Sa halip na ikatuwa ang pagtulong ng ilang personalidad sa mga nasanlanta ng bagyo at biktima ng kalamidad, nagawa pang kainggitan ng isang miyembro ng Upper House ang pagkakawang-gawa ng mga kauring pulitiko nito. Nasaksihan ng TONITE Spy kung paano lumutang ang pagiging inggitero ng isang daldalerong senador matapos i-bad mouth ang mga kasamahan sa Upper House at ilan pang personalidad na nagbigay ng relief goods at assistance sa mga biktima ng kalamidad. Bago pa man kinainggitan ng daldalerong senador ang ilang personalidad at pulitikong nagsagawa ng relief operation sa ilang bayan at rehiyong sinalanta ng bagyo, naging aktibo sa mga media interview ang mokong, as in puro pagdadaldal lamang sa himpapawid ang ginawa nito. Halos oras-oras laman ng balita at interbyu ang daldalerong senador kung saan ipinangangalandakan ang pagtulong ng kanyang opisina at organisasyon, kalakip ang panawagang magtulungan ang bawat isa, sampu ng mga pulitiko subalit wala naman sa area o pinangyarihan ng kalamidad ang kumag. Nang umeksena ang ilang pulitiko, katulad ng mga presidentiables upang tulungan ang mga biktima ng kalamidad, nag-iba ang timplada ng daldalerong senador at nagawa pang sirain ang pagtulong ng mga kauri nito. Sa halip ikatuwa ang pagtulong ng mga presidentiable sa mga biktima ng kalamidad at maraming sumunod sa kanyang panawagan sa mga himpilan ng radyo, naiinggit ang daldalerong senador matapos makitang nasasapawan sa media mileage o exposure sa telebisyon. Sa harap ng media, binabaterya ng daldalerong senador ang mga kauring pulitiko sa ginagawang relief operation, katulad ang alegasyong pinupulitika ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad gayong kapareho ang motibo nito. Hindi naman ikinagulat ng mga naglipanang kurimaw sa Upper House kung mainggit ang daldalerong senador dahil kakapiranggot ang noodles na ipinamudmod ng mokong habang barku-barko ang mga donasyon o relief goods ng mga kasamahang pulitiko. Clue: Bagama’t hindi matatawaran ang husay ng daldalerong senador, ito’y kinaiinisan ng mga kapwa senador dahil wala nang pinakamagaling kundi sarili nito. Higit sa lahat, allergic ang mga kasamahan dahil siguradong maliligo ng laway sa kuwentuhan, as in Mulaway ng Upper House. (www.mgakurimaw.blogspot.com). |
No comments:
Post a Comment