Monday, June 28, 2010

Hunyo 28 2010 Abante Tonite

Paambagin si Mike!
Rey Marfil


Ang original plan, bibisitahin ni President-elect Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III ang puntod ng kanyang mga magulang sa Manila Memorial Park, ito’y binago, alinsunod sa pakiusap ng ilang kaibigan.

Ang latest development at napagkasunduan: magmumula si Aquino sa kanilang bahay sa Times Street, West Triangle, Quezon City para sunduin si outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang at sabay ang dalawang sakay ng limousine patungong Quirino Grandstand sa Luneta Park.

Tanging driver lamang ang makakaalam kung magsisikuhan sa loob ng sasakyan ang ‘mag-Mam’. Take note: dating professor ni Aquino si Mrs. Arroyo sa Ateneo.


Kung mga kurimaw ang tatanungin, tamang alisin sa iskedyul ni Aquino ang bumisita sa puntod ng mga magulang. Subukang i-flashback ang nangyari kay ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada, ito’y dumalaw sa puntod ng ama bago nagtungo ng Malacañang para sunduin si ex-President Fidel Ramos, hindi ba’t kamuntikan pang nasilat sa unang araw ng panunungkulan kung hindi nailagan ang chandelier na bumagsak?

Ang ending ng ‘Erap regime’, ito’y nasibak at naghimas ng rehas. Mabuti na lang, magaling ang boss ni DILG Assistant Secretary (Asec) Bryan Yamsuan, nabigyan ng pardon ni Gloria kaya’t malayang nakakapaglamyerda ngayon si Erap.

Kung hindi nagkakamali ang Spy, ipinayo kay Aquino ng isang feng shui expert na agahan ang pagbisita sa puntod nina dating Pangulong Corazon at Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., kaya’t ‘na-advance’ ng isang araw.

Ayokong isi­ping masamang pangitain ang bumisita sa puntod bago ang inaugural subalit walang mawawala kay Aquino kung makinig sa payo ng mga nakakatanda lalo pa’t ‘nasusulat at nababasa’ ang nangyari kay Erap.
***

Napag-usapan ang inauguration rites, ayokong isiping ‘ini-spin’ ng Malacañang ang malaking gastusin sa pagkumpuni ng Quirino Grandstand gayong baryang maituturing ang P200 milyon sa multi-bilyong pisong tumatagas sa tax collection ng pamahalaan, maging sa bilyones na naisusubi ng mga taong ‘mala-Lastikman’ ang arrive, as in ‘humahaba ang kamay’ kapag nakakakita ng pagkakakitaan.

Kung hindi nagkakamali ang Spy, huling nakumpuni ang Quirino Grandstand sa Centennial Celebration noong June 12, 1998. Huling nagamit ang Quirino Grandstand sa inauguration rites ni Tabako, as in ex-President Ramos noong June 30, 1992.

Tandaan: Hindi rin naisailalim sa rehabilitasyon ang Quirino Grandstand noong 1998 dahil ‘dramatic entrance’ ang script ni ex-President Estrada, ito’y nanumpa sa Barasoain Church, Malolos Bulacan.

Nang maupo si Mrs. Arroyo noong January 2001, sa pamamagitan ng Edsa Dos, ito’y nanumpa sa Edsa Shrine at ginanap din ang ikalawang oathtaking noong June 30, 2004 sa Cebu Provincial Capitol, Cebu City bilang pagkilala sa suporta ng mga Cebuano. Kung nandaya o lehitimo ang nakuhang boto ni Mrs. Arroyo sa Cebu, ta­nging sina Hello Garci at Gov. Gwen Garci ang nakakaalam.


Kung susuriing mabuti ang pagkumpuni ng Quirino Grandstand, dapat mag-ambag sa gastusin si El Shaddai leader Bro. Mike Velarde, aba’y ilang taong pinagpasasaan ang Luneta Park bago nakabili ng paglilipatang lugar.

Kalokohan kung nawala ang bisa ng katagang ‘siksik, liglig at umaapaw’? Sa mahabang panahon, ginawang isang simbahan ng El Shaddai ang Quirino Grandstand at kahit pa sabihing nagbabayad ng renta at nililinis ng mga ‘followers’ ang lugar pagkatapos ng ‘preaching’, kahit rugby boys, hindi maniniwalang sinisingil ng naayon sa ‘rate card’ at walang nasirang halaman sa panahong pinagpapasaan ang Luneta Park.



(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: