Kung kailan nabibilang sa maliliit na daliri ang pananatili sa MalacaƱang, biglaang dumami ang adviser ng misis ni Jose Pidal at gusto pang ma-extend ang serbisyo sa pamahalaan, aba’y kung sinu-sino ang nagbibigay ng payo kay President-elect Noynoy ‘P-Noy’ Aquino, kesyo ganito ang dapat gawin kapag nag-office sa tabi ng Borloloy House, animo’y nagmamagaling at nagpaparamdam na bigyan ng trabaho.
Kundi ba naman mga gunggong, sino ba sila para pakinggan ng bagong administrasyon at bakit hindi pinayuhan ang kanilang amo sa nagdaang panahon, hindi sana nauwi sa malaking corruption ang administrasyong Arroyo.
Ang nakakatawa -- si outgoing Defense Secretary Norberto Gonzales, aba’y ipinanawagan ang katapatan ng mga sundalo sa Konstitusyon at inuupakan ang demoralisasyong lilikhain kapag sinibak si AFP chief of staff Delfin Bangit subalit mismong gabinete ang nang-iintriga sa AFP leadership, gamit ang alegasyong nagsasagawa ng ‘loyalty check’ ang incoming administration. Take note: mismong si Mang Norberto ang nanawagan kay ex-Defense Secretary Gibo Teodoro na sumama sa oposisyon -- ito’y hindi gawain ng isang Defense secretary kundi ng isang pulitiko. Nasaan ang ipinangalandakan ni Mang Norberto na ‘non-partisan’ ang kasundaluhan?
Hindi lang iyan, pinapalagan ni Mang Norberto ang pag-appoint ng bagong AFP chief of staff (COS) ni P-Noy gayong malinaw sa kanyang kamalayan ang katotohanang karapatan ng isang Pangulo ang mag-appoint at magsibak ng tao.
Higit sa lahat, paanong ipagkakatiwala ni P-Noy ang kanyang administrasyon kay Bangit kung ‘super closed’ kay Mrs. Arroyo, maliban kung nasobrahan sa kain ng saging si Mang Norberto sa Venable scandal hearing sa Upper House kaya’t napunta ang lahat ng calcium sa ulo, hindi sa tuhod?
***
Napag-usapan ang mga nagmamarunong, isa pang nakakadismaya si Atty. Koko Pimentel, aba’y ipinagpipilitan kay P-Noy si Vice President-elect Jojo Binay bilang DILG secretary at meron pang press release na “DILG or Nothing”.
Isang bar topnotcher si Atty. Koko at kalokohan kung hindi naiintindihan ang katagang ‘prerogative’ na sinasandalan ng isang Pangulo. Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘namunga ng mangga ang santol’, aba’y napakalayo sa amang si Senator Nene Pimentel -- ito’y mahinahon at pinag-iisipang mabuti ang bawat katagang lumalabas sa bunganga kaya’t meron isang Senate staff ang nagkomentong makatwiran lamang na dinaya ito.
Nakakalungkot ang ganitong kuwento lalo pa’t napakahalaga ang bawat boto at walang kapatawaran ang pandaraya sa eleksyon subalit hindi masisisi ang publiko kung nakikitang wala sa ayos ang bibig ni Koko.
Ang unang dapat pagkaisipin ni Koko, desisyon ng isang Pangulo kung sino ang pagkakatiwalaan sa gabinete kaya’t walang karapatang humingi ng posisyon ang kanyang kliyente, maliban kung puntiryang mag-undersecretary (Usec) kaya’t ‘nagwater-water’ sa DILG lalo pa’t posibleng tumakbong senador sa 2013 at napi-predict ang kawalang pag-asang manalo sa election protest?
Ang hindi nalalaman ni Koko, wala sa ugali ni P-Noy ang nagpapadikata sa kung sinong Pontio Pilato kaya’t mas lalo lamang ipinahamak ni Binay ang sarili sa pag-iingay ni Koko.
Ibig sabihin, huwag nang umasa ng himala si Naybi dahil walang “DILG post” na naghihintay kung katulad ni Koko ang umaastang microphone!
Isa pang nakalimutan ni Koko, napakaimposibleng ipagkaloob ni P-Noy ang DILG post kay Binay lalo pa’t natalo si Mar Roxas -- ito ang unang haharang, gaano man kaputi o kaitim ang balakin ni Binay. Kung ‘di nagkakamali ang Spy, inalok ni P-Noy ang DILG post kay Binay bago pa man magsumite ng certificate of candidacy sa Comelec. Kung ganito rin ang pangarap ni Binay, bakit pa nilabanan si Mar? Sa simpleng explanation, isang malaking kalokohan kung tatarantaduhin ni P-Noy si Mar ngayong nananangis sa Cubao.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment