Tuesday, February 3, 2009

feb 3 2009 abante tonite

Ibang klase sina Bentot at Janet!
Rey Marfil


Ngayong naisara ang fertilizer probe, ni sa panaginip ayokong isiping ‘aksaya-laway’ lamang ang deklarasyon ni Wow Dick Gordon na ipatawag ang lahat ng supplier, katulad sa napakaraming laway na sinayang sa public hearing. Mantakin n’yo, tanging may-ari ng Feshan Philip­pines -- si Julie Gregorio ang naisalang sa hot seat at ibi­naon sa limot ang isa pang supplier ng liquid fertilizer -- si Janet Napoles gayong malaki ang nakuhang fertilizer fund sa Department of Agriculture (DA) noong 2004 election, maliban kung turo ni Ferdie Maglalang na nagsisilbing guwardiya, as in ‘tagabukas at tagasara ng pintuan’ sa opisina ni Gordon ang pag-etsapuwera rito?
Noong nakaraang Disyembre, makailang-beses naglabas ng press release si Wow Dick at nagbantang ipapaaresto si Napoles dahil inisnab ang Senate blue ribbon hea­ring subalit naisarang lahat, hindi man lamang nai­salang si Napoles sa hot seat at puro pagmumukha nina Gregorio, Maritess Aytona, Marilyn Araos at Jimmy Paule ang naka­balandra sa komite. Take note: December 22 2008, nagbanta pa si Wow Dick na ipapaaresto si Napoles dahil pinagtatawanan lamang ang Senate hearing subalit kahit lubid na ipantatali, hindi man lamang naka­bili si Wow Dick para mabitbit si Napoles patungong Senate building.
Maliban sa Feshan Philippines, isa ang kumpanya ni Napoles sa kasapakat nina Mr. Suave, as in Jimmy Paule at Marites Aytona, as in pinagkunan ng liquid fertilizer na ‘minadyik’ naman ni JocJoc Bolante at ginawang pera para tustusan ang kandidatura ni Mrs. Arroyo noong 2004 election. Kaya’t nakakapagtakang nawala sa eksena si Napoles at hindi nagawa pang ipatawag sa public hearing gayong paulit-ulit ang bantang kakasuhan at ipapaaresto, maliban kung sadyang nakaugalian ang mag-aksaya ng laway sa hearing o meron din ‘nagmamadyik’ sa office ni Wow Dick tungkol sa listahan ng mga isasalang sa hot seat lalo pa’t milyones ang kinita ni Napoles?
***
Bago magkaubusan ng miyembro, bakit hindi isakri­pisyo ni dating Insurance Commission (IC) President Ben Santos ang sarili, sa pamamagitan ng pag-resign sa Rotary Club, aba’y hindi pa nakakaupong Presidente, mara­ming nababastusan at pinagsisihan kung bakit ibinoto ang dating opisyal, maliban kung absent si Bentot nang pag-aralan ang good manners and right conduct (GMRC) sa Grade 1 o kaya’y nagkamali ng turo ang titser tungkol sa kagandahang-asal kaya’t matatalas ang salitang lumalabas sa bunganga?
Sa ngayon, animo’y buhok na nakakalbo ang member­ship ng Rotary Club, as in simula nang manalong Pre­sidente si Bentot, panipis ng panipis ang organisasyon -- ito’y napakalayo sa diskarte ng dating amo sa Department of Finance (DOF) si ex-Secretary Cesar Purisima.
Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: paano napagtiyagaan ni Purisima na makasama sa meeting si Bentot sa panahong naglilingkod kay Mrs. Arroyo? Sabagay, kamuntikan pang umarkila ng banda ang mga empleyado ng Insurance Commission (IC) at pinagpiyesta ang araw ng lumayas si Bentot sa kanilang opisina.
Kundi nagkakamali ang Spy, mula sa 320, ngayo’y 270 miyembro ang natitira sa Rotary Club at asahan pang magkakaroon ng ‘mass resignation’ kapag tuluyang naka­upo si Bentot ngayong Hulyo lalo pa’t brusko at matalas ang bunganga, katulad ng reklamong natanggap ng inyong lingkod. Mabuti lang nagkaroon ng katapat si Bentot noong nakaraang linggo at nasampolan ang pag-astang Presidente sa Rotary Club gayong hindi pa naman nakakaupo ito. Hindi pa huli ang lahat upang ayusin ni Bentot ang kanyang bunganga, maliban kung sadyang kinalakihan ang pagiging bastos sa kasamahan? (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: