Sa pitong araw na pananatili ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo, ito’y nag-iwan ng P3 bilyong ginastos sa foreign trips, simula taong 2001 kaya’t malaking tanong kung natumbasan ng investment ang multi-bilyon pisong winaldas.
Sa lahat ng biyahe, pinakamalaking ginastos ng misis ni Jose Pidal ang US trip, hindi ba’t naging kontrobersya ang maluhong dinner ng Philippine delegation sa Le Cirque sa New York City noong Agosto 2009 at inako ni Leyte Cong. Martin Romualdez upang i-divert ang eskandalo?
Sa report, nakapag-uwi si Mrs. Arroyo ng 579.8 milyong investment mula Middle East; Europe, $185.4 milyon; at United Arab Emirates, $375.4 milyon noong 2008. Ilan pang binisita ni Mrs. Arroyo ang Korea, Japan, Australia, New Zealand, Thailand, Russia at China. Sa taong 2001, nakapagtala si Mrs. Arroyo ng P129,028 milyon; P72,088 milyon (2002); P74,814 milyon (2003); P96,604 milyon (2004); P139,947 milyon (2005); P343,204 milyon (2006); P553,993 milyon (2007); P521,054 milyon (2008); P891,015 milyon (2009) at P30,380 milyon (2010), hindi pa kasali ang 3-day economic forum sa China, simula June 9.
Sa pagpasok ni President-elect Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III, asahang laglag ang balikat ng mga biyaherong solon na nakasanayang magpa-reimburse ng per diem, sa pangunguna ng kongresistang nagbibitbit ng apo at kabit sa foreign trip, aba’y mabibilang sa daliri ang dadaluhang forum at state visit.
Sa kabuuan, hindi apektado ang Malacañang Press Corps (MPC) kahit pa limitahan ni Aquino ang pag-a-abroad dahil hindi naman pinagbibiyahe ng kanilang boss. Ang masakit sa lahat, kakumpetensiya pa ng Malacañang-based reporter ang sariling boss kapag US trip o kaya’y Europe.
***
Napag-uusapan ang ginastos ni Mrs. Arroyo sa abroad, ito’y kabaliktaran sa madadatnan ni Aquino -- isang halimbawa ang Office of the Press Secretary (OPS).
Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘itinakas’ ng ilang tiwaling tauhan ang mga kagamitan, aba’y tanging apat na video camera ang gumagana sa Radio Television Malacañang (RTVM) at nag-uumapaw sa staff.
Mantakin niyo, humigit-kumulang 100 ang tauhan ng RTVM subalit ilan dito’y hindi mapakinabangan.
Kaya’t maraming ipapaliwanag si director Milton Alingod kay newly RTVM chief Lito Nadal kung bakit walang matinong kasangkapan ang kanyang opisina.
Katarantaduhan kung walang tauhan ang kumikita sa pagrerenta ng camera sa labas ng Malacañang lalo pa’t libu-libo ang ibinabayad!
Hindi lang iyan, sa walong photographer ng OPS -- ito’y hiwalay sa presidential photographer na binuo ni Jerry Carual -- ang chief photographer ng misis ni Jose Pidal, nadiskubreng tanging dalawang tauhan lamang ang merong camera.
Nang tanungin kung paano nagtatrabaho lalo pa’t napaka-busy ng iskedyul ni Mrs. Arroyo sa loob at labas ng Malacañang, isang katagang ‘naghihiraman’ ng official statement ang bawat isa.
Kaya’t maraming rerebyuhing dokumento si Jay Morales, chief photographer ni Aquino, simula July 1 dahil malaki ang ‘developing charge’ at kailangan pang tumakbo ng Quiapo para magpa-print ng litarato ang Malacañang at ‘exposed’ sa ibang tao ang mga kuha!
Ang pinakamasakit sa buhay ng isang tao ang manghiram ng gamit kaya’t huwag ikagulat kung mangayayat si Morales sa unang tatlong buwan sa Malacañang.
Take note: Problema pa lamang ng presidential photographer ang pinag-uusapan, hindi pa kasali ang iba’t ibang departamentong nag-uumapaw sa katiwalian.
Paano pa kaya kung magsimula ang ‘inventory’ ni Aquino sa lahat ng government gadgets, sa malamang ‘tinga’ lang ang problema ng OPS?
At kung ganito ang dadatnan sa Palasyo, mapapadalas ang pagtambay sa maligamgam ni assistant photographer Ryan Lim.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment