Sa nangyayaring canvassing sa Batasan, ngayon ang tamang panahon para gamitin ang katagang “noted”, aba’y puro pasaway ang mga itinalagang miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) at lahat nagpi-feeling computer expert gayong hindi malaman kung paano gamitin ang mouse -- ito ang malaking rason kung bakit napakabagal ng bilangan.
Ayokong isiping hindi ‘makapag-move on’ si outgoing Cong. Teddy Locsin sa pagkatalo ng kanyang misis sa congressional race, aba’y gusto pang ibalik sa manual ang eleksyon sa 2013 gayong ito mismo ang promotor ng poll automation.
Ang ipinagtataka ng mga kurimaw, isang matalinong tao si Locsin kaya’t nakakapagtakang pinatulan ang script ni Koala Bear, sampu ng ‘crying babies’ na nagrereklamo ng election fraud dahil talunan sa gubernatorial at congressional race, maliban kung pinalitan ni Locsin ng ‘committee on crying and suffering’ ang chairmanship?
Suriin ang listahan ng mga ‘reklamador’ sa Batasan Complex, kahit araw-araw pang magpatawag ng eleksyon si Comelec chairman Jose Melo, isang malaking kalokohan kung mananalong alkalde ng Quezon City si Congw. Annie Susano -- ito’y paulit-ulit ding pakakainin ng alikabok ni Bistek, as in Mayor-elect Herbert Bautista.
Bago pa man mag-eleksyon, malabo pa sa sabaw ng pusit ang popularity ratings ni Susano, katulad din ni ex-presidential chief of staff Mike Defensor, maging ng kanyang amang si Cong. Matt Defensor.
Kung tutuusin, dapat kasuhan ng Comelec si Susano dahil nasa kostudya nito ang ilang piraso ng flash card, isang ebidensyang magpapatunay na pinakialaman ang PCOS machine sa araw ng botohan.
Ibig sabihin, alam ng kahit sinong kandidato ang estado ng kampanya at ramdam ang kahihinatnan ng karera, maliban kung puro ‘utu-uto’ kaya’t paniwalang naisahan?
Isa pang nagpapatawa sa Lower House -- si ex-DENR Sec. Joselito ‘Lito’ Atienza Jr., aba’y feeling mananalo kay Manila Mayor Alfredo Lim kaya’t sumisigaw ng dayaan.
Kahit lunurin sa bulaklak ni Atienza ang mga taga-Maynila, hindi mangangamoy bagong pitas lalo pa’t matagal nang nalanta.
Hindi ‘bopols’ ang mga botante sa Maynila kung inakalang makakalimutan ang pagiging ‘political butterfly’ ni Atienza.
Mantakin n’yo, pagkatapos abandonahin si Erap Estrada at magpa-appoint sa misis ni Jose Pidal sa MalacaƱang, hindi pa kasama diyan ang walang katapusang pag-aktong spokesman ni Mrs. Gloria Arroyo, mapa-government policy o kaya’y ZTE scandal, ito’y balik sa poder ni Erap dahil walang masilungan at itiniwalag sa Liberal.
Kahit rugby boys sa ilalim ng Arroceros LRT Station, naiintindihan kung paano nagpalipat-lipat ng bakuran si Atienza pagkatapos simsimin ang talulot ng administrasyong Arroyo at Estrada.
Kaya’t payong reporter kay Atienza, mas makakabuting tanggapin ang hatol ng mga taga-Maynila!
***
Napag-usapan ang mga ‘iyakin’ sa Lower House, ganito rin ang sitwasyon ni Surigao Governor Ace Barbers, hindi matanggap na mas tigasin ang pamilya Matugas.
Isang malaking kalokohan ang reklamong dayaan gayong incumbent official.
Hindi kailangang Mapua graduate para maintindihan ang pagkatalo ng ‘Barbers Brothers’, ito’y kinapos sa numero at sobrang kumpiyansa kaya’t umuwing luhaan, hindi sa anumang rason at kadahilanan.
Ibig sabihin, kailan pa nagpadaya ang mga kampon ni Mrs. Arroyo at sino’ng may hawak ng makinarya o resources kapag election fraud ang isyu, simula sa paghawak ng pondo hanggang command votes, hindi ba’t administrasyon?
Bilangin ang mga kongresistang uma-attend sa public hearing ng ‘committee on crying and suffering’ ni Locsin, ito’y puro talunan, as in 4% lamang ang nanalo.
Ayokong isiping napaka-bias ng Lower House, kung patas ang imbestigasyon, bakit hindi pagsalitain at ipatawag sa public hearing ang mga tumalo sa nagrereklamong kongresista at gobernador, maliban kung sinadya ni Locsin ang imbestigasyon upang i-delay ang proklamasyon sa vice presidential race lalo pa’t hindi si ‘Naybi’ ang kanyang manok? Lingid sa kaalaman ng nakakaraming Filipino, ‘nagkasolian ng kandila’ ngayong eleksyon ang magkaibigan dahil nilagyan ni Mayor Jejomar Binay ng kalaban ang misis ni Teddy Boy ! (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment