't sira-sira ang mga eskuwelahan at kalsada!
@@@
Kung susuriin ang tama ng bagyong Frank, kasing-lupit sa sinapit ng mga taga-Iloilo ang nangyari sa Romblon town. Masakit man sabihin at baka isiping nakikipag-kompetensiya ang capital ng probinsiya sa donasyong natatanggap ng mga taga-Sibuyan Island- ang pagtanggal sa barkong MV Princess of the Star ang problema ni San Fernando Mayor Nanneth Tansingco subalit subukan ikutin ang buong Romblon Town, kasama si Mayor Montojo, ewan lang kung hindi tumulo pati uhog ng sinumang ipapadalang sugo ni Mrs. Arroyo kapag nakitang putol ang kalsada, warak ang kabahayan at nilamon ng alon ang mga bangka ng mga mangingisda, maliban kung manhid sa trahedya ang Malacanang.
Kaya't saludo ang mga Romblomanon kay DA Sec. Arthur Yap, aba'y nagtiyagang bumiyahe ng Romblon, sakay ng barko para personal nitong tingnan ang tama ng bagyong Frank. Higit sa lahat, napakalaking tulong ang livelihood ibinigay ni Yap sa mga mangingisdang apektado sa paglubog ng MV Princess, katulad ng baboy, manok at kambing. Ang nakakadismaya, tila hindi interesado sa typhoid outbreak si Department of Health (DOH) Sec Francico Duque dahil isang sugo lamang ang dumating sa Romblon, Romblon upang i-asses kung bakit kalahati sa 700 mag-aaral ng Romblon East Central School ang nakakaranas ng high-fever gayong ilang araw itong nagpa-press release na darating.
Anyway, nagpapasalamat din ang mga taga-Romblon sa ipinadalang donasyong noodles at can goods ni senate minority floor leader Aquilino 'Nene' Pimentel Jr., sa office ni Mayor Montojo at inaasahang magpapadala ng gamot at medisina si senador Panfilo 'Ping' Lacson. At anumang araw ngayong linggo, posibleng dumalaw si Vice President De Castro, ewan lang kung matutuloy si Senate President Manuel Villar Jr., lalo pa't kaibigan ni Cong. Budoy ito? Iyan ang ngayon misyon ni Miss Avic Amarillo, as in dalaga po siya at handang tumanggap ng suitors!
No comments:
Post a Comment