Hindi lamang malaking dekorasyon kundi papansin sa bawat press conference ang isang natalong senatoriable, kalakip ang hangaring makunan ng sound bite ito.
Nasaksihan ng mga kurimaw, sa pangunguna ng TONITE Spy kung paano nagpapansin sa bawat press conference ng natalong presidentiable ang isa sa labindalawang senatoriables, katulad ang pagtawa ng malakas o kaya’y pagpakalat-kalat sa likurang bahagi ng venue.
Bagama’t parehong talo ang mag-amo, nagagawa pa ring magpatawag ng press conference ang natalong presidentiable kung saan patuloy na “umeepal”, as in pumapapel at nang-aagaw eksena ang talunang senatoriable.
Sa hindi mabilang na pagkakataon, mapakampanya hanggang ngayon, ayaw pa ring tantanan ng talunang senatoriable ang pagpapa-cute sa media, katulad ang pagpapapansin sa presscon.
Walang nagtitiyagang kumausap at mag-interbyu sa talunang senatoriable kaya’t nakaisip ng bagong gimik sa presscon, sa pamamagitan ng pagala-gala sa venue para mapansin.
Kapag hindi umubra ang pagpakalat-kalat sa venue, nakikitawa ng malakas ang talunang senatoriable kahit hindi naman nakakatawa ang joke o biro ng natalong presidentiable kaya’t hindi maiwasang ma-bad trip ng mga mediamen lalo pa’t nakakaistorbo ito.
Hindi lang iyan, animo’y meron pang sakit na tuberculosis (TB) ang talunang senatoriable dahil umuubo ng malakas para mapansin ng media kahit wala naman itong sipon o hindi nagkaka-running nose.
Sa kabila ng mga drama ng talunang senatoriable, hindi pa rin umubra sa mga mediamen ang pag-ubo at pagtawa ng malakas dahil abot sa kanilang kaalaman na nagpapapansin lamang ang kumag.
Clue: Isa sa tinaguriang “trapo” ang talunang senatoriable dahil kinagat sa leeg ang natalong presidentiable at bumalik lamang sa poder ng dating amo ngayong eleksyon nang walang masilungan. Kung dating senador o bagong salta sa pulitika, ito’y meron letrang “K”, as in “Kita, kits” sa bawat pag-ingay.(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment