Tuesday, February 10, 2009

feb 10 2009 abante tonite

Ino-operate si Noggie!
Rey Marfil


Kahit mga bituin sa kalangitan, hindi naniniwalang mananalong Presidente ‘Ang Bayaning isinusuka ng mga vendor’ -- si MMDA Chairman Bayani Fernando, ito’y malinaw sa prediksyon ni Jojo Acuin na ‘hin­ding-hindi magiging Presidente’ at lumalabas pang ‘pahirapan’ kung makakalusot sa senatorial race. Sabagay, mas nababagay ang katulad ni Bayani sa Marikina City, at least, sanay nang ‘binabambo’ ang mga constituents. Isa pang masamang prediksyon ni Mang Jojo: Malili­bing sa limot ang NBN-ZTE deal. Tuluyan ding malilibing sa limot ang fertilizer scam na kinasasangkutan ni Jocjoc Bolante, at naganap na nga! Higit sa lahat, ‘walang nakikitang magaganap na kasalan kina Korina Sanchez at Senador Mar Ro­xas ngayon’. Ibig sabihin, magiging ‘hallucination’ ni ex-Press Undersecretary (Usec.) Bobby Capco na inakusa­hang adik ni ex-PCSO consultant Robert Rivero ang pagsuot ng magarang barong sa Roxas-Sanchez nuptial!
Ang magandang prediksyon lamang ni Mang Jojo, malaki ang pag-asang makalaya ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV at hindi kailangan pang pagtalunan ang Senate Rules o kaya’y harangin ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang teleconferencing proposal ni Senator Ping Lacson. Ang prediksyon ni Mang Jojo: Malaki ang pag-asa ni Senator Antonio Trillanes IV na makalaya, sapagkat may isa akong tao na nakikita na tutulong sa nasabing senador. Tatangkain nitong mapag-isa sa layunin ang administrasyon ni GMA at ni Trillanes”. Ang tanong lamang: Sino ang taong gagawa nito?
***
Sa pinagtatalunang quorum, hindi kailangang umabot ng Supreme Court (SC) ang iringan kung walang ‘nag-iskul bukol’ sa Upper House. Naturingang anim (6) ang minority bloc, puro pagmumukha ni minority lea­der Aqui­lino ‘Nene’ Pimentel Jr., ang makikita sa session hall. Mantakin n’yo, pagkatapos mag-roll call, naglahong parang itik ang grupo ni ousted Senate President Manuel Villar Jr., as in nauuwi sa ‘Noted’ ang presensya ni Senador Prancaceus Francis Pangilinan, makalipas ang 10 mi­nutes. Mabuti pa nga si Senador Lito Lapid, kahit ‘kinakati’ kapag nagbababad sa session hall kung kaya’t madalas umeskapo, aba’y mala-Judiel, nag-aaparisyon kapag kailangang magtaas ng kamay sa floor, Hindi lang ‘hero’ kundi isang ‘savior’ si Leon Guerrero sa quorum!
Kapag pinasuri ang pagkuwestyon ni Tatay Nene sa quorum, ito’y hindi kasiraan ng majority bloc, bagkus inilaglag ang mga bagong katropa, aba’y puro kasama­han sa minorya ang kontrabida. Ito’y hindi nangyari sa panahon ni Villar bilang Senate President, dahil mismong minority bloc -- sina Senators Loren Legarda, Ping Lacson, Pong Biazon, Noynoy Aquino, Mar Roxas, at Jamby Madrigal-Valade ang ‘always present’. Ngayong naiba ang nagtitimon, nasaan ang katukayo ni Joselito Cayetano -- si Alan Peter, ito’y hindi mahagilap sa session hall gayong napaka-aga ng 3:00 o’clock session para magtinda ng balut at penoy.
***
Noong nakaraang linggo, tinangkang patalsikin si House Speaker Prospero ‘Noggie’ Nograles ng mga taga-KAMPI party, as in tatlumpong (30) Congressman ang ‘gumalaw’ at ginagamit ang pre-need scandal upang wasakin ang imahe ni Noggie gayong Charter Change (ChaCha) ang lehitimong agenda kung bakit nanggigigil sa House Speakership. Mabuti na lang, maagap ang mga katropa sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) at tapat sa Lakas-CMD kung kaya’t natunugan ang mga coup plotter, kung hindi, nabangasan ang mukha ni Noggie. In fairness kay Nograles, maging sa iba pang nabiktima ni Sto. Domingo Albay Mayor Celso delos Angeles, ito’y naghangad lamang kumita sa Legacy Group Consolidated dahil ‘double your money’ ang offer at nagkataong minalas kaya’t walang tubong nakuha si Noggie, maliban sa sama ng loob kay Angeles. At least, balik-taya ang P20M!
Kundi nagkakamali ang Spy, inakala ng mga ‘kaporal’ ni Camarines Cong. Luis Villafuerte sa KAMPI, mag-snowball ang pre-need scandal kay Noggie kaya’t gumalaw para patalsikin, katulad ng nangyari kay ousted Speaker Jose de Venecia Jr., Isa lang ang mala-Avelino Razon kung bakit gustong sipain si Noggie ng mga taga-KAMPI, ito’y ‘non-believer’ sa term extension ni Mrs. Arroyo at napilitang isulong ang economic provision upang hindi mapag-initan ng Palasyo, as in may katigasan ang ulo at dini-dribble ang Charter Change kung kaya’t nagwawala ang mga ganid sa extra term at patuloy pinagtatangkaan patalsikin dahil mas mabilis ang pagratsada ng ChaCha train patungong SC kapag kauri ni Villafuerte ang may hawak ng ‘magic gavel’. Sabagay, welcome sa oposisyon si Noggie! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: