Sa delubyong dala nina Ondoy at Pepeng, maraming bayaning hindi nabigyan ng espasyo sa peryodiko, walang media coverage at advisory, katulad sa naging raket ng mga pulitiko at ilang presidential wannabe.
Ngayong lubog sa tubig-baha ang mga taga-Central at Northern Luzon, maging ilan pang bahagi sa Metro Manila, ‘hindi kailangan ng mga residente ang isang bida kundi salbabida’ - isang makakapitan para makabangon sa krisis at trauma.
Sa dami ng nagpapaka-hero sa telebisyon at namumudmod ng donasyon, naisip kaya ng mga botante kung anong kapalit sa mga nagpi-feeling martir at concerned citizen sa harap ng mga taong nagsisisikan sa evacuation center?
Ang tunay na hero, hindi ipinangangalandakan ang pagsasakripisyo, katulad ni ex-Sec Mike Defensor, aba’y kamuntikan naging ‘The Late Mike Defensor’ dahil isinubo ang buhay para iligtas ang ilang residente sa Quezon City - ito’y inanod ng baha sa kasagsagan ng bagyong Ondoy noong Oktubre 26.
Lingid sa kaalaman ng publiko, maraming buhay ang naisalba ni Little Mike, hindi nga lang nai-report. At kung hindi nagkakamali ang Spy, humigit-kumulang 50-katao ang nasagip ng grupo ni Mike pero walang press release.
Ikumpara si Mike sa pagpapa-hero sa relief operations ng mga pulitiko, malinaw ang media mileage para paboran ang kandidatura ng mga ‘ka-family’, animo’y aral sa kantang ‘Mang Jose’ ng Parokya ni Edgar - ang Super Hero na kailangan pang arkilahin. Kahit itanong n’yo kay Kris!
Sa nagdaang panahon, marami ang masasamang naisulat laban kay Mike, ito’y sawsaw sa tuwing mapa-trouble si Mrs. Arroyo. Pero balikan ang sinabitan ni Mike, simula ng maupong Congressman noong 1995- kung hindi tinulungan ang mga kababaihang minor de edad na-aresto sa Padi’s Point, ito’y hindi nalagay sa balag ng alanganin.
Pagkatapos ng ‘dyokards controversy’, nasundan nang pag-rescue kay Udong Mahu sa y - ang Senate witness sa Jose Pidal scandal. Sa kaalaman ng publiko, staff ni Mike ang isa sa ‘Mahusay brothers’ at humingi ng tulong kaya’t muling nagpaka-bayani.
At katulad ng ‘dyokards scandal’ sa Padi’s Point, hindi inisip ni Mike ang epekto ng pagsawsaw sa eskandalo kaya’t natalong senador ito!
Pinakahuli ang pag-rescue kay Jun Lozada - ang Senate witness sa $230 milyong broadband controversy. Sa humigit-kumulang 15-taon, hindi nagbabago ang karakter ni Mike, ito’y sadyang matulungin kaya’t hindi ikinagulat ng mga kurimaw kung inabutan ng P50 libong ‘pamalengke’ ang isang kaibigang nangangailangan ng weekly budget.
Sa karakter ni Mike, hindi bago ang pag-rescue sa mga inaanod ng baha kahit pa matinding kahihiyan ang abutin o buhay ang maging kapalit - ito’y paulit-ulit na gagawin at hindi pagsisihan.
Isang tunay na kaibigan at handang magpaka-lunod ni Mike, hindi katulad ng mga dating ka-tropa sa Liberal Party (LP), aba’y unang tumatalon sa bangka ni GMA gayong puwede pang pasakan ng Elastoseal at ngayo’y umaastang taga-pagligtas ng RP.
Kung papipiliin ang Spy, mas gugustuhin nito ang taong tapat sa amo keysa traidor at balimbing. Iyan ang ‘tatak-Mike’!
***
Panawagan: Sinumang kliyenteng nakakilala kay Atty. Edgar Navales - ipagbigay-alam kay Prof. Edelita Reyes ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Hanggang ngayon, hindi mahagilap si Navales at hindi nakikipag-coordinate sa estado ng inihaing petisyon tungkol sa maling ‘entry’ ng Transfer of Certificate of Title (No. N-180860) na pag-aari ng kanyang kapatid - si Daisy Suministrado sa San Francisco del Monte, Quezon City.
Pagkatapos tumanggap ng P17,000 attorney’s fee, naglahong parang bula si Attorney. Maliit na halaga subalit responsibilidad ni Navales bilang abogado na ipaalam ang status ng kaso. Puwedeng ipagbigay-alam o tumwag sa 454-8356 kay Professor Reyes. Sana’y hindi umabot sa disbarment charges sa Integrated Bar of the Philippines (IBP). Take note: Piso lang naman ang text at may libreng tawag sa PLDT!(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment