Kung anong talino sa numero at kunat sa pondo, ito’y kabaliktaran lahat kapag kausap ng isang presidentiable ang inarkilang media handler dahil puro tango at hindi marunong magsabi ng “No” na animo’y biktima ng ‘Dugo-Dugo Gang’ na na-hipnotismo at sunud-sunuran sa bawat ipag-uutos. Sa impormasyong nakalap ng TONITE Spy, maraming tauhan ang nababahala sa estado ng kanilang operasyon ngayong nakapasok ang dating opisyal ng Malacañang bilang handler ng presidentiable, patunay ang walang kapararakang paggastos sa pondo subalit iisang bulsa lamang ang bumubukol at final destination. Ang ipinagtataka ng mga kurimaw, abot sa kaalaman ng presidentiable ang mga pangongotong at lantarang pangra-raket ng ex-Palace official sa kanyang opisina, katulad ang paghingi ng napakalaking budget sa media operations subalit walang magawa at hindi makapagsabi ng katagang “No” sa bawat hinihinging alokasyon nito. Sa nagdaang panahon, makailang-beses nilayasan ang presidentiable ng mga inarkilang media handler at makailang-beses din nagpalit ng tauhan dahil napakakunat ng government official sa paglabas ng pondo kahit lehitimong gastusin ang inila-lobby sa mga magulang at kapatid nito. Kontrolado ng ina at kapatid, as in ‘family matters’ ang bawat sentimong inilalabas ng presidentiable kung kaya’t walang tumatagal na media handler dahil ‘pahirapan’ kung makahirit ng salaping ipanglalarga sa propaganda at iba pang media operations. Subalit ngayong pumasok si ex-Palace official, kahit walang kuwenta ang paggagastusan sa ‘media operation’, nagbago ng estilo ang presidentiable at ipinaglalaban sa ina at kapatid ang pangangailangan ng pondo kung kaya’t nababahala ang mga tapat nitong tauhan sa pinaggagawa ng kanilang amo. Ang masakit sa lahat, bulag at bingi ang presidentiable sa mga sumbong tungkol sa mga dispalinghadong galaw at desisyon ni ex-Palace official, as in binabalewala ang mga reklamong pinagkakakitaan lamang ang kanyang opisina at kinokotongan ang salaping inilalabas para sa propaganda o media operations. Clue: Masyado pang malayo sa katotohanan ang popularity rating ng presidentialbe at kontodo-kayod para umangat, sa pamamagitan ng pagmamatapang sa entablado kahit takbuhin at mahilig magtago sa saya ng ina habang nasamsaman ng ‘dahon’ sa airport si ex-Palace official, as in dating Undersecretary (Usec). Kung senador ang presidentiable, itanong kay ex-PCSO consultant Robert Rivero. (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment