Wednesday, June 9, 2010

Hunyo 09 2010 Abante Tonite

Matandang solon, nagpapraktis dumaldal
Rey Marfil

Hindi pa man nakakaupo sa bagong posisyong inuukupahan, kaagad nakitaan ng ma­tinding pagka-bad trip ang mga makakasama sa trabaho matapos magpasiklab sa daldalan ang isang matandang miyembro ng Kongreso.

Nasaksihan ng TONITE Spy kung paano nagpraktis magdadaldal sa isang political event ang matandang solon, patunay ang pang-aagaw eksena, katulad ang walang katapusang pag-iingay sa floor at puro boses ang umaali­ngawngaw sa kuwarto.

Sa dami ng mga pagkuwestyon ng matandang solon, hindi maiwasang ma-bad trip ang mga makakasama sa trabaho pagpasok ng Hulyo 1 dahil posibleng makaagaw ng oras ito.

Sa dating sangay ng gobyernong kinabibila­ngan ng matandang solon, ito’y kinaiinisan din ng mga kasamahan dahil puro daldal ang inaatupag ng mokong at palaging may tanong kahit napakasimpleng isyu ang topic sa floor.

Ngayong malilipat sa ibang sangay ng gobyer­no, animo’y pinagpapapraktisan ng matandang solon ang bagong opisina, katulad ang walang katapusang pagkukuwento at pag-iingay sa bagong office na ikinairita ng mga makakasama sa trabaho.

Naging ugali ng matandang solon ang gumawa ng sariling kuwento para makasingit sa debate o kaya’y interpellation, animo’y nagwa-water-water kapag nakakakita ng cameramen at photographer sa floor.

Bagama’t walang isyu, mistulang taga-Tayuman ang matandang solon dahil “tayo ng tayo” sa floor para magtanong kung kaya’t nagtataasan ang kilay ng mga magiging ka-housemate dahil “Boy Bida” ito.

Isa sa mga tinaguriang “Mulaway” ang matandang solon kung saan nagtatalsikan ang saliva sa floor, as in sobrang hilig dumaldal sa bawat press conference, maging sa debate at interpellation.


Clue: Madaling makilala ang matandang solon dahil puro boses ang ma­ririnig sa radyo ngayong canvassing. Kung kongresista o senador, ito’y binansagang “Boy Flashback” dahil mala-Gregorio Zaide kapag binabalikan ang lahat ng background at nakaraan.

(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: