Thursday, July 3, 2008

july 3 2008 spy on the job column

PUWESTUHAN PA LANG!

Napakaaga ang labanan sa media operation ng ilang presidentiables, katulad ng text brigade para pabanguhin ang imahe ng kanilang amo. Ang nakakatawa lamang, maaga din nagkakaturuan kung sino ang suspek sa demolition job- isang halimbawa ang komprontasyon sa pagitan ng dalawang (2) PR group. Bago pa man nanalasa si Lolo Frank, laman ng text brigade ang kabayanihan ng isang presidentiable. Ang nakakasuka lang, sobrang adelantada ng presidentiable at maagang kini-claim ang panalo sa 2010 election. Nang lumabas ang nakaka-insultong 'counter-text', ito'y labis ikinapikon ng presidentiable.

Sa puntong ito, pinagbintangan ng adelantadang presidentiable ang kampo ng isa pang presidentiable. Ang rason: ilang news editor at columnist ang nagkaroon ng forward messages mula sa isa sa mga media handler ng kalabang presidentiable kaya't inakalang 'ponente' ng demolition job ito. Mas lalo pang nanggagalaiti sa galit ang adelantandang presidentiable at pinabitangan ang kalabang presidentiable dahil malapit ang isang bagitong senador sa mga taong binabangit sa text brigade. Ganyan ka-praning ang kampo ni 'Mr. W' kahit forward messages lamang ang ipinadala ni 'Manong J'. Anyway, namakyaw ng SIM card ang kampo ng adelantadang presidentiable para sa text brigade kaya't huwag ipagtaka kung wala nang maibenta sa Greenhills!

@@@

Malayo pa ang 2010 kaya't marami pang pagbabago sa listahan ng mga presidentialbe, katulad ng boypren ni Korina Sanchez-si senador Manuel Araneta-Roxas II, as in MAR for short- ito'y dalawang (2) beses umatras sa senatorial race, partikular noong 1998 at 2001. Ibig sabihin, mahina ang loob sa pulitika at mahirap paniwalaan kung itutuloy ang plano lalo pa't lagapak sa alinmang presidential survey gayong matatag ang partidong Liberal. Kapag nagkamali ng desisyon si Mr. Palengke, ito'y tatlong (3) taong pahinga. Sabagay, mas 'type' ni senate pro-tempore Jinggoy Estrada tumakbong Presidente si Roxas, aba'y mababawasan ang kalaban sa No. 1.

Katulad ni Roxas, malabo din 'kagatin' ni Jinggoy ang pagiging running mate ni Senate President Manuel Villar Jr. Sa ngayon, maituturing na 'runaway winner' si Chiz Escudero sa Vice President at huwag lang lumaki ang kanyang ulo para ambisyunin ang Presidente, ito'y siguradong makakarating ng palasyo sa 2016. Kapag natalo si Jinggoy, ito'y pahinga din ng tatlong (3) taon at binigyan lamang ng ‘pases’ na maka-upo sa highest position ang kanyang half-brother-si San Juan Mayor JV Ejercito. Take note: mas malalim pa sa pinaglubugan ng MV Princess of the Star ang away ng magkapatid. Sa tingin nyo, papayag si Jinggoy na maisahan at masingitan sa Upper House, eh di pinagtawanan ang senador ng mga kalaban sa San Juan . Kahit itanong nyo pa kay Cong. Ronnie Zamora !

@@@

Napag-usapan ang partido, mas makakabuting huwag nang ituloy ni senador Ping Lacson ang pagpasok sa PDP-Laban dahil malalagay lamang sa alanganin ang pagtakbo sa 2010. Napaka-loyal ni Mayor Jojo Binay kay ex-President Joseph 'Erap' Estrada, katulad din ni Mayor Fred Lim. Kung anong sasabihin ni Erap sa pulitika, ito'y susundin ng dalawa, eh paano susuportahan si Lacson ng PDP-Laban kung iba ang manok ni Erap? Take note: gusto rin tumakbong Presidente ni Erap at sino si Lacson sa buhay ni Binay para paboran. Kung si senador Nene Pimentel ang masusunod, siguradong si Lacson ang kakampihan. Iyon nga lang, si Binay ang may pera at 'siga' sa PDP-Laban!

Hindi pa huli ang lahat kay Lacson upang mag-back out, bakit hindi ikunsidera ang Reporma Party ni dating Defense Sec. Renato De Villa o kaya'y Aksyon Demokratiko ni Inang Guro Sonia Roco- ito'y maaring palakasin at magkaroon ng coalition, katulad ng Lakas-Kampi merger. Ibig sabihin, isa rin ang 'suma-tutal' kapag pumasok sa bagong partido si Lacson-ito'y gagastos bilang timon at kapareho din ang expenses kahit mapunta sa PDP-Laban. At least, si Lacson ang siga sa Reporma at hindi nakasandal sa balikat ni Erap!


No comments: