Kung marami ang umaastang ‘computer experts’ sa Batasan, ‘di hamak na mas marami ang nagpi-feeling medical doctor at anti-smoking advocates upang pagbawalang manigarilyo si incoming President Noynoy Aquino.
Sa dami ng problema ng Pilipinas, mas pinagkakaabalahan at ginagawan ng ingay ng mga kumag ang paninigarilyo ni Aquino gayong hindi naman sagabal sa kanilang trabaho.
Ika nga ni Manong Johnny Enrile, kung saan ‘happy’ si Noynoy, hindi dapat pinagbabawalan sa kanyang bisyo hangga’t walang piniperwisyo at iniistorbo.
Bagama’t may punto ang grupong nag-iingay dahil masama sa kalusugan ang paninigarilyo at posibleng mapadali ang buhay ng isang tao, ito’y ‘noted’ naman kay Noynoy.
Higit sa lahat, hindi naman nanghihingi ng pangyosi si Noynoy sa mga kritiko at lalong hindi nangungutang sa tindahan upang tustusan ang bisyo o kaya’y nakikisindi sa kanilang posporo.
Ang sablay lamang, pinupuwersa si Noynoy at gawing ora-mismo ang aksyon gayong kahit sinong doktor, hindi ipapayo ang biglaang pagtigil sa paninigarilyo dahil merong epekto ito.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga taga-Tarlac ang paninigarilyo ni Noynoy, maging sa 15 milyong Pinoy na bumoto kay Noynoy ngayong eleksyon kaya’t hindi dapat gawing ‘big issue’ ng mga grupong nagmamalinis sa sarili ang paninigarilyo ni Noynoy kung mismong sarili hindi marendahan na magnakaw ng pondo at iba pang makamundong bisyo.
Sa mismong campaign sortie sa Cebu, nakunan ng Freeman -- isang local newspaper ang paninigarilyo ni Noynoy subalit hindi itinago ng utol ni Kris Aquino, malinaw ang pagiging totoo sa sarili, hindi katulad ng ilang natalong presidentiables at vice presidentiables, animo’y model ng Tupperware sa sobrang plastic.
Ngayong pinag-iinitan ang paninigarilyo, katulad ang alegasyong ‘adik sa yosi’ ang susunod na Pangulo, alin ba ang masama sa mga Pilipino -- ang maging adik sa kapangyarihan o adik sa paninigarilyo?
Lingunin ang kasalukuyang administrasyon, hindi ba’t kaliwa’t kanan ang ‘midnight appointment’ at ‘midnight fund releases’?
Hindi lang iyan, kahit sinong hardinero ang tanungin sa palasyo, nalalaman kung sino ang ‘adik sa alak’, as in magdamagang tumutungga kapag pinuputakte ng problema ang kanilang administrasyon dahil pansamantalang nakakalimutan ang pressure, kahit itanong n’yo pa kina Gloria at Erap.
Ibig sabihin, mas masahol ang pagiging lasinggero ng isang Pangulo kaysa sa paninigarilyo. Take note: walang ibang bisyo si Noynoy -- ito’y hindi umiinom, maliban sa pagkahilig sa Coke. At lalong hindi pagnanakaw ng pondo at pagka-casino ang dibersyon kapag walang trabaho kundi makipagtumbukan sa billiard table at pagsali sa shooting competition.
***
Napag-usapan si Noynoy, nakakalungkot isiping hindi pa napapangalanan ang ire-retain sa posisyon, ito’y pinagtutulungang gulpihin ng ilang grupong uhaw at atat sa kapangyarihan, katulad ni Department Foreign Affairs (DFA) Sec. Bert Romulo, ni minsan hindi pa nabanggit ni Noynoy sa press conference subalit pinag-uupakan ng isang grupong naghahangad sa kanyang posisyon.
Matindi ang insecurity kay Romulo ng isang grupo dahil malaki ang tsansang ma-retain sa DFA. Tandaan: nag-offer ng resignation at pinasisibak si Romulo dahil namumukod tanging gabinete ni Mrs. Arroyo ang harapang sumuporta kay Noynoy sa panahong nagbabalak pa lamang tumakbong Pangulo ito.
Mantakin n’yo, pati closeness ng mga anak ni Manong Bert sa Aquino sisters, ito’y binigyang-kulay ng isang grupo dahil merong gustong ipasok sa departamento.
Sa kaalaman ng publiko, inaanak sa binyag ni ex-President Cory Aquino ang isa (Lupe) sa mga Romulo at nagsimula ang political career ni Mang Bert sa panahon nito.
Take note: parehong lumaki ng Tarlac sina Mang Bert at Ninoy Aquino at magkakilala, simula 1960’s.
Hindi lang iyan, isa pang anak ni Mang Bert ang malapit kina Ballsy at Pinky -- si Agriculture Usec. Berna Romulo-Puyat.
At nagtrabaho sa RTVM ang isa pang anak ni Mang Bert -- si Mons -- sa panahon ni Cory.
Kung sakaling bigyan ng panibagong puwesto ang mga Romulo, walang masama kung tapusin ang career sa isa pang Aquino lalo pa’t mahalaga sa bawat Pangulo ang kung sino ang pinagkakatiwalaan sa trabaho. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment