Tuesday, October 20, 2009

october 20 2009 abante tonite

Kanino ang puso ni Sinta?
Rey Marfil


Kahit giniginaw sa tubig-baha ang mga taga-Pangasi­nan, mainit ang posibleng paglipat ni Loren Legarda, alinman sa kampo ng dalawang junior - sina Gibo Teodoro at Manny Villar - ito’y hindi nakakagulat dahil sadyang ganito ang pulitika. Kahit kasing-labo sa dalang putik ni Ondoy sa Metro Manila, ‘tumitining’ ang linyahan ng bawat isa at marami pang magaganap sa loob ng 43-days habang nalalapit ang November 30 deadline.

Sa alinmang labanan, pinakamahalaga ang diskarte at taktika kaya’t hindi masisisi ni Loren Sinta kung malisyoso mag-iisip ang mga kurimaw lalo pa’t makinarya at pera ang pinakamalakas na sandata kapag sasabak sa karera. Kahit itanong n’yo pa kay birthday boy, DILG Asec. Brian Yamsuan!

Sa kabilang banda, hindi rin nakakagulat kung mauwi sa ‘Gibo-Loren’ ang ilalarga ng MalacaƱang lalo pa’t 2-taon pa lamang ang itinagal ni Sinta sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) - ito’y pumasok noong 2007 at ex-party mates si Gibo. Ang masakit lamang sa panig ni Keso, as in Chiz Escudero, animo’y ‘kinakaliwa’ lalo pa’t walang pinag-iba sa mag-boypren ang sitwasyon ng mag-Ninang.

Ibig sabihin, kundi kinikilig, bakit ‘nagpapaligaw’ kina Gibo at Manny, as in nag-entertain ng suitors gayong ka-MU (mutual understanding) si Keso, maliban kung sadyang nakahiligan ng lady solon ang maging ‘salawahan’ sa pag-ibig at pulitika?
***
Napag-usapan ang pagiging salawahan, balikan ang background ni Sinta, ito’y ex-member ng Lakas-NUCD at ‘favorite’ ni Tabako (President Fidel Ramos) kaya’t naipasok sa senatorial ticket noong 1998. Take note: nagkaroon din ng Lakas-Laban coalition noong 1995 election - sina Tabako at Edong Angara (LDP President) ang promotor.

Hindi lang iyan. Sina Joe De Venecia at Mrs. Arroyo ang ka-tiket ni Sinta noong 1998 habang si Edong ang running mate ni Erapsky. Ang pagpasok ni Loren Sinta sa Lakas ticket ang rason kung bakit naudlot ang pagtakbo ni Finance Sec. Gary Teves (ex-Negros Congressman) dahil mas pinili ni Tabako si Sinta at nanalo naman ang lady solon dahil sa kasikatan nito!


Simula 1998 hanggang 2004, naging tapat si Sinta sa Lakas-NUCD party sa loob ng anim na taon, patunay ang pag-“Crying Lady” at pag-walk out sa impeachment trial ni Erap, as in, subalit nagbago ang lahat nang ambisyuning tumakbong Vice President noong 2004, aba’y ‘nilunok’ ng lady solon ang lahat ng pride at kulang na lamang ibalik ang luhang dumaloy sa magkabilang mata.

At nangyari ang dapat asahan, ito’y tinanggap at pinatawad ni Erapsky kaya’t natuloy ang tambalang ‘Da King and I’, sa pamamagitan ni Edong Angara. Ang resulta: Walang selection process at na-etsapuwera si Sen. Ping Lacson (LDP), as in ginamit ni Edong ang kapangyarihan para ibigay ang suporta kay Fernando Poe Jr., kahit outsider.

Maging ang ‘Villar-Legarda tandem’, ito’y hindi nakakagulat dahil parehong ‘ex-members’ ng Lakas-NUCD noong 1998 at nagkasama sina Legarda at Villar (guest candidate) sa GO senatorial ticket noong 2007. Take note: magka-tropa sa majority bloc sina Villar (pro-tempore), at Legarda (majority leader) nakaraang 12th Congress, simula 2001 hanggang 2004. Balikan ang background ni Villar, ito’y palaging kaalyado ng MalacaƱang, simula kay Ramos hanggang pumasok si Gloria, katulad din ni Angara.

Kung ‘namana’ ni Villar ang Nacionalista Party (NP) at nabili ang ancestral house ni ex-Vice President Doy Laurel sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City noong Pebrero 2004 kahit walang blood line, hindi malayong masusungkit si Loren bilang running mate hangga’t nasa tabi si Edong. Kahit i-flashback ang nakaraan, mabibilang ang panahong nasa oposisyon si Loren. Kung sino ang ‘nagmamay-ari ng puso’ ni Sinta, ito’y magkakaalaman sa birthday (October 24) ng kanyang ina! (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: