Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw na naglalaway si Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) chief Antonio ‘Bebot’ Villar sa nabakanteng puwesto ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Lilian Hefti, aba’y astang-tax collector nang ipasara ang oil depot ng UniOil sa Mariveles, Bataan gayong anti-smuggling ang job description, maliban kundi makapag-deliver sa kinakailangang ‘pampuno sa garapon’ ng palasyo o kaya’y sinususian ng ‘Big 3’ kaya’t nagpapaka-hero. Mantakin n’yo, kayang mag-roll back ng P3 ng UniOil subalit hindi magawa ng Shell, Caltex at Petron. Bakit hindi ikandado ni Mang Antonio ang ‘Big 3’ kung walang pinapaboran ito? Kahit sinong estudyante sa isang mababang paaralan, naiintindihan na BIR ang nakakasakop sa tax collection at Bureau of Custom (BOC) sa Custom duties, as in hindi collecting agency ang opisina ni Bebot Villar para kolektahin ang P2.7 bilyong pagkakautang ng UniOil. Ang tanong ng mga kurimaw sa Pandacan oil depot: Bakit hindi buksan ni Bebot Villar ang mga libro ng Shell, Caltex at Petron upang magkaalaman kung sino ang nagto-’tongpats’ sa presyo ng langis at nagpapasasa sa Oil Deregulation Law kung kaya naman pala nitong ipasara ang oil depot ng UniOil? Tutal, ‘nagmamatapang’ din lang naman si Bebot Villar kontra UniOil at natutong mangolekta ng buwis, bakit hindi i-padlock ang opisina ng mga isinasangkot sa tax evasion. Sa malamang, magka-ubusan ng kandado sa merkado sa dami ng mga abusadong negosyante. Kaya’t mag-ingat si Miss Judy Ann Santos, aba’y hindi malayong ikandado ni Bebot Villar ang kanilang mansion kahit simpleng pagkakamali sa tax declaration ang sinabitang kaso, maging ang uupong kapalit ni Hefti o kaya’y si BOC Commissioner Napoleon Morales, baka maningil ng tatlong (3) suweldo si Bebot Villar lalo pa’t inaagawan ng trabaho ang mga ito! *** Ang kagalingan lang ni Bebot Villar, hangga’t may bendisyon ng MalacaƱang, ito’y walang kinakatakutan kahit harangan ng pana at sibat ng kritiko. Mantakin n’yo, nakikipag-upakan ang mga bodyguard at maraming nasampolan, isa si Simon Paz sa loob ng CR. Ang resbak pa ni Bebot Villar sa UniOil. “Hayaan mo na sila sa mga human rights violation na ‘yan. Mag-demanda sila” - Iyan ang hindi makita ng mga kurimaw kay Senate President Manuel Villar Jr., sa isyu ng ‘tongpats’. Sabagay, hindi pa nga nagsisimula ang bakbakan sa floor sa pagitan ni opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, kaagad sugatan sa kanang kilay at hindi man lang nalaman ang pangalan ng lalaking naka-head butt sa PICC compound, malinaw napalusutan ang security, katulad din sa double entry! Kung mala-Manny Pacquiao ang sabayang-atake ni Bebot Villar sa lahat ng mga smuggler, puro takbo ang estilo ni Manny Villar, aba’y wala nang hinarap sa ‘tongpats issue’ kundi ang dalawang (2) spokesman - sina Lolo Joker Arroyo at katukayo ni Joselito Cayetano, pinakahuli ang pag-iwas sa media interview kahit inireklamo sa committee on ethics ito. At minsan lang sumuntok sa press conference, nagkasabit-sabit pa si Manny Villar kaya’t lumawak ang sakop ng C-5 Road mess, pinakahuli ang P1.2 bilyong ipinambayad ng DPWH sa right of way (ROW) kay Bro. Mike Velarde subalit hindi napakinabangan dahil nagkaroon ng panibagong funding at na-divert ang highway sa lupain ni Lolo Manny! Sa mahigit isang buwan, puro pagmumukha ni Pedro ang napapanood sa telebisyon at naririnig sa radyo. At kahit mala-’Halimaw sa Banga’ ang pagkukwento at dispalinghado ang explanation sa C-5 Road, walang ibang choice ang publiko kundi pakinggan ang anak ni dating senador Renato ‘Companero’ Cayetano na naimbestigahan sa P80 milyong BW resources scandal ng committee on ethics upang balanse ang pagtitimbang sa eskandalo. Kaya’t panalangin ni Aling Matet habang namamasyal kasama ang alagang aso ‘sana’y mag-ala Bebot’ si Manny Villar at harapin ang imbestigasyon para matuldukan! (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment