Thursday, February 26, 2009

feb 26 2009 abante tonite

Nakuryente nga ba?
Rey Marfil


Sa pinakahuling survey ng Ibon Foundation, da­lawa (2) sa tatlong (3) Pinoy ang pabor sa ‘force eviction’ ni Mrs. Gloria Macapagal-A­rroyo, palabas ng Presidential Palace, katumbas ang 66.67% sa kabuuang 1,500 respondents. Take note: Ibon pa lang iyan, paano pa kung naging sisiw o kaya’y inahin ang pinag-uusapan? Sa malamang, kahit ipot, pabor sa pagpapatalsik sa misis ni Jose Pidal, kahit kasing-baho at dumi ang administrasyong Arroyo.
Ang nakakapagtaka lamang, bakit kailangan pang mag-survey at gastusan ng Ibon Foundation ang pag-pulso sa ‘eviction’ ni Mrs. Arroyo, gayong kahit rugby boys sa ilalim ng LRT station, pinangarap ding uma­yos ang kanilang buhay kahit natuyuan ang kamala­yan sa masamang kalaga­yan ng Pilipinas. Mantakin n’yo, 800 libong Pinoy wor­kers ang biktima ng global finan­cial crisis, as in nawalan ng trababo. Kahit ka­tropa nina Herodes at Pilato, hindi matu­tuwa sa gobyerno ni Mrs. A­rroyo kung araw-araw puro pagnanakaw at pangongo­misyon sa proyekto ang mis­yon sa departamento!
***
Katulad ng kasabihang ‘ang lumakad ng matulin, kung matinik ay malalim’, hindi kaya bubog ang tumagos sa talampakan ni Senador Manuel Araneta-Ro­xas II nang ibunyag ang P1.4 bilyong “bidding scandal” sa National Irrigation Admi­nistration (NIA) dahil wala pang final bidding, kaya’t may lusot ang mga taga-Department of Agriculture (DA)? Ni sa pana­ginip, ayo­kong isiping napra­ning lamang si ex-Undersecretary (Usec.) Bobby Capco sa mga dahong nasi­singhot sa kanyang environment o kaya’y nasubuan ng dispa­linghadong papel si ex-DepEd Secretary Butz Abad dahil trabaho bilang campaign manager ang mai­angat sa presidential survey si Mr. Palengke!
Bagama’t maganda ang intensyon ni Roxas, hindi ‘Mr. Suave’ ang pagkakatrabaho sa detalye, taliwas sa political ads noong 2004 campaign, maliban kung handang tayuan ang expose hanggang Senate blue ribbon committee. Subukang suriin ang report ng Bids and Awards Committee (BAC), ito’y nasa evaluation stage. Ibig sabihin, nasa post-qua­lification stage ang bidding process, alinsunod sa Republic Act 9184 o Government Procurement Act na inaprubahan ng Congress, as in wala pang nananalong bidder. Sa usapang reporter, hindi kaya ‘nakuryente’ sa NIA scandal expose si Mr. Palengke, katulad din sa inis­ponsorang Cheaper Medi­cine bill, aba’y P5.00 sa mga sari-sari store ang Bioge­sic. Nasaan ang bagsak-presyong gamot na ipinag­mamalaki ng boypren ni Ate Koring?
Pitong (7) kumpanya ang nagsumite ng letters of intent sa NIA bilang supplier ng mga hydraulic excavator at truck tractors bilang tugon sa invitation to bid noong December 2008, kinabibilangan ng Maxima Machineries Inc., Civic Merchandising Inc., Transport Equipment Corp. (TEC), Wilan Merchandising Phils., Transtar Corp., Internatio­nal Heavy Equipment Corp. (IHEC), at TKC Heavy Industries Corp. Ang tanong ng mga kurimaw: Alin sa pitong (7) kumpanya ang nilukuban ni Hudas Escariote at kaagad naamoy ang pagka­talo sa bidding?
Kundi nagkakamali ang Spy, nagsumite ng bid ang Civic, Maxima, TEC at IHEC noong Enero 19 at umatras ang Wilan at Transtar habang nanahimik ang TKC, as in hindi nag-submit ng bid at walang ipina­dalang letter of withdra­wal sa NIA. Naaprubahan ng NIA-BAC ang eligibility requirements ng Civic at TEC habang tablado ang Maxima at IHEC. Ang rason: Hindi nagsumite ng mga requirements, katulad ng registration sa Securities and Exchange Commission (SEC) at expired business permit ang ibinigay ng Maxima at expired din ang tax clea­rance ng IHEC. Ang masakit, na­ging ‘punching bag’ ang opisina ni DA Sec. Art Yap at nabugbog sa hilaw na expose ni Mr. Palengke, kahit itanong n’yo pa kay Kuya Noynoy! (www.mgakurimaw.blogspot.com).