Tuesday, February 17, 2009

feb 17 2009 abante tonite

Kahangalan ng GSIS!
Rey Marfil


Sa report ni United Nations (UN) Special Rapporteur on Extra-judicial, Summary or Arbitrary Execution, Philip Alston, humigit-kumulang 500 ang napapaslang sa Davao, simula 1998 at hanggang ngayon, walang nalulutas. Ibig sabihin, sikat pa rin sa patayan ang Davao City at walang ibang inginungusong salarin kundi ang tinaguriang Davao Death Squad (DDS) kaya’t hindi nakakapagtakang natabunan ang kaso ng pamamaslang sa dalawang (2) mediamen -- sina Ferdie ‘Batman’ Lintuan at Jun Pala kaya’t malaking katanungan kung anong ginagawang aksyon ni Mayor Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Ni sa panaginip, ayokong isiping natutulog sa pansitan ang mga taga-Commission on Human Rights (CHR) kaya’t hindi nababalitaan ang patayang nagaganap sa Davao, ma­liban kung takot din bumisita si CHR chairperson Laila de Lima? Sabagay, anong asahan kay De Lima, hindi ba’t ‘binanlawan’ ang PNP-NCRPO sa ginawang paghuli sa mga mediamen sa Makati Peninsula siege noong November 2009? Kaya’t huwag ipagtaka kung mauwi sa ‘whitewash’ ang imbestigasyon sa extra-judicial killings na nagaganap sa Davao. At sa ma­lamang, hindi lang bareta ang ipangkukula ni De Lima, ito’y gagamitan ng “powder with fabric conditioner” para maba­ngo ang pagkakalaba!
Hindi biro ang pondong inilaan sa ‘peace and order program’ ng Davao City, katumbas ang P450 milyon kada taon at kung hindi nagkakamali ang Spy, tinatayang P836.2 mil­yon ang annual budget ng Mayor’s Office ngayong taon. Sa madaling salita, 53% sa kabuuang pondo ang ginagastos para maging matahimik ang lungsod. Talagang ‘tatahimik’ nga ang Davao City, aba’y P1.2 milyon ang daily allocation sa peace and order program kapag kinuwenta ang P450 milyon sa loob ng 365 araw. Kung milyones ang “itinatapon” ni Mayor Digong para panatilihing tahimik ang Davao City, bakit wala pa ring tigil at hindi maresolba ang patayan sa lungsod, katulad sa napapabalitang 28-katao ang naitalang napaslang noong Enero 21, 2009 at posibleng lagpas trenta ngayon?
***
“Your regular dividend for year 2007 has been credited to your eCard ATM account -- a New Year’s gift from President Gloria Macapagal-Arroyo and your GSIS family’ -- ito ang text message ng opisina ni Mang Inton, as in GSIS Pre­sident Winston Garcia sa lahat ng government workers noong nakaraang buwan (Enero), animo’y pag-aari ng MalacaƱang ang dibidendong ipinamudmod sa mga kawani ng gobyerno. Hindi na nga maayos ang eCard system at delayed ang transaksyon, inaangkin pa nang mag-among sina Mang Inton at misis ni Jose Pidal ang kakapiranggot na benipisyong ipinagkaloob sa mga ito. Kailan pa naging pera ni Mrs. A­rroyo ang kontribusyon ng mga miyembro?
Kundi ba naman hangal at saksakan ng ‘engot’ ang nag-isip ng ganitong gimik, aba’y paano magiging ‘New Year’s gift’ ang 2007 dividend, gayong pinaghirapan ng mga go­vernment workers ito? Isa lang ang malinaw sa kaisipan ng mga nag­lipanang kurimaw sa hallway ng GSIS, sadyang matakaw sa kredito ang mag-amo. Mantakin niyo, sa halip gumaan ang pakiramdam ng mga GSIS members dahil naka­tanggap ng dibidendo, lalo pang isinusumpa ang pamamalagi ng mag-amo sa gobyerno dahil lantarang pinabobola at niloloko sa nakuhang bonus. Higit sa lahat, wala ring karapatang magpakilalang ‘ka-family’ ang mga big boss ng GSIS dahil ‘walang puso’ kung ikukumpara ang tinatamasang bene­fits at allowances.
Isa pang kahangalan ng GSIS ang personal appearance ng mga senior citizen members para makubra ang monthly bene­fits. Kung sinong napakabugok na nag-isip nang ganitong ‘formula’, ito’y dapat ipinapa-kidnap sa Abu Sayyaf at huwag nang tubusin upang wala nang pahirapan pang GSIS member. Mantakin niyo, ilan ang nadisgrasya at namatay sa GSIS Compound dahil kailangan pang lumuwas ng Maynila mula Basilan at Apayao ang isang uugud-ugod na retira­dong public school teachers para lamang makubra ang P4 libong monthly benefits? Bakit hindi ilapit sa mga miyembro ang serbisyo, maliban kung saksakan ng sadista si Mang Inton at natutuwang guma­gapang sa hirap ang mga miyembro bago makuha ang kanilang benipisyo? Sabagay, ganyan din ang attitude ni Mrs. Arroyo, habang nasa poder, pa­tuloy ang pasakit ng samba­yanang Pilipino. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: