Kahit magta-tumbling sa entablado ang isang kandidato para manalo, ito’y magsasayang lamang ng oras at pagod, malinaw ang kaso nina Serge Osmeña, Lito Lapid at TG Guingona ngayong election.
Mantakin n’yo, kahit nakaligtaang bitbitin ng Iglesia Ni Cristo (INC) at hindi man lamang nag-aparisyon sa campaign sorties ni incoming President Noynoy Aquino, lumusot si Sergio.
Kung susuriin ang sitwasyon, lumalabas pang utang na loob kina Mar Roxas, Jamby Madrigal at Dick Gordon ang pagkakapanalo ngayong eleksyon, aba’y parehong napaniwala ng tatlo ang sarili na mananalo sa tinakbuhang posisyon kaya’t hindi humirit ng 2nd term.
Kung nag-reelect sina Madrigal, Roxas at Gordon, siguradong laglag sa Magic 12 sina Osmeña (No. 10), Lapid (No. 11) at Guingona (No. 12) lalo pa’t mataas ang ratings ng tatlo dahil incumbent senators ang mga ito.
Mabuti na lang mataas ang lipad ng tatlong senador dahil kung nagkataon, magbubungkal ng lahar si Leon Guerrero dahil walang babalikang puwesto sa Pampanga at ayaw ni “Senator Alex Marcelino” na magdirek ng porno films lalo pa’t hindi nauso ngayon ang double picture sa Quiapo at Recto.
Ang pinakamasamang senaryo, mawawalan ng tagapirma sa Senate lounge sina Nino at Estong pagsapit ng tanghalian at dapit-hapon.
***
Napag-usapan ang eleksyon, lingid sa kaalaman ni Aquino, isa sa talunang presidentiable ang ‘mastermind’ sa lahat ng panggugulo sa canvassing -- ito ang kumikilos nang palihim upang idiskaril ang maagang proklamasyon at palabasing nagkaroon ng malawakang dayaan upang pagdudahan ng publiko ang resulta ng eleksyon.
Ang nakakalungkot lamang, maituturing na isa sa kaibigan ni Aquino ang talunang presidentiable subalit sinapian ng masamang espiritu kaya’t kung anu-anong kabuwangan sa kukote ang sumasagi sa isipan nito.
Hindi natin babanggitin ang pangalan pero hindi mapagkakaila ang ‘special operations’ na ginagawa ng talunang presidentiable sa canvassing ng Kongreso.
Nakaraang June 2 (Miyerkules) nasaksihan ng mga kurimaw kung paano kinausap at inarkila ng talunang presidentiable ang serbisyo ng isang organizer upang mag-mobilize ng raliyista sa loob at labas ng Batasan Complex.
Nangyari ang abutan ng pera sa tagiliran ng South Wing, ito’y nakapaloob sa isang sobre. Kung ‘di nagkakamali ang Spy, nagkakahalaga ng P500 libo ang down payment ang ibinigay ng talunang presidentiable.
Katulad ng napag-usapan, kinaumagahan (June 3) nagpatawag ng press conference sa isang ‘historical restaurant’ ang organizer at inaakusahang nandaya si Aquino subalit walang kumakagat sa gimik ng talunang presidentiable dahil walang mediamen ang pumapatol sa alegasyong ‘digital President’ ang utol ni Kris Aquino.
Kaya’t asahang guguluhin ang araw ng proklamasyon ni Aquino ngayong linggo, sa pamamagitan ng paghahakot ng mga demonstrador sa labas ng Kongreso.
Take note: unang ikinunsiderang mag-concede ng talunang presidentiable subalit pinigilan ng asawa dahil ipina-feng shui at sinasabing mananalo kahit kakapiranggot ang boto, ayon sa galaw ng mga planeta at bituin.
Hindi nag-iisa ang talunang presidentiable, ito’y meron pang dalawang kasapakat sa hanay ng mga natalong presidentiables, isa rito’y kumalas sa ‘blood compact’ dahil nakitaan ng sapak sa pag-iisip ang isang kasamahan, as in wala sa hulog ang mga deklarasyon sa media.
Maliban sa dalawang kasamahang presidentiables, kabahagi ng special operations ang dalawa pang mayoralty candidates, sa katauhan ng isang kongresista at dating alkalde ng isang lungsod, malapit sa Metro Manila.
Ang pinaka-classic sa lahat, nakita lamang ng talunang presidentiable na pakalat-kalat sa session hall ang isang maingay na abogado, ito’y kaagad kinausap at kinuha ang serbisyo.
Ang misyong ibinigay ng talunang presidentiable sa maingay na abogado: guluhin ang takbo ng canvassing dahil ayaw sumunod ang mga inarkilang election lawyer na gumawa ng eksena para i-delay ang proklamasyon ni Aquino.
Lingid sa kaalaman ng isa pang natalong presidentiable, pangalan nito ang ikinakalat bilang promotor. Ganyan kadesperado ang talunang presidentiable dahil sa paniniwala sa feng shui.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment