Monday, February 2, 2009

feb 2 2009 abante tonite

Napahiyang solon bumawi, namudmod ng P500 load
(Rey Marfil)

Sa harap ng natikmang kantiyaw matapos mauwi sa ‘pasaload center’ ang Christmas Party noong nakaraang Disyembre, nagpakitang-gilas ang isang miyembro ng Kongreso at mistulang nagbabagong-bihis sa mata ng mediamen ngayong nalalapit ang eleksyon.
Nasaksihan ng TONITE Spy ang pagbabagong-anyo ng solon, katulad din sa pagkakabansag bilang numero unong hunyango sa pulitika at pagiging ‘balimbing’ o baliktarin ang pag-uugali sa mga kaibigang pinagkakautangan ng loob subalit iisa pa rin ang estilo dahil dinagdagan lamang ang halaga ng load na ipina-raffle nito.
Ang rason, nagpaka-galante ang solon sa harap ng mga reporter matapos mag-sponsor ng dinner taliwas sa mala-belekoy na handa noong nakaraang Pasko.
Hangaring makabawi ng solon at makaiwas sa intrigang hindi matanggap ang kamalasang sinapit ng kanilang grupo kaya’t nagmamaktol at nagmukmok sa isang tabi ito, humirit ng party ang kumag at nakatulong ang naglabasang blind item upang maging galante at ilabas ang mga naunang kinita sa pork barrel nito.
Tanging nakakatawang eksenang napansin ng mga kurimaw, hindi pa rin nagbago ng estilo ang solon matapos magpa-raffle ng load at lumalabas pang inisponsoran ng dalawang (2) higanteng telecommunications companies ang party, katulad din sa naunang Christmas Party ibinigay sa mga mediamen nito.
Bagama’t nagbabagong-anyo ang solon, katakut-takot pa rin na kantiyaw ang natikman sa hanay ng mga kurimaw dahil napaka-obsessed sa libreng load at nadagdagan lamang ng P200.00 ang naunang P300.00 load na ipina-raffle noong nakaraang Pasko.
Noong nakaraang Pasko, pawang tig-P300 load ang ipina-raffle ng solon at nagsilbing grand prize ang isang “pipitsuging kalan” na mabibili sa kanto kung saan kailangan pang magpakuha ng litrato, kasama ang sinuman sa staff para mabigyang katwiran ang panalo ng isang reporter dahil absent sa sariling Christmas Party ang mokong.
Matapos makantiyawan sa inihandang pa-raffle nang nakaraang Pasko, katulad ng mahiwagang kalan na nabili, mistulang napahiya ang solon kaya’t nagbigay ng ‘Pre-Valentine party’ sa mga reporter kahit dalawang linggo pa lamang ang nalalagas sa buwan ng Enero ngayong taon.
Sa pagkakataong ito, wala nang photo ops sa sinumang reporter na mananalo ng P500 load at hindi rin nagkaroon ng raffle dahil nakadikit sa ilalim ng upuan ang mapapanalunan ng mga ito. Higit sa lahat, tumaas ang level ng mambabatas dahil branded ang isang television set bilang grand prize taliwas sa naunang telebisyon na mukhang second hand mula Japan.
Clue: Kinakagat ng solon ang lahat ng mga naging kaibigan at nakatulong sa buhay kaya’t malapit nang madale ng ‘rabies’ ang kasakuluyang kinakasama sa pulitika. Kung senador o kongresista, ito’y kawangis ng utol ni Lotlot nagbida sa pelikulang “Halimaw sa Banga”. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: