Ang proposal ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na patawan ng ‘one-year suspension’ sa pagmamaneho ang sinumang abusadong public utility driver na masasangkot sa napakalaking aksidente sa kalsada. Ang tanong ng mga kurimaw: bakit ngayon lang napag-isipan ni Sec. Leandro Mendoza gayong araw-araw front page ang salpukan ng jeep at bus, maliban kung minumulto ang gabinete ng mga nasawi sa lansangan lalo pa’t nalalapit ang Undas. Kaysa isentro sa public utility driver ang one-year suspension ng lisensiya, bakit hindi isama ni Mendoza ang mga private driver o nagmamay-ari ng pribadong sasakyan, aba’y mas mayayabang sa kalsada at nagkikipagkarerahan, maliban kung abalang pinapanood ang press conference ng kaibigang si MARINA chief Len Bautista lalo pa’t muling uminit ang isyu sa paglubog ng M/V Princess of the Stars sa Sibuyan Island? Hindi lang, bakit hindi sampolan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Raul Gonzalez ang mga tauhang abusado sa kapangyarihan, katulad ng nangyari sa hipag at bilas ni Kuya Rocky Nazareno, aba’y biktima ng abusadong piskal gayong simpleng traffic accident ang naganap sa Maynila. Mantakin n’yo, wala namang kinalaman sa banggaan, umepal ang isang nagngangalang Fiscal Salcedo at pinagsalitaan ng masama ang kanyang misis nang sunduin ang tatlong pamangkin, maliban kung mahilig maglaro ng ‘sawsaw-suka’. *** Ang kuwento: nagkasagian lamang ang dalawang kotse, sa pagitan ng isang NBI agent at bilas ni Kuya Rocky na naganap sa Taft, Maynila noong Lunes ng gabi. Ang nakakagulat, rumesponde si Fiscal Salcedo gayong parehong naka-comprehensive ang insurance policy at gasgas lang ang nangyari. Ang labis na ikinapikon ni Kuya Rocky, nagawa pang pagsalitaan nang ‘hindi maganda’ ni Fiscal ang kanyang misis gayong pakay lamang nitong ayusin ang damage at kaagad makauwi ang tatlong pamangkin. Mantakin n’yo, alas-10:00 ng gabi nangyari ang minor traffic incident subalit alas-dos ng madaling-araw ng Martes nakauwi ng bahay ang hipag at bilas ni Kuya Rocky! Sa kaalaman ng publiko, puro menor-de-edad o nasa grade school ang mga pamangkin ni Kuya Rocky pagkatapos makakarinig ng masamang pananalita sa isang piskal. Anong klaseng ehemplo ipinapakita ni Fiscal sa mga bata, maliban kung walang ‘GMRC’, as in good manners and right conduct o absent nang ituro ng kanyang titser sa kinder ang kasabihang ‘kung anong ginagawa ng mga matatanda, ito’y nagiging tama sa mata ng mga bata’. Kahit sinong lumagay sa katayuan ni Kuya Rocky, isusumpa si Fiscal, as in hindi katanggap-tanggap sa isang katulad nitong veteran Inquirer reporter ang inaabuso ang mga kamag-anakan. Ang ipinagtataka ng mga kurimaw, paano maaagrabyado ang kaibigan ni Fiscal sa traffic accident gayong isang NBI agent ito. Take note: doktora at accountant ang hipag at bilas ni Kuya Rocky at katarantaduhan kung madedehado ang isang NBI agent lalo pa’t hindi marunong magbitbit ng baril ang nakasagian ng kotse? Kung simpleng traffic accident, nakikialam ang mga tauhan ni Gonzalez, hindi rin nakakagulat kung bakit kaliwa’t kanan ang controversial contract dahil maraming pakialamero sa Arroyo government. Sabagay, mismong Office of the Ombudsman, hindi kayang sampolan si Jocjoc Bolante sa fertilizer scandal, maging si Million Dollar Man, as in ex-DOJ Sec. Nani Perez kahit kumpirmadong nangomisyon ng $2 milyon sa power contract, ‘di hamak nga namang may karapatan mag-angas ang mga simpleng piskal at tauhan ni Sir Raul. Ika nga ng mga kurimaw: ‘Follow the leader’. (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment