Tuesday, October 21, 2008

oct 21 2008 abante tonite issue

Kulang sa pansin si Sinta!
Rey Marfil


Hindi lahat ng baho, naitatago at palaging may krimen sa pagyaman ng isang tao, katulad ng kinasasangkutan ni Pete Ilagan- ang Pangulo ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (Nasecore), hindi ba’t inireklamo ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (Philreca) at National Association of General Managers of Electric Cooperatives (Nagmec) kay Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Zenaida Ducut tungkol sa monopolyo ng P11.6-milyong Consumer Education Fund (CEF) mula sa Philippine Electricity Market Corp. (PEMC)?
Sa kaalaman ng sambayanang Pilipino, ang PEMC ang nagtitimon sa wholesale electricity spot market (WESM)- ito ang pinanggagalingan ng kuryenteng ginagamit ng Philreca. Ang reklamo ng dalawang malaking kooperatiba ng elektrisidad, ibinulsa ang P10.8 milyong pondo mula sa CEF at ginagamit ng Nasecore sa pagpatawag ng conference at meeting upang diumano’y turuan ang mga consumer sa wastong paggamit ng kuryente. Mantakin n’yo, pati gastusin sa pagkain ng mga taga-Nasecore, ito’y kargo ng PEMC, katulad ang meeting sa Metro Manila habang bokya ang Philreca at Nagmec gayong kinakatawan ang grupong nagbibigay ng malaking tubo sa PEMC? Kung susuriing mabuti, higit sa 90% ng pondo para sa CEF ang nawawala kaya’t hindi maiwasang balikan ang background ni Ilagan sa panahong tambay sa Tacloban.
Ang tanong ng mga kurimaw sa Napocor compound, anong bertud meron si Ilagan upang makopo ang salaping dapat pinagpapartehan ng mga kooperatiba? Kung hindi nagkakamali ang Spy, unang sumali si Ilagan sa Leyte Electric Cooperative hanggang nagkagulo ang organisasyon at sumawsaw din sa Catholic charismatic group kaya’t nakakuha ng radio program at naihulma ang pagkatao bilang isang lay preacher sa kalauna’y sumabit ang kanyang grupo sa multi-milyon pisong donasyon at limos, maging sa isang malaking anomalya sa Philippine National Police (PNP) sa pagtatahi ng police uniform. Anyway, naging tambay sa CafĂ© de Malate si Ilagan at isa sa original PR ni Mrs. Arroyo na siyang humawak sa kontrata ng Quezon Power at ilan pang elementong may negosyo sa Napocor. Ganyan kalupit si Brad Pete!
***
Napag-usapan si Mrs. Arroyo, napakaagang ‘gumimik’ ng ilang presidentiables na nag-aambisyon sa kanyang puwesto, pinaka-corny ang pagpapa-showbiz ng ex-wife ni ex-Batangas Governor at murder suspect Tony Leviste -- si Senadora Loren Legarda, aba’y feeling-talent ng Star Circle sa ABS-CBN nang ipangalandakang ‘crush’ si Christopher de Leon gayong ipinanganak itongblack and white ang telebisyon at taga-Sampaguita Picture ang napapanood sa malaking telon, maliban kung kulang sa pansin (KSP). Ika nga, walang pinag-iba ang buhay artista sa pulitika kaya’t maraming nagpu-promote ng pelikula bago mangampanya.
Tila nagkamali ng propesyong pinasok si Loren Sinta, aba’y gusto palang makatambal si Boyet de Leon sa pelikula, bakit pumasok sa pulitika, maliban nagpapaintriga para mapag-usapan at makaagaw ng atensyon sa showbiz page dahil walang kuwentang press release ang inilalabas ng kanyang opisina? Asahang lilikha ng malaking intriga sa pagitan ni Sandy Andolong ang pagpapa-cute ni Loren Sinta kay Boyet de Leon lalo pa’t hiwalay sa kanyang mister ang lady solon. Ni sa panaginip, ayokong isiping nauumay si Loren Sinta sa hitsura ng mga kaibigang nakapalibot sa kanya, kaya’t nagpi-feeling artista? Ano kaya ang masasabi ni Senador Edong Angara?
Hindi kailangan mag-ala Kim-Gerald o kaya’y mag-Dindong-Marian love team ni Loren Sinta kay Boyet De Leon para maungusan si Senador Chiz Escudero sa presidential survey dahil ‘wais’ ngayon ang mga botante. Ibig sabihin, hindi makukuha ang panalo ng isang kandidato sa pagka-crying sa stage. Higit sa lahat, hindi rin kailangang maghanap ng isang Boyet de Leon ni Loren Sinta para makaagaw ng atensyon sa peryodiko at palabasing naghahanap ng boypren ito, aba’y nagkalat ang mga ‘Boyet’ sa kahit saang kanto, kahit nga sa Media Center meron isang ‘Boyet’ ang tahimik gumagawa ng kuwento at nang-i-scoop-si Boyet Jadulco. Ang partner ko! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: