Limang araw makaraan ang pananalasa ni Ondoy, marami pa rin lugar ang lubog sa tubig-baha at hindi nabibigyan-pansin ng gobyerno, katulad ng isang kaso sa Biñan Laguna -- sa Tulay Bato, San Antonio, aba’y lampas-tao ang tubig sa loob ng mga kabahayan, puro putik at sira ang lahat ng kagamitan ng mga residente.
Ang pinakamasakit, walang tulong na natatanggap mula sa local government official, maging sa national level. Nasaan ang kanilang alkalde, gobernador, sampu ng mga konsehal at bokal ngayong kalamidad gayong sa panahon ng kampanya, ito’y kayang pasukin ang makipot at kaloob-looban ng mga barangay para makipagkamay?
Hindi natin babanggitin kung sinong mga Pontio Pilato at Herodes ang nagkalat sa Biñan Laguna subalit nakakalungkot isiping, walang inatupag ang mga local officials kundi bantayan ang relief goods na nagmumula sa national government.
Ang nakakahiya sa lahat, aba’y nakikipag-agawan at walang ginawa ang mga kumag kundi bantayan ang release ng calamity fund -- ito’y text messages mula sa isang residente ng Biñan, Laguna. Kalokohan kung gagawa lamang ng kuwento ang texter lalo pa’t lubog ang kanilang bahay. Kaya’t pakatandaan ng mga taga-Biñan, huwag nang iboboto sa 2010 kung sinuman sa mga local officials ang nagpabaya!
***
Napag-usapan ang text ng isang taga-Biñan Laguna, aba’y rumaragasa rin ang bakbakan sa text brigade ng dalawang presidentiables, sa pagitan nina Manny Villar at Noynoy Aquino habang kainitan ang relief at rescue operation, simula Linggo hanggang kahapon.
Hindi lang malinaw kung pinag-away sina Manny at Noynoy subalit nagsasagutan sa text ang kampo ng dalawang nangangarap maging Pangulo. Ang nakakadismaya lang, kung ipinang-donate sa Ondoy victims ang ginastos sa text brigade at alokasyon sa dirty tricks department, ‘di sana natugunan ang pagkauhaw ng mga nasa evacuation center, isang halimbawa ang mensaheng “Libre ang donasyon sa mga biktima ni Ondoy, libre ang media coverage ng ABS CBN at Inquirer. Iyan si Noynoy at Kris ayaw bumunot ng pera pero makapal manghuthot. Kung buhay pa si Tita Cory, wala rin siyang magagawa sa spoiled brats niya. Buti pa si Villar, hindi makapal kasi humugot talaga sa sariling bulsa” -- ito’y mula 09052197023.
Makalipas ang ilang oras, animo’y sumagot ang kampo ni Noynoy, ganito ang mensahe “Tumulong nga si Villar sa mga binaha pero bakit kailangan pa niya ilagay ang pangalan niya sa kapirasong styrofoam na pinaglagyan ng pansit. ‘Di na tulong iyan kundi pangangampanya. Akala niya magogoyo pa niya ang mga tao! Kay Noynoy tayo” -- ito’y mula sa 09052197022.
Ang ipinagtataka lamang ng Spy, halos isang numero ang pagitan o pagkakaiba sa dalawang mensaheng kumalat kaya’t malaking katanungan kung kaninong kampo ang nagpapakawala ng demolition job.
At noong nakaraang Martes, meron panibagong text brigade laban kay Noynoy, maging sa email, halos dalawang araw binabakbakan ang utol ni Kris Aquino, pinakahuling alegasyong ‘Big Fat lie’, gamit ang pangalang Juan Tamad at konsensiyangbayan@yahoo.com bilang email address -- ito’y patungkol sa pagkansela ng Mindanao trip ni Noynoy para damayan ang Ondoy victims subalit pakikipag-meeting kay Erapsky ang pinuntahan pagbalik ng Maynila at mismong si Noynoy ang ‘nag-confirm’ sa meeting.
Halos iisa ang laman ng email, gamit ang ilang news item at nakapalaman ang mensaheng “Sabi ni Noynoy babalik daw siya ng Maynila para tumulong sa relief operation, iyun pala secret meeting kay Erap. Si Kris humihingi ng konting sakripisyo sa bayan pero suot matching Channel earrings and pearl necklace and diamond studded Philip stein watch sa TV. Ganyan ba ang mga Aquino makapal?” mula sa 09052197023. Take note: Walong buwan pa bago ang May 10, 2010 kaya’t mahaba-haba pang bateryahan sa text iyan! (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment