Friday, June 25, 2010

Hunyo 25 2010 Abante Tonite

Farewell o far away?
Rey Marfil


Sa farewell address ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ipinagma­laki ang 37% econo­mic growth na natamo ng Pili­pinas sa ilalim ng kanyang administrasyon kahit nagkaroon ng recession sa buong mundo; 85% co­verage ng Philhealth insu­rance; 100 libong classrooms; 9 mil­yong trabaho; 500 libong call centers; RORO ports, tulay at kung anu-ano pang daan.

Sa dami ng accom­plishment na ipina­ngalan­dakan ng misis ni Jose Pidal, iisa pa rin ang tanong ng mga kurimaw: Tamang daan ba ang tina­hak ni Mrs. Arroyo sa loob ng siyam na taon?


Nasaan ang trabahong ipinagmayabang ni Mrs. Arroyo sa sambayanang Pilipino kung araw-araw marami ang pumipila sa Times Street, West Triangle, Quezon City at nag-iiwan ng resume, hindi lamang ang mga aplikante sa cabinet post kundi ang mga nawalan ng trabaho sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ito’y ordinaryong tanawin sa bahay ni President-elect Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III, animo’y Department of Labor and Employment (DOLE) ang ancestral house.


Hindi lang iyan, pati scavenger nag-uuna­hang kumalkal sa basura­hang nasa tabi ng bahay ni Aquino at naghahanap ng empty bottle na pinag­lagyan ng mineral water, malinaw ang dumaraming gutom at walang trabaho.


Kung nakapagpatayo ng 100 libong silid-aralan si Mrs. Arroyo, bakit nag-iiyakan ang mga bata dahil siksikan at sobrang init ang kanilang classroom, maliban kung hindi nanood ng TV Patrol at 24-Oras si Mrs. A­rroyo nang magbukas ang klase noong June 15, hindi ba’t meron pang nagkaklase sa ilalim ng puno at sawali ang dingding ng kuwarto, iyan bang tinatawag na classroom?


Ang masakit sa lahat, ipinangangalandakan ni Mrs. Arroyo ang 85% coverage sa PhilHealth insurance ga­yong nagmukhang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine General Hospital (PGH) ang bahay ng mga Aquino, aba’y napakarami ang humihingi ng financial at medical assistance sa West Triangle.


At kulang na lamang, ipakonsulta ang kanilang skin disease kay Aquino, hindi naman puwedeng ipayo ni Mar Rodriguez, isa sa media staff ni Aquino, na idaan sa pagngata ng kuko ang health problem.
***


Napag-usapan ang farewell address, kung meron ‘genuine’ at hindi ‘dinoktor’ sa speech ni Mrs. Arroyo, walang iba kundi ang pag-aming ‘asset’ ng gobyerno ang mga Pinoy -- ito ang nagsilbing backbone kung bakit hindi bumagsak ang Pili­pinas sa kabila ng naranasang recession.


Kung walang overseas Filipino workers (OFWs) na nagre-remit ng dolyares, matagal nang hilahod ang gobyerno sa gastusin.


Ang malungkot lamang, maraming bata ang nalalayo sa magulang at isang rason kung bakit humihina ang pundasyon ng isang pamilya.


Sa kabilang banda, meron ding magagandang nagawa si Mrs. A­rroyo subalit natabunan ng mga eskandalong nilikha ng pamilya nito, sampu ng mga gabineteng ‘kapit-tuko’ sa puwesto at ayaw palaya­sin ng “Mahal na Pangulo” kahit inu­ulan ng kritisismo.


Mantakin n’yo, hanggang sa kahuli-hulihang sandali sa palasyo, nag-iwan pa ng sakit ng ulo kay Aquino, aba’y nagkalat ang midnight appointments at midnight fund releases.


In fairness, epek­tibo ang RORO ports na itinayo ni Mrs. A­rroyo, ito’y nasaksihan ng Spy ng nakaraang eleksyon, maging ilang paliparang isina­ilalim sa rehabilitasyon at kalsadang pina­lawak ng administrasyon.


Ang tanong lamang: magkano ang naisubi ng mga promotor?
Iyan ang ipinaiimbentaryo ni P-Noy!


(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: